Legends (The Earth and Sky)

Mga Alamat (Ang Lupa at Langit)

Bakit Maalat Ang Dagat?
(Why is the sea salty?)
Si Angalo ay isang higanteng mahal ng mga tao sa kanilang nayon sapagkat siya’y mabait at matulungin. Isang araw, ang mga tao ay sumakay sa mga bangka at nagtungo sa kabilang ibayo ng dagat upang bumili ng asin. Pabalik na sila sa dalampasigan nang masalubong nila si Angalo. Itinanong ng higante kung saan sila nanggaling at ano ang kanilang mga dala. Sinabi ng mga tao na bumili sila ng asin.

Iminungkahi ni Angalo na huwag na silang magsisakay sa mgha bangka at nang mapadali sila sa pag-uwi. Hihiga raw siya sa dagat at gawing tulay ng mga tao ang isa niyang binti. Tuwang-tuwang sumang-ayon ang mga naroon. Humiga na ang higante sa dagat at nagsitulay na sa kanyang binti ang mga tao. Nang nasa gitna na ng dagat ang mga tao ay kinagat ng mga langgam ang talampakan ni Angalo. Makating-makati na at masaki na masakit ang mga kinagat ng mga langgam kaya pinagsabihan ng higante ang mga tao na magmadali at hindi na niya matiis ang nararamdaman niyang pangangati.

Nagmadali ang mga tao ngunit sila’y nasa kalagitnaan pa lamang ng binti ni Anggalo. Hindi na natiis ni Angalo ang masidhing pangangati ng kanyang talampakan. Kumilos siya upang kamutin iyon kaya’t nahulog sa dagat ang mga tao, dala-dala ang binili nilang asin. Natunaw ang mga asin nang mahulog sa dagat kaya’t iyon ang dahilan kung bakit naging maalat ang dagat.

Ang Malalaking Bituin sa Kalangitan
(The Big Dipper in the Sky)
Sa bayan ng Kabatuhan, mayroong naninirahang isang mahirap na mag-ina. Sila’y napakamak diyos. Dahil sa mabait ang babae ay lumaki ang kanyang anak ng masunurin at mabait.
Ngunit dumating ang isang malaking problema sa kanilang bayan. Ang kaisa-isang balon na pinagkukunan ng lahat ng taga-roon ng tubig ay natuyot. Hindi naglaon ay maraming mga tao ang nagkasakit at ang ilan ay mga nangamatay. Nagkaroon din ng sakit ang babae dahil sa matinding uhaw.
“Oh aking anak,” ang sabi ng babae sa kanyang anak, “ihanap mo naman ako ng kahit kaunting tubig, dahil ako’y mamamatay na sa uhaw.”
“Opo ina,” sagot ng masunuring anak na kaagad ay kumuha ng tabo na yari sa bao ng niyog sa kanilang kusina.
Kahit saan siya magtungo ay wala siyang makuhang tubig. Pawang mga nanlulumong mga tao ang mga nandoon at halos mamatay na sa uhaw. Nagpatuloy parin siya sa paglalakad at tanging iniisip lamang ay makakuha ng tubig para sa kanyang nauuhaw na ina.
Habang naglalakad, tumingin siya sa langit at nagdasal: “Panginoon, bigyan n’yo po ako ng kahit kaunting tubig upang makainom na ang aking ina.”
Nang siya’y tumingin pababa ay mayroong pumupuslit na tubig sa kanyang harapan. Madali niyang isinahod ang dala niyang tabo, at kaagad nagpasalamat sa panginoon. Nagtatakbo siya patungo sa kanyang ina. Habang tunatakbo’y may tumawag sa kanyang isang lalaki.
“Anak, maaari ba akong makainom ng kahit kaunting tubig na iyong dala-dala, dahil ako’y uhaw na uhaw na?”
Dahil sa awa sa lalaki ay pinainom niya iyon at kaagad naman itong lumakas. Nagpautuloy siya sa pagtakbo patungo sa kanyang nauuhaw na ina, habang tumatakbo’y di sinasadyang nadapa siya at bumagsak ang hawak niyang tabo, tumama ito sa bato at nagkapirapiraso.
Umiyak ang bata sa nangyari, kaya tumingala muli siya upang humiling sa muli sa Diyos ng tubig. Hindi nga siya nagkamali at sa kanyang kinatatayuan ay nagkaroon ng balon na puno ng tubig. Tumingala muli siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos, at mula doon ay nakita niya ang pirapirasong bahagi ng kanyang tabo na unti-unting tumataas at kumorte na kahugis ng kanyang tabo na yari sa bao.
Sa tuwa ng bata’y tinawag niya ang lahat ng naroon at nagsidating na nga ang mga tao na may kanya-kanyang dalang lalagyan ng tubig. Dali- daling kumuha ng tubig ang bata at nagtungo na sa kanilang tahanan. Naabutan niya ang kanyang ina roon na malapit nang malagutan ng hininga sa uhaw, kaya’t kaagad niya itong pinainom.
“Aking anak,” sambit ng babae, “Ikaw ay isang napakabuting anak.”
“Ina, ang Panginoon ang siyang tumulong sa akin.”
Mula noon gabi-gabi’y pinapanood ng mag-ina ang pagkorte ng mga bituin n hugis tabo sa kalangitan.

Kung Bakit Maliwanag ang Araw Kaysa sa Buwan
(Why the Sun is Brighter than the Moon)
Noong unang panahon ay mayroong isang diwata na may dalawang anak na babae na pawang magaganda. Si Araw ang panganay na anak na may kaakit- kait na mukha at may magandang paguugali. Si Buwan, na taliwas ang ugali kay Araw. Isang gabi, sa paguwi ng diwata ay nakita niya kung paano pagmalupitan ni Buwan si Araw. Kaya’t nanalangin siya sa Diyos para tulungan siya sa suwail nitong anak.
Bago pa mangyari ito, may inihanda ng mahalagang regalo ang Diyos para sa magkapatid. Ang regalong ito ay diyamante na kayang magbigay ng liwanag sa buong kalawakan. Nang marinig ng diyos ang panalangin ng Diwata ay bumaba siya sa mundo at nagpanggap bilang isang pulubi. At nalaman niya na talagang masama ang ugali ni Buwan, di gaya ni Araw na malambing at mabait. Bilang gantimpala ay ibinigay ng Diyos ang diyamante niya rito. Nagalit ng husto si Buwan nang malaman niya ito, nagpunta siya sa kaharian ng Diyos at ninakaw ang diyamante ng Diyos, at bumalik siya sa mundo na dala ang magandang diyamante, subalit napagalaman niya na hindi liwanag ng kay Araw ang diyamante ng nakuha niya. Nang bumalik ang Diyos sa kaharian a nalaman ang ginawa ni Buwan, nagpadala sya ng dalawang anghel para parusahan ito, ngunit inabuso ng dalawang anghel ang kanilang tungkulin. Sinamsam nila ang diyamante ng dalawang magkapatid. Inihagis nila ang diyamante pataas sa langit at nanatili na doon. Ngunit ang diyamante ni Araw ay mas malaki at maliwanag kaysa sa diyamante na ninakaw ni Buwan. Mula noon, ang malaking diyamante ay tinawag na Araw at ang maliit ay Buwan.

Ang Alamat ng Mag-Asawang Tubig
(The Legend of Mag-Asawang Tubig)
Noong unang panahon, sa isang maliit na kabayanan na pawang ang mga nakatira’y mga pamilya ng magsasaka. Ang isa sa kanila’y ang magasawang Ba Imo At Ba Sinta. Kasundo nila lahat ng mga taga-roon at sila’y nirerespeto dahil sa kanilang mabait at mabuitng pakikisama.
Isang araw naisip ni Bathala na bigyan sila ng isang pagsubok. Isang pulubi ang nagpunta sa kanilang tahanan at nagtanong kung maaari ba siyang tumuloy doon. Dahil sa maawain ang magasawa ay pinatuloy nila ito at pinakain pa. Namangha sila, dahil sa dami na ng kanilang nakain ay hindi pain nababawasan ang pagkain sa kanilang harapan. Naisip nilang marahil ang Diyos ang kanilang kaharap na pulubi, kaya’t lumuhod ang magasawa sa harap nito. Binasbasan sila ng matandang lalaki. Nagdasal ang magasawa at hiniling nila na nais nilang mamatay ng magkasabay, upang hindi mangulila kung may isa mang maunang mamatay sa kanila.
Tinupad naman ng Diyos ang kanilang kahilingan. Magkasabay silang namatay sa iisang oras at magkasama ring inilibing. Hindi nagtagal ay ngakaroon ng isang maliit na lawa sa tapat ng kanilang puntod at habang tumatagal ay lumalaki ito at naging ilog, na pinangalanang magasawang tubig sa alaala ng dalawang nagmamahalan.

Ang Pinagmulan ng mga Bituin
(The Origin of the Stars)
Noong unang panahon, maraming mga tao na nagsasabing walang bituin. Ang araw ang makapangyarihang bathala, pinuno sa araw. Buan, ang buwan, ang siyang kaagaw ng bathalang araw, at nagnanasang mamuno ssa araw at gabi. Lihangin, ang bathala ng hangin, ay kaibigan ng buwan at araw.
Isang araw, siya ay dumalaw kay Araw, ang bathala ng Araw para magpainit. Habang sila ay nakaupo, sinabi ni Araw kay Lihangin na masama ang loob niya kay Buan. Napapansin niya na ito ay nagpapakita kung araw. Ibig sabihin na nais ni Buan na maokupa pa niya ang bahagi ng kaharian ni Araw. Nais ni Lihangin na maging mabuting magkaibigan ni Araw at Buan. Sinabi niya kay Buan na huwag niyang okupahan ang kahit anong bahagi ng kaharian ni Araw. Si Araw ay makatarungan at matuwid kaya kailangan si Buan ay tumulad din. Hindi sinunod ni Buan ang payo ni Lihangin. Nagpatuloy siya sa pagsikat sa huling parte ng araw at kung minsan ay sa mag-uumaga. Ayaw ng ganito ni Araw kaya’t sinabihan niya si Buan na huwag na niya itong gawin pa. Subalit nagpumilit pa rin si Buan. Sila ay nag-away at si Buan ang higit na napinsala. Ang iba’t ibang parte ng kanyang katawan ay kumalat at ang mga ito ang naging mga bituin.

Bakit ang Langit ay Kurbado
(Why the Sky is Curve)
Maraming taon na ang nakakaraan, ang mga tao ay naniniwala na kapag sila’y namatay, ang kanilang kaluluwa ay diretso sa langit. Sa maikling panahon ay napuno ang langit ng mga kaluluwa dahil lahat ay doon napunta.
Isang araw, habang ang Diyos ay nakaupo sa kanyang trono, naramdaman Niya na para itong may nagtulak. Lumingon siya sa paligid at nakita niyang nagtutulakan ito papunta sa Kanya dahil ang langit ay babagsak. Kaagad ay uipinatawag niya ang limang anghel at sinabi, “Madali, manaog kayo sa lupa at sunungin ninyo ng inyong ulo ang langit habang ito’y ginagawa. Tinawag ng Diyos ang lahat ng kanyang mga karpintero at sinabi, “Gawin ang lahat sa lalong madaling panahon”.
Natapos ang paggawa, subalit ang pinakamataas na anghel na nakatayo sa gitna ng grupo, nagkaroon ng kurba ang langit.

Bakit Mataas ang Langit
(Why the Sky is High)
Noong araw, mababa pa ang langit, may dalawang magkapatid na ang pangalan ay Ingat at Daskol na naninirahan sa piling ng kanilang magulang.
Si Ingat ay maingat sa mga bagay na kanyang ginagawa kaya siya ang kanang kamay ng kanyang ama. Lagi siyang tumutulong sa gawain sa bukid at labis na natutuwa sa kanya ang kanyang mga magulang.
Sa kabilang dako, si Daskol ay walang ingat sa gawain. Dahil walang anak na babae sa pamilya, ang gawaing bahay ay naging responsibilidad niaya. Siya ang nag-iigib ng tubig, naglilinis ng bahay, at nagluluto. Siya rin ang nagbabayo ng palay na inani ng kanyang ama at ni Ingat. Kahit sa pagbabayo ng palay, tamang-tama ang kanyang pangalan sa asal niya sa paggawa. Halos kalahati ng binabayo niyang paly ay natatapon sa lupa. Dahilsa likas niyang katamaran at walang tiyaga, ayaw na ayaw niyang magtrabaho lalo na ang pagbabayo ng palay.
Isang araw, si Daskol ay magbabayo ng higit sa dami ng palay na kanyang binabayo. Naiinis siya, kaya’t sa bawat pagtataas ng halo ay tumatama sa langit. Ang kanyang pagkagalit ang nagdaragdag sa kanyang lakas at pagnanais na matapos ng mabilis ang pagbabayo. Kaya’t itinaas niya ng mataas ang paghawak sa halo at sa bawat pagbayo ay tinatamaan ang langit. At sa bawat pagtama sa langit, ito ay tumataas. Sa kanyang pagmamadali hindi niya namalayan na mataas na ang langit. Nang makatapos na siyang magbayo, tumingala siya at nalaman niyang ito’y mataas na, tulad ng nakikita natin ngayon.

Eklipse
(Eclipse)
Sa kalangitan nakatira ang isan malaking leon na ang pangalan ay Arimaonga. Ang hayop na ito ay mapaglaro, at minsan ay nalulon niya ang buwan, na naging sanhi ng eklipse ng buwan. Pinilt ng mga tao na ipaluwa kay Arimaonga ang buwan sa pamamagitan ng ingay sa kasalukuyang eklipse ng buwan, kaya ang mga tao ay tumutugtog ng mga gong at pag-iingay sa pamamagitan ng mga daliri.
Ang eklipse ng araw ay nangyayari kapag ang isang gulong ng karwahe na nagdadala dito ay nasira, at puwersahin ang itong lumiko mula sa dati o nakatakda nitong dapat daanan.

One response to “Legends (The Earth and Sky)

  1. AliceLuvsYou

    Nice Story

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s