Legends (Animals)

1 Ang Alamat Ng Dahong Palay
2 Ang Alamat Ng Butiki
3 Alamat Ng Paru-Paro
4 Ang Unang Unggoy
5 Ang Alamat ng Aso
6 Ang Alamat ng Alitaptap
7 Alamat Ng Maya
8 Ang Alamat ng Lamok

Mga Alamat (Mga Hayop)

Ang Alamat Ng Dahong Palay

(The Legend of the Ricefield Snake)

Noong unang panahon ang mga ahas ay walang kamandag. Sa ganito sila ay hindi kinakatakutan at pinakukundanganan tisurin o patayin. Sa gayon nilang katayuan ay minarapat nilang gumawa ng paraan upang sila’y pangilagan ng tao at huwag patayin.

Kaya’t ang kanilang puno’y dumalangin humingi ng kamandag kay Bathala. Ang kanilang kahilingan ay hindi naman pinagkaitan ng Panginoong Diyos.

Isang araw ang Panginoong Diyos ay nanaog at dala ang isang kamandag upang batiin ang mga ahas. Ang unang nakakuha ay ang ulupong kung kaya ang kanya ang pinakamabagsik. Ang lahat ay nakakuha ng kamandag maliban lamang sa dahongpalay na hindi kaagad nabatid ang pagbibigayan ng kamandag.

Nang madatnan niya ang pook na bigayan ng kamandag ay ang banga na lamang ang kanyang nakita. Sa hangad niyang magkaroon ng kamandag ay nagpaikot-ikot siya sa loob ng banga na ang kamandag ay napunta sa kanyang balat. Ngayon ang dahongpalay ay may kamandag sa balat at hindi sa loob ng katawan.

Ang Alamat Ng Butiki

(Legend of the Lizard)

Noong unang panahon, may magkasintahan na masasabing walang katulad. Walang kasing tamis ang kanilang pagmamahalan. Isang araw ay nagkaroon ng isang mahigpit na pagsubok ang kasintahan ng binata. Sapagkat dalisay ang pag-ibig ng binata, sinabi niya sa kasintahan na ipag-patuloy ang gagawing pagsubok. Sa madali’t sabi, ipinag-tapat ng dalaga sa kasintahan na kailangan niya ang puso ng kanyang ina. Ito ang magpapatunay ng kanyang katapatan at nangako ang dalaga na kung magtagumpay siyang maisagawa ito, ay agad silang magpapa-kasal.

Walang kibong umalis ang binata patungo sa kanilang tahanan upang tuparin ang tagubilin ng kanyang kasintahan. Dali-daling umakyat at kanyang naratnan ang ina na nakaluhod sa harap ng altar sapagkat orasyon na noon. Nangangatal ang buong katawan na kinuha ang balaraw at sabay na itinarak sa dibdib ng ina. Agad niyang kinuha ang puso ng ina at tumakbong patungo sa kanyang kasintahan. Ngunit sa kasawiang palad, at marahil sa parusa ng nasa itaas, ay bigla na lamang siyang nadupilas at ang puso na kanyang hawak ay nahulog sa isang bitak. Ang puso’y biglang nangusap, “Bakit mo ako ginanito anak? Bakit mo sinunod ang maruming mithiin ng iyong kasintahan? Dapat mong malaman na ang isang ina ang pinagkakautangan mo ng buhay ay di na makikita kailan pa man.

Lumuhod ang binata na nagsisisi. Nais niyang isauli ang puso, subalit wala nang magagawa. Ang binata ay bigla na lamang naging butiki, na gumagapang na lamang buhat noon.

Alamat Ng Paru-Paro

(Legend of the Butterfly)

Noong unang panahon may magkapatid na ulila na naninirahan sa isang ilang na baryo sa Laguna. Ito ay sina Amparo na ang palayaw ay Paro samantalang ang nakababata naman ay si Perla na pawang sumisibol na dalagita. Pagtitinda ng bulakalak ang kanilang ikinabubuhay. Magkaiba ang ugali nila, si Amparo ay tamad at walang kinagigiliwang gawin kundi ang lumapit sa mga bulaklak at amuyin ito. Samantalang si Perla naman ay masipag at masinop sa kabuhayan. Likas na mabait si Perla pasensiya na lamang ang kaniyang binibigay sa kapatid na si Amparo na ubod na tamad.

Ngunit isang araw ay naubos na ang pasensiya ni Perla at nagalit kay Amparo na laging nagrereklamo sa kanilang ulam. Galit din sumagot si Amparo “Anong gusto mo alilain ako at busabusin, ako ang masusunod dahil ako ang nakakatanda.” Sabay nanaog at pumitas ng halaman sa hardin at nagtuloy sa ilog upang pagmasdan ang bulaklak sa kanyang buhok. Pagdukwang niya ay tuloy-tuloy siyang nahulog sa ilog. Sa pag-aalala pala sa kapatid ay sumunod si Perla at kitang-kita niya nang mahulog siya sa ilog. Sumigaw ng malakas si Perla “Paro!Paro!, marami ang nakarinig at tinulungan siya ngunit walang Amparo silang nakita.

Habang balisang nagmamasid ang mga tao sa ilog, ay may isang bulaklak ang lumutang sa knahulugan ni Amparo at unti-unti itong gumalaw, dahan-dahang nawala ang hugis bulaklak nito at unti-unting umusbong ang pakpak na may iba’t-ibang kulay. Walang ano-ano ay lumipad at nakita ni Perla ito na pumunta sa halamanan at nagpalipat lipat sa mga bulaklak. Kinutuban si Perla at nasambit niya ang katagang “Paro! Paro…!

Simula noon, ang maganda at makulay na munting nilikha ay tinawag ng mga tao na PARUPARO.

Ang Unang Unggoy

(The First Monkey)

Noong unang panahon sa isang kagubatan, may isang batang babae na naninirahan sa pangangalaga ng isang diyosa ng paghahabi. Doon namumuhay siya ng masaya at nasusunod ang lahat ng kanyang naisin.

Isang araw inutusan siya ng diyosa at sinabing: “kunin mo ang bulak na ito, linisin mo at gawin mong damit upang iyong maisuot.” Ngunit hindi siya marunong maghabi ng bulak, kaya’t sinabi niya sa diyosa, “kapag nalinis na ang bulak ay maaari na ba itong gamitin?”

“Hindi,” sagot ng kanyang alalay, “pagkatapos nitong linisin ay kailangan muna itong salansanin.”

“Matapos salansanin, maaai na ba itong gamitin?” ang sabi ng tamad na batang babae. Sinabi naman ng diyosa na maaari lamang itong gamitin kung ito’y natabas na.” Matapos itong matabas?” singit ng isang katulong, “maaari na itong gamitin?”

“Hindi, kailngan muna itong tahiin,” sagot ng diyosa.

“Ah!,” ang sabi ng batang babae, matagal pala at maraming proseso ang paggawa ng damit. Naisip niyang ipatong ang balat (leather) sa kanyang katawan upang gawin na lamang balabal kaysa gumawa pa ng panibagong damit. Sa galit ng diyos sa katamaran ng batang babae, kumuha ng isang patpat mula sa habian ang diyosa at sinabing, ang patpat ng ito ay magiging parte ng iyong katawan, at ito’y iyong gagamitin sa paakyat. Bilang kaparusahan sa iyong katamaran, simula ngayon ikaw ay maninirahan sa mga puno sa kagubatan, at doon ay maghahanap ka ng iyong makakain.”

At doon nagsimula ang pagkakaroon ng unang unggoy na may balat at buntot.

Ang Alamat ng Aso

(The Legend of The Dog)

Noong panahon na bata pa ang mundo, ay may isang maa-anak na tahimik at masayang namumuhay sa loob ng kakahuyan.

Ang ama; si Roque ay mabait at mapagkalinga sa kanyang pamilya. Nagtatanim siya ng mga gulay at nanghuhuli ng mga hayop sa gubat upang kanilang maging pagkain.

Samantalng ang ina naman; si Magda ay siyang nag-aasikaso sa kanilang bahay at dalawang anak na sina Maria at Jose.

Minsan, nagulat ang pamilya sa pagdating ni Roque na may pangko na isang sugatang lalaki.

Ang lalaki ay iniligtas ni Roque mula sa mga pusang-gubat nang ito ay maligaw. Inalagaan ito ng pamilya.

At sa paglipas ng panahon, naging malakas na ang lalaki na nakilala nilang Damaso.

Isinalaysay ni Damaso na pinalayas siya ng kanyang amo dahil sa hindi niya nabantayan ang mga taniman nito ng ubas, naging dahilan upang manakawan ang bunga ng mga ito. At sa kanyang paglayas naligaw siya sa gubat at inatake ng maraming alamid.

Naaawa naman ang pamilya kay Damaso, kaya doon na pinatira sa bahay nila ito. Itinuring nila itong kapamilya at nakatulong pa ni Roque sa pang-araw-araw na paghahanap ng pagkain.

Ngunit lingid kay Roque, may namumuong lihim na pagkagusto sina Magda at Damaso sa isa’t-isa.

At isang araw nga, nagpasya sina Damaso at Magda tumakas sa ibang lugar.

Nag-iyakan ang dalawang batang sina Maria at Jose.

“Ina huwag mo po kaming iwan nila ama!”, ang iyak ni Maria

“Oo nga po! Mang Damaso, huwag n,yong kunin ang aming ina!”, ang iyak rin ni Jose.

Ngunit hindi napigilan sina Magda ng kanyang mga anak. Sumakay pa rin sila ng bangka at umalis na kasabay ng agos ng ilog.

Lalong ngg-iyakan ang dalawang bata. Nais na sanang magbago ng isip si Magda, ngunit nanaig ang kanayng pagka-gusto kay Damaso.

Mula sa malayo, anong gulat nila Magda nang makitang nagtalunan sa ilog sima Maria at Jose upang humabol.

Napatayo so Magda sa bangka, dahil alam niyang hindi marunong lumangoy ang dalawang bata.

Siyang pagdating ni Roque, na agad ding tumalon sa ilog upang iligtas ang mga anak. Ngunit lumakas and agos ng ilog, at napailalim sa tubig ang mag-aama.

Mula sa malayo, natanaw nina Magda at Damaso and pang-yayari. At sising-sisi ang dalawa sa kanilang nagawa, lalo pa’t hindi na nila nakitang pumaibabaw sa tubig ang mag-aama.

Bigla, mula sa tubig ay isang babae ang lumutang sa hangin.

“Masahol pa kayo sa hayop! Dahil sa inyong makasariling pagnanasa ay nagawa ninyong saktan ang ibang tao. Dapat lamang kayong maging kauri ng hayop,” ang wika ng babae na diwata pala ng ilog.

Bigla ang pagbabago ng anyo ni Magda at ni Damaso. Ang kanilang katawan ay puno ng balahibo, humaba ang kanilang mga nguso, tumalim ang mga ngipin at nagkapangil. At kasunod niyon, hindi na nila nagawang makapagsalita, bagkus ay ungol at kakatwang ingay ang lumalabas sa kanilang mga bibig.

“Mananatili kayo sa ganyang anyo, hangga’t ikaw Damaso ay hindi natutong tumanaw ng utang na loob napapala sa iyo. At ika Magda, hangga’t hindi mo naipapakita ang tunay mong pagmamahal s iyong mga magiging anak.” At nawala na ang diwata pagkawika niyon.

At ang dalawang isinumpa ay namuhay sa kakahuyan. Nagkaroon sila ng maraming anak. Sila ang unang angkan ng mga aso sa daigdig. At sa dami ng mga tao, ang mga aso ay naging alaga nila sa kanilang mga tauhan.

At sa hanggang ngayon nga ay pinapatunayan pa rin ng mga aso na sila ay tapat sa kanilang mga amo.

Ang Alamat ng Alitaptap

(The Legend of The Firefly)

Noong unang panahon, may isang makisig na binata na nais mag-asawa ng pinakamagandang dilag. Siya ay mayabang at masyaong malaki ang pagkakilala sa sarili. Kung minsan tuloy, nagdaramdam ang ilang mga dalaga s kanya dahil sa pamimintas niya kahit nakaharap ang dalaga.

Isang araw, papunta na siya sa bundok upang manguha ng yantok nang masalubong niya ang isang napakagandang dalaga na nakasuot ng putting-puti.

“Napakagandang dalaga,” wika niya sa sarili at tuloy-tuloy na nilapitan niya ito.

Nang malapit na siya, nagtatakbo ang dalaga at nawalang parang bula. Hinanap niya ang dalaga sa buong kagubatan ngunit hindi niya nakita.

Sa tagal at hirap na dinanas ng binata sa paghahanap sa dalaga, nagalit siya.

“hindi ka talaga maganda. Ang ilong mo’y pango, ang mata mo ay duling at ang mga tenga mo ay malalapad!” sigaw ng binata.

Dahil sa pagkahapo ay nahiga siya sa lilim ng punung-kahoy para magpahinga. Naidlip siya at nang magising, nakita niya ang magandang dilag. Alam niyang maganda talaga ang dalaga at hindi totoo ang sinabi niya.

Siya ng dalaga, “ininsulto mo ako, kaya mula ngayon, ikaw ay magiging isang kulisap. Manunumbalik lamang ang anyo mo kapag naipakita mo sa akin ang isang dalagang mas higit ang kagandahan sa akin. Humayo ka at hanapin mo ang dalagang sinasabi ko para mabalik ang dati mong anyo,” ang utos ng engkantadang babae.

Lumipad ang binatang naging kulisap upang hanapin ang babaeng mas maganda pa kaysa sa engkantada. Naghanap siya gabi’t araw. Upang makita niya ang babaing gaganda pa sa sumpa sa kanya, nagdala siya ng ilaw tuwing gabi. Ang binatang yaon na naging kulisap ang tinawag natin ngayong alitaptap.

Alamat Ng Maya

(The Legend of Maya)

Si Rita ay batang lubhang malikot. Ang kanyang ina ay laging naiinis sa mga ginagawa niyang hindi dapat gawin ng batang katulad niya.

Isang araw, ang kanyang ina ay nagbayo ng palay. Si Rita ay nanood sa kanyang ina. Siya’y gutum na gutom sapagkat galing siya sa laruan. Nang mayroon ng isang salop ang nabayong bigas, si Rita ay nagsimula nang kumain ng bigas. Ang nalagyan ng bigas ay malaki at may takip na bilao. Binuksan niya at pumasok siya sa loob. Ngayon natakpan siya ng bilao. Hindi nahalata ng ina. Nang matapos na ang ina sa kanyang pagbabayo ay tinawag niya si Rita upang utusan sa pagtatago ng binayo. Hindi sumagot si Rita. Hinanap ng ina sa lahat ng taguan, wala rin rin si Rita roon.

Nang kanyang buhatin ang lalagyan ng bigas may lumabas na maliit na ibon galin sa loob. Kumain ng bigas ang ibong iyon. Ang ibong iyon ay si Rita, ang tinatawag ngayong maya.

Ang Alamat ng Lamok (ni Severino Reyes)

(The Legend of Mosquito)

Noong unang panahon sagana sa lahat ng bagay ang bayan ng Tungaw. Mataba ang lupang taniman dito. Masasaya ang mga tao. Ngunit marumi sila sa kanilang kapaligiran. Madalas na naglulusak sa dumi ang mga bakuran. Nagkalat ang mga balat ng prutas kahit saan. Nanlilimahid ang mga bata sa daan.
Isang araw, nahintakutan ang lahat sa biglang pagkawala ng ilang mga tao.
Walang nakakaalam kung saan sila napupunta. Padalas nang padalas ang mga
nawawala kaya’t lumapit ang taong bayan sa kanilang makisig na hari upang
humingi ng tulong.
“Magbantay tayo sa bawat sulok ng ating bayan,” sabi ng hari.
Kahit ubuhin sila sa nakasusulasok na mga basura, araw at gabing nagbantay ang mga taong bayan at mga kawal. Hanggang sa makita nila ang paglitaw ng higanteng si Amok sa may paanan ng bundok. Kinuha nito ang isang magbubukid at agad na nilulon.
“Wala nang sasarap pa sa maruruming tao! Blurp,” dighay ng higante.
“Wala tayong laban sa higante,” panlulumo ng isang binatang nangungutib ang
kamiseta.
“Mabuti sigurong umalis na lamang tayo sa Tungaw,” mungkahi ng mga
matatandang kutuhin.
Iwanan kaya nila ang kanilang maruming bayan?
“Hindi natin maaaring iwan ang ating bayan. Dapat natin itong ipagtanggol,”
mahigpit na sabi ng hari.
“Nasasarapan ang higanteng Amok sa ating karumihan. Kailangan nating maglinis upang iwanan tayo ng higante,” utos ng hari.
Nagwalis ang kababaihan. Naligo ang mga bata. Naglaba ang kalalakihan. Saka
sila naghandang muli upang ipagtanggol ang kanilang bayan.
Nang muling lumusob ang higante, pinaulanan nila ito ng pana sa dibdib. Ngunit parang walang puso ang higante. Hindi ito nasasaktan. Nilulon ng higante ang ibang kawal at dinakip ng buhay ang ilang taumbayan.
“Wala sa dibdib ang puso ng higante kaya’t hindi siya mapatay,” paalala ng isang
matanda.
“Nasaan kaya?”, tanong ng hari.
“Walang sinumang nakakaalam”, sagot ng matanda.
Nag-isip nang paraan ang hari upang matuklasan kung paano mapapatay ang higante. Nang minsang mabusog ito, nagkunyaring nahimatay ang hari. Napasama siya sa mga dinakip ng buhay. Nang makarating sa kuweba, isang batang higante ang sumalubong kay higanteng Amok.
“Narito ang pagkain mo. Matuto kang magtipid. Marunong nang maglinis at magtago ang mga taong marurumi,” saka muling umalis ang higante.
Biglang bumangon ang hari at hinugot ang espada. Natakot ang batang higante.
“Hindi ko na po kayo kakainin, huwag ninyo akong patayin,” pagmamakaawa nito sa hari.
“Nasaan ang puso ng iyong ama?,” sigaw ng hari.
“Hindi mo dapat malaman!,” iyak ng batang higante.
“Kung gayon ay papatayin kita!,” matapang na sabi ng hari.
“Nasa ilong ang puso ng aking ama kaya’t nasasarapan siya sa inyong kabahuan at karumihan,” nangangatog na sagot ng batang higante.
Itinali ng hari ang batang higante at pinakawalan ang mga taong nakakulong sa kuweba.
Hinanap ng makisig na hari ang higanteng Amok. Naabutan niya ito sa bayan.
Umakyat sa puno ang hari at tinaga sa ilong ang higante. Namilipit ito sa sakit. Pinagtulungan nilang itali kasama ng batang higante. Sinunog ng taong bayan
ang mag-amang higante sa gitna ng tambak nilang basura.
“Hindi n’yo kami mapapatay. Hangga’t marumi ang inyong paligid, babalik kami at sisipsipin ang inyong mga dugo!,” sigaw ng higanteng Amok bago siya matupok ng apoy.
Itinapon ng taumbayan ang mga abo ng mag-amang higante sa maruming ilog.
Tumahimik na muli sa bayan ng Tungaw. Ngunit nagulat ang lahat sapagkat mula sa maruming ilog ay may maliliit na insektong lumulusob sa bayan tuwing gabi. Naninipsip sila ng dugo ng mga tao.
Naalala ng mga matatanda ang sabi ng higanteng Amok bago masunog kasama ng anak. Nilinis ng mga taga- Tungaw ang kanilang maruming ilog. Dumalang ang maliliit na insektong naninipsip ng dugo. Kinalaunan, tinawag ng mga taumbayan ang mga insektong, Lamok.

2 responses to “Legends (Animals)

  1. Anonymous

    thanks… nakatulong talaga ang alamat na ito sa aming takdang aralin…
    sana ay mabasa din ito ng karamihan at ng makapulot din sila ng aral kung papaano nilang pananatilihing malinis ang paligid upang makaiwas sa mga sakit na dulot ng lamok….

  2. This is best cite so far…no advertisements, it gives researchers what they need instead of posting trash with a deceiving title…good job!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s