Categories
PhilippineLiterature

Panitikan: Anyong Patula

Ang mga anyong patula ay may apat na uri. Ito ay mga sumusunod: tulang
pasalaysay, tulang paawit o liriko, tulang dula o pantanghalan, at tulang
patnigan.

I . Ang tulang pasalaysay ay naglalarawan ng mga tagpo o pangyayaring mahahalaga sa buhay. Ito ay may tatlong uri – ang epiko, awit at kurido, at balad.

Ang epiko ay mahabang tula na inaawit o binibigkas. Nauukol ito sa kababalaghan at pagtatagumpay ng pangunahing tauhan laban sa mga panganib at hamong kanyang natatanggap. Ang mga nagsulat nito ay naglayong gamitin ito sa ritwal. Ang Biag ni Lam-ang (Buhay ni Lam-ang) ay isang halimbawa ng epiko. Isinulat ito ni Pedro Bukaneg ng taga-Abra. Ito ay kilala bilang pinakamatandang epikong naitala. Nakasulat ito sa salitang Iloko at tungkol sa mga pambihirang pakikipagsapalaran ni Lam-ang, ang pangunahing tauhan ng epiko. Si Lam-ang daw ay binigyan ng di-pangkaraniwang lakas at pananalita nang ipinanganak. Isa pang halimbawa ng epiko ay ang tungkol sa Ifugao na si Hudhud. Ang epikong ito ay kinakanta tuwing may importanteng mga kasayahan, katulad ng anihan at pagtatanim.

Ang mga paksa sa awit at korido ay tungkol sa pagkamaginoo at pakikipagsapalaran ng mga pangunahing tauhang mga reyna’t hari, prinsesa’t prinsipe. Ang awit ay may 12 ang sukat ng pantig, habang ang korido naman ay may 10 ang sukat. Ang Florante at Laura ay isang halimbawa ng awit, at ang mga sumusunod ay halimbawa ng korido: Ang Ibong Adarna, at Buhay na Pinagdaanan ni Donya Mariang Asawa ng Ahas.

Ang balad ay tulang inaawit habang may nagsasayaw. Ginawa ito noong matagal nang panahon. Mayroon itong anim hanggang walong pantig. Isang halimbawa nito ay balitaw. Ang balitaw ay debateng awit at sayaw tungkol sa pagmamahalan ng isang babae at isang lalaki.

II. Ang tulang paawit o liriko ay mayroon ding iba’t ibang uri. Ito ay ang mga sumusunod:
1. Awiting Bayan – ang mga ito ay mula pa sa mga ninuno natin at magpahanggang ngayon ay kinakanta o inaawit pa rin natin. Pangunahing halimbawa ng awiting bayan ay ang Lupang Hinirang, ang Pambansang Awit ng Pilipinas. Iba pang halimbawa ay ang Leron, Leron Sinta, Dalagang Pilipina, Bahay Kubo at ang Paruparong Bukid.
2. Soneto – ang tulang ito ay tungkol sa damdamin at kaisipan. Ito ay may 14 na taludtod. Dito ay may mapupulot na aral ang mambabasa. Ang halimbawa ng soneto ay ang Sonnet on Worker’s Rights ni Amado M. Yuson na isinalin sa wikang Filipino ni Joey A. Arrogante. Ito ay pinamagatang Soneto sa mga Karapatan ng Mga Manggagawa.
3. Elehiya – ang tulang ito ay patungkol sa kamatayan o sa pagdadalamhati lalo na sa paggunita sa isang sumakabilang-buhay na. Isang halimbawa ng elehiya ay ang isinulat ni Bienvenido A. Ramos na may pamagat na Awit sa Isang Bangkay.
4. Dalit – kilala ito bilang awit sa pagsamba sa mga anito. Ngayon, ito ay awit ng papuri sa Diyos o kaya ay sa Birheng Maria na ina ng Diyos o sa relihiyon.
5. Pastoral – mga tulang tungkol sa buhay sa bukid.
6. Oda – ito ay isang papuri, panaghoy, o iba pang masiglang damdamin. Walang tiyak na bilang ang pantig at taludtod.

III. Ang tulang dula o pantanghalan ay may limang uri. Ito ay ang sumusunod:
1. Komedya – ang layunin nito ay gawing kawili-wili ang panonood sa pamamagitan ng mga ginagawa ng pangunahing tauhan. Ang wakas nito ay masaya. Ang kaguluhan sa bandang simula ay naaayos. Ang pagkakasundosundo ng mga tauhan ang nakapagpapasaya sa mga nanonood. Isang halimbawa ng komedya na isinulat ni Juan Crisostomo Soto (o Crissot), na tinaguriang “Ama ng Panitikang Kapampangan” ay ang komedyang Kiki-Riki, isang komedyang nakasulat sa Kapampangan at may isang yugto.
2. Melodrama – ginagamit ang tulang ito sa mga dulang musikal. Isang halimbawa nito ang Sarimanok na isinulat ni Steven Prince “Patrick” C. Fernandez.
3. Trahedya – nauuwi ang dulang ito sa malagim o malungkot na wakas. Isang halimbawa ng trahedya ay Ang Trahedya sa Balay ni Kadil na isinulat ni Don Pagusara.
4. Parsa – ang parsa ay nakapagpapasiya sa mga nanonood dahil sa mga dugtong-dugtong na mga pangyayaring nakatatawa.
5. Saynete – ang dulang ito ay tungkol sa mga lugar o pag-uugali ng mga tao.

IV. Ang tulang patnigan naman ay may tatlong uri. Ito ay ang mga sumusunod:
1. Karagatan – ginagamit ang tulang ito sa laro, kadalasan tuwing mayroong namatay. Kunwari ay may matandang tutula tungkol sa dahilan ng laro. Tapos ay paiikutin ang isang tabong may tanda. Kapag huminto ang tabo sa pag-ikot, ang matatapatan nito ay tatanungin ng dalaga ng mga salitang matatalinhaga o makahulugan. Ang larong ito ay nagmula sa isang alamat ng isang prinsesang naghulog ng singsing sa karagatan. Ang sinumang binatang makakuha ng singsing ay siya niyang pakakasalan.
2. Duplo – ito ang pumalit sa karagatan. Labanan ito ng pagalingan sa pagbigkas at pagbibigay katwiran nang patula. Ang mga pagbigkas ay galing sa mga kasabihan, salawikain at Bibliya. Ito ay madalas laruin tuwing may lamay sa patay.
3. Balagtasan – ang balagtasan naman ang pumalit sa duplo. Ito ay debate na binibigkas nang patula. Ipinangalan ito sa tanyag na manunulat na si Francisco “Balagtas” Baltazar. Pinatanyag ito ng “Hari ng Balagtasan” na si Jose Corazon de Jesus (Huseng Batute).

Mula sa: http://eskwela-apc-nstp.wikispaces.com/file/view/Panitikang+Pilipino.pdf

Mga katulad or karagdagang kaalaman: http://tl.wikipedia.org/wiki/Kategorya:Panulaan