Tanaga

Tanaga is the Philippine shortest poetry form of four lines in seven syllables, commonly in aaaa or aabb, abba, or abab rhyming pattern. Pinoy haiku, then as used here is a hybrid of the Japanese haiku and from the two lines of tanaga, ideally in a-a-a or a-b-a rhyme pattern.

Ang Tanaga ay isa sa mga katutubong tula sa Filipinas. Binubuo ito ng apat na taludtod, at bawat taludtod ay may pitong pantig. May tugmang isahan (aaaa) ang sinaunang anyo nito, ngunit pinasukan ng eksperimentasyon ng mga makata sa paglipas ng panahon, mulang Ildefonso Santos at Alejandro G. Abadilla hanggang Rio Alma, Teo T. Antonio, at Mike L. Bigornia. Kabilang sa mga pagbabago ang pagpapasok ng tugmaang inipitan (abba), salitan (abab), at sunuran (aabb). Pambihira naman ang ginawa ni Abadilla, na gumamit ng panloob na tugmaan, gaya ng mababasa sa kaniyang aklat na Tanagabadilla (1965).

Ilan sa mga katangian ng tanaga ang masining na pagkasangkapan sa talinghaga (metaphor), ang pagtitimpla ng mga imahen, ang pagpapaindayog ng tunog ng mga salita, at ang banayad na pagpapahiwatig mula sa inilalarawan, inihahambing, o inilalahad na bagay, pangyayari, o tagpo.

(Tignan ang iba pang nilalaman)

Ang Tanaga ay isa sa mga katutubong tula sa Filipinas, ngunit unti-unti na itong nabubura sa alaala ng sambayanan.

Heto ang mga halimbawa ng tanaga.

 

Santo Niño
 Sanlaksang kaluluwa
ang bumalot sa daan.
Ang ingay at ang kulay
ay biglang naging isa.

—Roberto T. Añonuevo
26 Disyembre 2007

Tagpo sa Noche Buena
Nasok ang limang ibon
Sa singit nitong bubong.
Sumiyap ang inakay,
at dilim ang dumantay.

—Roberto T. Añonuevo
7 Disyembre 2007

Paggunita sa Tanaga ni Virgilio S. Almario

Bukod sa mga bugtong at salawikain, maraming sinaunang maikling anyo ng tula sa Filipinas. Isa dito ang tanaga, na ayon sa vocabulario nina Noceda at Sanlucar (1754) ay isang uri ng tulang may napakataas na pagpapahalaga sa lipunang Tagalog: Poesia muy alta en tagalo, compuesta de siete silabas, y cuatro versos, llena de metaforas. Binubuo ang tanaga ng apat na taludtod at bawat taludtod ay may sukat na pipituhin. Sa loob ng naturang anyo, kailangang ganap na maipahayag ng makata ang nais sabihin sa pamamagitan ng matalinghagang pangungusap.

Umaabot sa 15 ang tanagang natipon at ginamit na halimbawa nina Noceda at Sanlucar sa kanilang bokabularyo. Isa dito ang nagpapahayag ng pagpapahalaga sa birtud ng kababaang-loob sa pamamagitan ng pagkokompara sa mga punong paho at doso:

Mataas man ang paho
Malangba ang pagtobo
Ang doso rin ang lalo,t,
Hangini di maobo.

Isa pa ang tigib sa pagbibiro at siste dahil sa tila-musmos na paghamon ng marupok na lumot sa tibay ng tulos na kung tutuusi’y pagsasandigan niya ng sariling kapalaran:

Catitibay ca tolos
sacaling datnang agos
aco,i, momonting lomot
sa iyo,i, popolopot.

Ngunit ang susunod ang maituturing na isang hiyas:

Nang ualang biring guinto,
Doon nagpapalalo
Nang magcaguinto guinto
Doon nanga songmoco.

May dalawang talim ang naturang tula. Sa isang banda, isang bugtong ito hinggil sa palay. Gayunman, isang aral din ito sa hungkag at sa totoong karunungan. Ang taong kulang sa dunong ay karaniwang tulad ng namumutikas pa lamang na palay: palalo at nakatingala lagi sa langit. Sa kabilang dako, ang taong tigib sa karanasan ay tulad ng uhay na hitik sa butil: marunong yumuko at magpakababa.

Isang suwerte natin ngayon na natipon at nailimbag nina Noceda at Sanlucar ang mga naturang sinaunang tanaga. Sa loob ng mahigit sansiglo, waring nawala ito sa gunita ng taumbayan. Salamat at nitong makaraan ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, muling binuklat ni Ildefonso Santos ang aklat nina Noceda at Sanlucar at natuklasan ang tanaga.

Lumikha mismo siya ng ilang tanaga at inilathala nang may kalakip na paliwanag hinggil sa ginamit na katutubong anyo. Isa dito ang kaniyang paghalaw sa bugtong ng palay at nilagyan niya ng gayong pamagat:

Palay siyang matino,
Nang humangi’y yumuko,
Nguni,y, muling tumayo:
Nagkabunga ng ginto!

Nabasa ni Federico Licsi Espino Jr. ang tanaga ni Ildefonso Santos at isinulat niya ang naturang tuklas sa isang artikulong Ingles sa magasin niyang pinaglilingkuran. Bukod dito, sinundan niya ang pagsisikap ni Santos; sumulat din siya ng tanaga, at isa ang sumusunod na “Muling Pagkabuhay”:

Dahan-dahan, ang langit
Ay nagbababang-luksa;
Unti-unti, ang binhi’y
Nabubuhay sa lupa.

Nagsisulat din ng tanaga sina Rogelio G. Mangahas, Rio Alma, Lamberto E. Antonio, Pedro Ricarte, at iba pa nitong dekada 60. Pagdating ng dekada 70, ganap nang muling nabuhay ang tanaga sa hanay ng mga makata.

Ang Textanaga ang kaganapan ng naturang resureksiyon. Bukod sa inobatibong paggamit ng texting, pinalawak ngayon ng naturang kontest ang kamalayan sa tanaga hindi lamang sa mas malaking bilang ng kasalukuyang makata kundi maging sa henerasyon ng mga Filipinong limitado ang kaalaman sa sarili’t katutubong panitikan ng Filipinas.

Sa loob ng sambuwan at kaugnay ng pagdiriwang sa Pambansang Buwan ng mga Sining nitong Pebrero 2003, libo-libong lahok ang tinanggap ng mga tagapangasiwa ng Textanaga . Nanggaling ang mga lahok sa iba’t ibang dako ng Metro Manila bukod sa dumating mula sa Bulacan, Nueva Ecija, Pangasinan, Laguna, Batangas, Quezon, at Palawan. May nagwagi pang taga-Bicol. Ang higit na nakatutuwa, nilahukan ito ng mga guro, estudyante, klerk, negosyante, abogado, CPA, sundalo, pari, at mga tao mula sa sari-saring propesyon at gawain ngunit nabibigkis ng mithiing tumula.

Hindi naging sagwil ang pangyayaring hinggil lamang sa pag-ibig ang maaaring paksain ng bawat lahok. Itinatanghal sa mga nagwagi linggo-linggo ang mataas na uri ng pananalinghaga, gaya ng hinihingi sa tanaga. May hayag na mithiing pakatutubo, tulad sa:

Ay! Masaganang payaw
Ang katawan mo, Mahal;
At bul-ol akong bantay
Sa mapintog mong palay.

Dili kaya’y malikhaing pagsangkap sa sinaunang paniwala, pamahiin, at gawain ng bayan, gaya sa:

Nag-almusal mag-isa,
Kaning lamig, tinapa;
Nahulog ang kutsara…
Ikaw na sana, Sinta.

Malakas din ang simbuyong gamitin ang wika’t karanasan ng lungsod, gaya sa:

No virus ang computer
Puro sunshine ang weather,
Parang life sa death after
Pag tayo ay together.

Na kahit ipahayag sa karanasang lalawiganin ay hindi nawawalan ng masayang dating, gaya sa:

Puto lang ako Sinta-
May init ng bibingka,
Tamis ng maja blanca,
Sapin-saping ligaya.

Bagaman may halimbawang mahihiwatigan ng tahimik ngunit mahiwagang paglurok sa bagay-bagay, sa paraang tinatawag na Silanganin, gaya sa:

Dinatnan kong tahimik
Ang lawa at namingwit;
Nasilip ka sa langit,
Hinagkan ko ang tubig.

Walang kapantay ang biyayang dulot ng Textanaga sa popularisasyon ng tanaga at sa karugtong na pagkamalay ng sambayanan sa kulturang Filipino. Isang hakbang ito sa muling pagkabuhay din ng diona, dalit, at ibang maikling katutubong anyo ng pagtula o sa muling pamumulaklak ng balagtasan, dallot, o komposo sa entabladong Filipino. Kailangan ang ganitong danas bago tayo ganap na dapurakin ng cable TV, DVD, at mga bagong Hinete ng Globalisasyon.

Ferndale Homes
28 Pebrero 2003

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s