Kung Tapang Ang Pag-Uusapan, Sa C-5 Pupulutin Si Villar Laban Kay Enrile!

Office of Senate President Juan Ponce Enrile
Transcript of Interview For Reference
27 January 2010 Yvonne Caunan
(Wednesday) 0920-983-5042

DZLT

Q: Senate President Enrile, sa issue po ng nangyayari ngayon sa C-5, ito po ang malimit naming tinututukan dito.

JPE: Sabi nga ng iba diyan, C-5 at taga raw. Alam mo, itong si Manny Villar ay gustong pagtakpan itong ginawa niya. Siya ang promotor ng dalawang kalye. Siya ang promotor ng C-5 extension. Pinalitan niya ang alignment noong C-5 Link Expressway na ikakabit doon sa Macapagal Avenue. Inilihis niya para pumunta sa mga lupa niya sa pagitan ng Multinational at Sucat hanggang doon sa Quirino Avenue sa Las Piñas na kung saan napakadami ng lupa niya. Siya ang nagpondo. Siya ang kumuha ng pera sa budget upang pondohan ‘yon. Pati yung Php30 million para sa irigasyon ng mga farmers sa Cagayan na inilagay ko sa budget, kinuha niya at ginamit niya noong siya ang Chairman ng Finance Committee para doon sa C-5 project niya. At dahil diyan, kumita siya ng limpak-limpak na salapi na ngayo’y ginagamit niya upang siya’y maging sikat na kandidato sa pagka-Presidente. Kaya sabi ko, mahirap itong si Manny dahil binibili niya ‘yung kapangyarihan niya sa pagka-Presidente niya.

Q: ‘Yan ba ang takbo niyo rito sa issue na ‘to? Ako’y nagtataka kung bakit naman tuluyang nagkikibit-balikat na lang at hindi humaharap dito sa Komite na nagdidinig sa kasong ito.

JPE: Alam mo Jun, ‘yung manok kapag nasa galyera, kahit hindi lumalaban ay talo. Di ba? ‘Yung tandang na ilalaban sa pintakasi, na hindi lumalaban siya ang talo.

Q: Mayroong text po sa atin Senador, ito po bang pagkakabunyag sa Senado ay masasabi niyo po ba sa ating mga kababayan na talagang kayo at tinangkang suhulan ng ating promotor ng C-5 Extension Road ?

JPE: Totoo ‘yon, Jun. Maisusumpa ko sa buhay ng aking mga anak na totoo ‘yon na sinabi ni Manny Villar. Ewan ko lang kung maisusumpa niya sa buhay ng kaniyang mga anak na hindi totoo ang sinabi kong ‘yon. Mayroon akong testigo na makapagpapatunay na nagsisinungaling siya kung sinasabi niya na hindi niya sinabi ‘yon.

Q: I understand ho, Senador. Pero ngayon po ay pinasisinungalingan po ito nitong si Sen. Manny Villar. Sa katunayan nga, ang nagpapatunay nito ay ang kanyang endorser na si Dolphy na malinis ito, walang ginagawang masama, hindi nagnakaw. Ano po ang masasabi niyo rito?

JPE: Ewan ko lang kung inimbestigahan ni Dolphy ‘yung C-5 at saka ‘yung mga Camella, Palmera na mga bahay na pinagbili ni Villar. Maraming umaangal. Maraming mga tao na ang nagpupunta sa Senado at sinasabing ang mga bahay daw nila ay walang mga haligi. Bumabagsak.

Q:        Ako naman po ay nalulungkot dahil sa Senado po ngayon kung bakit nagkakaganito ang mga halal ng bayan.

JPE: Nakakalungkot nga. Ako naman ay tahimik lang na tao. Sa totoo lang, nagkamali si Manny Villar. Tinanggal niya kay Ping Lacson ‘yung imbestigasyon. Sana pinabayaan niya kay Ping Lacson, hindi abogado si Ping Lacson. Hindi siya sanay na magsuri ng ebidensiya na ipiniprisenta sa kanya. At pwede niya sabihing may motibo si Ping Lacson dahil kandidato noon si Ping Lacson sa pagka-presidente. Pero ako, ako ay ginawang Senate President. Hindi ko hiningi ‘yong trabaho na ‘yon. Ginawa nila akong Chairman ng Committee of the Whole para bigyan siya ng patas na laban.

Q: So ibig sabihin ba noon, pinahina niya ang kanyang pwersa diyan sa Senado?

JPE: Tama ‘yon at saka ang nangyayari ngayon ay parang ako ang kumakandidato ng pagka-Presidente at ako ang nilalabanan ni Manny Villar. Ako ay kumakandidato lang ng pagka-Senador. Baka gusto niyang kumandidato ng pagka-Senador? Pwede kaming mag-debate. Ayaw niyang makipag-debate. Ang ginagamit niya, ‘yung kanyang mga bukadora. Mayroon siyang mga bukadora. Maiinit ang ulo ng kanyang mga bukadora. Gumagamit sila ng mga maaanghang na salita doon sa kanilang mga kalaban. Ibig sabihin noon, kulang sila sa argumento. Sabi nga sa mga abugado, kung malakas ka sa facts sa kaso, pukpukin mo sa facts. Kung malakas sa batas, pukpukin mo ‘yung batas. Kung hindi ka malakas sa batas at facts ng kaso, pukpukin mo ang lamesa. Kaya ang ginagawa nila ngayon ay pinupukpok nila ang lamesa.

Q: Ano naman ang sinasabi niyo diyan na kaya raw umuusok ang inyong bumbunan at hawak-hawak niyo ang gavel, may tumatangka na agawan daw kayo ng posisyon. Sinasabi pa rin na kayo raw ang nagsabi na mayroon nang namumuno dun sa Senado para may kudeta.

JPE: Alam mo Jun, ako ay sanay sa kudeta. So, handa ako sa mga kudeta na ‘yan. Ang lumalabas ngayon ang ginagawa nila ay kudeting.

Q: Well, dito pa rin siya isyu na ito—itong napakalaking C-5 na ito na ang promotor nito ay itong si Manny Villar. Sinasabi raw niya na halos walang makapagsabi kung talagang ‘yung mga lupang dinaan niyan ay puro sa kanya.

JPE:    ‘Yung Adelfa Corp. 52 percent ‘yung hawak niya diyan. ‘Yung asawa niya 48 percent.  Pagsamahin mo ‘yung dalawang figure na ‘yon, 100 percent na hawak nila ang korporasyon. At ‘yung mga korporasyon na ‘yon meron namang mga korporasyon na ‘yon may hawak na korporasyon ‘yung Golden Haven na ang daming lupa dun. Meron sigurong kulang-kulang na 60 hectares na lupa ‘yung kanyang Brittany . Ganoon din, ang daming lupa. Doon sa kabila ng Sucat kung alam niyo ‘yung Sucat Road , pagitan ng Sucat at Multi-national, kabi-kabilaan ang dinadaanang kalye na ginawa niyang daan niya. Ngayon, akalain mo itong kalye na dapat ay straight para makatipid ang gobyerno ay lumiko. Paliko-liko para dun sa lupa ni Manny Villar. Kaya sabi ko nga, ang galing naman ng mga nandito sa Vilar side. Paliko-liko na ‘yung ginawa nilang kalye. Paliko-liko rin ang kanilang argumento para gumaan ‘yung usapan nila sa kanilang panig.

Q: Pero Senador, meron ba talaga tayong patunay diyan na itong mga lupang ito na parang dinaanan ng sawa ay puro kanya?

JPE: Oo. Meron ding mga tao na may dinaanan na kalye na katabi ng mga lupain niya. Ang misteryo diyan, ang lupa  niya mataas ang presyo pero ‘yung katabi, ‘yung karatig na dinaanan din ng kalye ay mababa. ‘Yung karatig ay P4,000 per sq. m lang, ‘yung kanya ay P20 million per sq. m.

Q: Halimbawa bumaba ang pagdinig nito sa Senado ay mapatunayang guilty nga itong ating Sen. Manny Vilar na ngayon ay nahaharap sa paghahatol ng ating mga kababayan bilang president ng ating bansa. Ano ngayon ang mangyayari sa kanya?

JPE: May ebidensiya nga. Ayon sa ebidensiya, guilty.

Q: So ano po ngayon ang mangyayari?

JPE: Magbobotohan.

Q: So sakali nga po ngayon kung mapatunayan nga ang mga nangyari kay Villar?

JPE: Magpapatuloy pa rin siya na Senador pero pagsasabihan mo lang siya na wag mo nang uulitin ‘yan. Kung uulitin naman, sasabihan naman ang taong bayan. Sabihan mo ang mga kapwa mo Senador para alam nila na ‘yung kinukuha mong pera sa budget na ginagamit mo sa proyekto na ‘yan ay may pakinabang ka.

Q: Akala ko ipapakulong niyo.

JPE: Ay hindi. Iba na ‘yun kung sa korte na ‘yun, pwedeng makulong.

Q: Well, ano naman ang masasabi niyo sa inasal ng ating magaling kahapon diyan itong Senador na hinahangaan ko na matapang na si Sen. Miriam Defensor-Santiago?

JPE: Alam mo Jun, ako’y takot dun sa Senadora na ‘yun eh. Nung ako ‘yung magtalumpati sinasabi ako raw ay nambabastos. Ang sabi ko lang ay hindi niya napag-aralan ‘yung nangyari sa Senado natin na ako mismo ay na-censure na napahiya siguro siya dahil hindi niya napag-aralan ‘yun kaya pumutok ang kanyang butsi at umusok ang kanyang utak kaya nagsisisigaw dun sa Senado at hindi niya pinag-aralan ‘yung record ng US Congress kung saan natin kinopya ang Saligang Batas natin at doon ang mga Senador kapag expulsion o suspension, 2/3 ang vote. Kapag censure, majority lamang.  Kaya sinabi ko, kung inaakala mo na iniinsulto  kita ay magsamapa ka ng kaso sa husgado at haharapin kita doon.

Q: So doon natapos ‘yon?

JPE: Oo, doon natapos ‘yon. Ako Jun, hindi ako nagwalk-out, nagpunta lang ako sa kasilyas.

Q: Senador Enrile, hawak niyo po ngayon ang mga isinumiteng ebidensiya ng reklamo kay Senador Villar. Sa tingin niyo po ba ngayon ay ito ay substantial nang naglabasan?

JPE: Kung isasampa mo ang kaso sa husgado, siya ay papasok sa bilangguan. Gusto ko lang sabihin na nalulungkot ako sapagkat ‘yung Senadora na tinutukoy mo, inaanak ko sa kasal ‘yon. Ninininong-ninong niya ako pagkatapos ako ang unang nagbigay sa kanya ng trabaho noong siya ay bagong graduado sa Unibersidad ng Pilipinas at ako ang Secretary of Justice. Pero ako naman, ako naman ang pumigil sa kanyang confirmation noong siya ay ginawang Secretary of Agrarian Reforms ni Cory Aquino dahil tungkol sa isang kotse na kinuha na pag-aari ng ibang tao. Alam mo naman Jun na ako’y hindi nagyayabang na abogado. Hindi ko sinasabi na ako  ay magaling na manananggol pero sa examination ay 92 percent ang average ko pero may iba diyan na halos bumagsak.###

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s