Categories
The Philippines (past, present, future)

Talambuhay ni Jose Rizal ni Jose N. Sevilla y Tolentino (early 1920s)

TALAMBUHAY NI  GAT JOSE RIZAL AT MERCADO

Lahat ng sásabihin tungkól sa dakilang Bayaning itó ay nasabi na ng mga lalong Pantás at mga Dalubhasang tao ng sansinukuban, pagkápalibhasà ay nápatangi siyá ng gayón na lamang sa lahát ng Bayaning sumipót dito sa Pilipinas at siyá’y nápabilang sa mga dakilang Bayani ng sangkatauhan.

Lahát ng paraán ay sinikap ng kanyáng mga kapanahón upáng siyá’y manatili sa pusò ng madlâ.

Sa lalong mababang halagáng selyo, ang kanyáng larawan ay nároroón upáng ang kanyáng aláala ay huwag máliblib sa lalong katagutaguang nayon at kaabáabaang buhay na dî makapagingat ng isáng larawan niyáng nakapagbibigay siglá sa mga pusong lumálamlám sa pagibig sa Tinubuang Lupà.

Si Gat Rizal ay pinarangalán din ng Pámahalaán natin na taglayin ng salaping papel na dadalawahing piso ang kanyáng larawan, upáng magpalipatlipat sa mga kamáy ng lahát ng naninirahan dito sa ating lupain at sa labás man, na makapagingat ng salaping yaón na nákikilala sa tawag na «isáng Rizal».

Mg̃a aklát na násusulat halos sa lahát ng wikà ang iniukol sa kanyang karangalan. Isáng malaking bantayog na pinaggugulan ng salapî ng ating Pámahalaán ang sa gitnâ ng Luneta ay nagpápaalala ng kanyáng kagitingan. Ang kanyáng pangalan ay kilalá ng lahát ng pilipino, pinipintuhò at pinarárangalan sa ating Kapuluán ng banyagà at kababayan man, ng batà at ng matandâ, ng Pantás at ng hangál; ng puhunan at ng paggawâ; at sa ibang lupaín ay pinaúunlakán din ng lahát ng pilipino sa kanyáng dakilang araw, sa araw na ang kanyáng buhay ay kinitil ng kalupitan.

Sumilang si Gat José Rizal niyaóng iká 19 ng Hunyo ng taóng 1861, sa bayan ng Kalambâ, Laguna, at siyá’y anák ni G. Francisco at ni Gng. Teodora Alonso.

Anák sa bayang Tagalog at liping Tagalog na tunay, kayá’t ang pagibig sa Tinubuang Lupà ay kalangkáp ng kanyáng pagkátao. Aral sa táhanan, sa pagtuturò ng mga magulang na nagnasang magmulat ng kanyáng bait sapól sa pagkámusmós, ay nagawâ sa kanyáng murang bait ang gulang na siyam na taón pa lamáng ay makalikhâ na ng isáng dulà na kinagiliwan ng Kápitan sa bayan.

Sa kanugnóg na bayan ng Binyáng ay nagáral siyá kay G. Justiniano Aquino at Cruz at sa loób lamang ng iláng buwan ay walâ nang máiturò sa kanyá ang Gurong Bayan, yamang nátutuhan na niyáng lahát ang nálalaman noón kayá’t nang Hunyo, ng taón 1872 ay lumipat siyá sa San Juan de Letrán, nguni’t dî siyá náwili rito, kayá’t lumipat agád sa Páaralán ng mga Hesuita hanggáng sa tinamó niyá ang katibayan ng pagká «Bachiller en Artes».

Lumipat siyá sa Universidad de Sto. Tomás, upáng magáral ng «Filosofia» «Medicina» at «Agrimensura» at yamang nápansín niyáng hindî mabuti ang tingín sa kanyá ng mga Guró doón, at sa payo ng kanyáng mga kaibigan, niyaóng Mayo ng taóng 1882 ay lumayag siyáng patungo sa Europa, pagkatapos niyáng tamuhín ang katibayang pagká «Agrimensor».

Dumáan siyá sa Singapur, Kanal ng Sues, at sa Marselya siyá lumunsád, at buhat doón ay napatungo sa Barselona na kinakilalanan niyá sa mga kalupaíng dóroón. Tumungo siyá sa Madrid at sa «Universidad Central» doón, ay nagpatuloy siyá ng pagáaral ng «Medicina», «Literatura» at «Filosofia»; kasaliw ng pagáaral niyá ng mga karunungang nábangít ay dî niyá napaglabanan ang hilig ng kanyáng diwà sa sining, kayá’t nagáral din siyá ng Paglililok (escultura) at ng pagkuha ng larawan sa pamamagitan ng lápis at ng kulay na lubhâ niyáng ikinatangî.

Pagkátapos niyáng tamuhin ang mga katibayan sa «Medicina», «Filosofia» at «Literatura» niyaóng taóng 1885 ay lumipat siyá sa Paris na kanyáng kinátagpuán sa mga kalupaing Antonio at José Luna, at Pardo de Tavera; buhat sa Fransiya ay lumipat siyá sa Alemanya upáng makinyíg ng mga bantóg na Panayám sa «Universidad de Heidelberg»: lumipat siyá sa Berlin at sa bayang itó niyá tinapos ang waláng kamatayang «Noli».

Si Dr. Jagor sa Berlin na masikháy na sumuysóy ng mga kapakanán sa Pilipinas ay nakátagpô sa ating Rizal, ng isáng mabutíng kaibigan. Buhat sa Berlin ay lumipat si Rizal sa Austria at dito niyá nakaniíg si Prof. Blumentritt; mulâ sa bayang itó ay napatungo siyá sa Italya. Dito niya isinalin sa Tagalog ang «Wilhem Tell» at saká umwî dito sa Pilipinas.

Si Rizal ay mawilihin sa pagáaral ng wikà, at itó ang sanhî ng kanyáng pagliklík sa lahát halos ng mga Pangulong bayan sa Europa, at nang siyá’y dumatíng dito sa ating lupaín, upáng harapín ang panggagamót ay nagsásalitâ na siyá ng halos lahát ng wikáng lináng sa Europa at Asia.

Noóng 1888 ay ninasang mulíng maglakbáy sa mga ibáng dako ng sansinukob at siyá’y dumaán sa Hongkóng na kanyáng kinátagpuán sa dakilang Tagalog doón na siGinoóng José Basa; pagdaán sa Hapón, upáng pagáralan sa sariling lupà ang wikang Hapón, dumaán sa Amérika, bago nagtulóy sa Inglaterra at sa bayang itò nákaniíg si G. Antonio Ma. Regidor. Sa Londres at sa bahay ni G. Regidor niyá isinalin at tinuligsà ang Kasaysayan ng Pilipinas na sinulat ni Pari Morga, na lubhà niyáng ikinabantóg sa panitikan.

Iká 9 ng Nobyembre ng taóng 1887 nang sulatin ni Profesor Blumentritt ang páunang salitâ sa «Morga» ni Dr. Rizal.

Sa pánitikan ay may isá siyáng mainam na bakás na naiiwan sa bawa’t panahón. Bilang páuná ng kanyáng panunulat ay násabi na namin na siyam na taón pa lamang ang kanyáng gulang nang sumulat ng isáng dulà na noón pa ma’y kinábakasán na ng dì karaniwang indayog ng kanyáng diwà. Niyaóng 1887 na magdaos ng isáng Timpalák ang «Licco Artístico Literario» dito sa Maynilà na sinalihan ng lubháng maraming mánunulat ay nápili at nagtagumpáy ang kanyáng tulà na may pamagat na «A la Juventud Filipina». Sa kapanahunang si Rizal ay nagáaral pa sa Ateneo sa pagpaparangál sa Mahal na Birhen ay sumulat siyá ng isáng dulà na pinamagatán niyáng «Junto Al Pasig», na lubháng kinágiliwan ng nangagsipanoód na pawang dalubhasá. Sa Timpalák na idinaos sa pagpaparangál sa ikáapat na raang taóng ikinamatáy ni Cervantes, ay nagtagumpáy ang titik ni Rizal na may pamagát na El Concejo de Los Dioses. Sa Madrid ay nagkaroón ng ibáng himíg ang kanyáng mga sulat at dito na nga nábunyáng ang tunay na pagibig sa Tinubuang Lupà.

Ang kanyáng «Noli» ay sinimulán niyáng sulatin sa Madrid at natapos sa Austria, ang «Filibusterismo» ay sinulat niya sa Ghert Olanda, noóng 1891.

Hulyo iká 3 ng taóng 1892 nang nagpulong sa bahay ni G. Doroteo Ongjungco sa daang Ilaya blg. 176 Tundó tungkól sa «Liga Filipina» at iká 6 ng Hulyo ng 1892 nang ipinadakíp ni Henerál Eulogio. Despujol at ipapiit sa Fuerza Santiago.

Niyaóng iká 11 ng Pebrero ng 1893 ay itinatag ni Dr. Rizal ang «Liga Filipina» isáng kapisanang pilipino na pinagukulan ni Mabini ng gayaríng katagâ: «Nang makitang ang lahát ng sikáp ay waláng tarós at salát sa kaayusan, at di nagbibigay ng katampatang wakasin, ay linikhâ ni Rizal ang Liga Filipina».

Nang si Rizal ay ipatapon sa Dapitan siyá’y nagsaka doón at nagtayô ng Páaralán sa mga tagaroón; kahit iisang igláp ay hindî siyá nátahimik at pawáng iniukol sa kabutihan ang kanyáng mga gawâ. Ang mga maysakit doón ay nakatagpò sa kanyá ng isáng waláng bayad na Manggamot.

Samantaláng siyá’y nároroón ay isáng amerikanong nagngangalang Taufer na kasama ng isáng anakanakan na nagngangalang Josefina Bracken ay dumalaw sa kanyá, upáng ipagamót ang mga matáng hindî makákita at pinasiyahán na ng mga ibang Manggagamot ng waláng lunas, ang Josefinang itó ay siyáng naging kapalad ni Dr. Rizal at nákasama niyá sa buhay na yaón sa tapunan.

Ang mga kahilingan ni Dr. Rizal upáng siyá ay patawarin ay hindî diningig ng mga makapangyarihan, nguni’t kailán ma’y dî nanawi sa kanyá ang pagasa, at sa gayóng kalagayan ay tumanggáp siyá ng isáng sulat ng matalik niyáng kaibigang austriako na si Prof. Blumentritt, na kanyáng hilingíng sa Pamahalaáng siyá’y makaparoón sa Kuba bilang Manggagamot ng mga kawal na kastilà doón, at ang gayóng kahilingan ay pinakinggan ni Henerál Blanco, kayá’t siyá, sa paniniwâláng siyá’y waláng masamáng nágawâ kangino man na titigatig sa sariling budhî, kasama ni Josefina at ng kanyáng pamangking si Maria Luisa, ay agád napa Maynilà at sa kasamaáng palad, nang silá’y dumaóng sa luók ng Maynilà ang sasakyáng patungo sa Espanya ay nakáalis na, kayá’t sila ay nangapilitang maghintáy ng panibagong sasakyáng lálayag, na dî iba’t ang «Castilla». At si Rizal ay tumulak na nga, nguni’t ang Hímagsíkang pinangunguluhan ni Gat Bonifacio ay nabunsód ng walâ sa panahón at isáng pahatid kawad na buhat kay Gobernador Polavieja ang tinanggap, nang ang «Castilla» ay dumaóg sa Kanal ng Sues, hatid kawad na naguutos na dakpin si Dr. Rizal, at sinalubong sa Barselona ang ating kababayan upáng ipiit doón.

Pagkaran ng iláng araw ay ilinulan siyáng mulî upáng ihatid sa Pilipinas. Nang idaán sa Hongkóng ay sinikap ni Dr. Regidor na siyá’y palayain sa pamamagitan ng «Habeas Corpus» nguni’t hindî ipinagtagumpáy ni G. Regidor, ang kanyáng banál na nais na mapalayà si Dr. Rizal.

Siyá’y inusig dahil sa pagkakátatag ng «Liga Filipina» at pagtataguyod ng Himagsikan, at hindî siyá pinahintulutang makapagtanggól máliban sa siyá’y pinapamili sa mga Pámunuáng doón ay nátitipon. Napili niyá si G. Luis Taviel Andrade, isáng marangál na kastilang nagtanggól sa kanyá ng ubos kaya, nguni’t hindî diningig at hinatulan siyáng barilín sa Liwasan ng Bagumbayan.

Sa pagkamánunulat ni Rizal ay walâ nang máitatawad. Masasabi nang waláng alinlangan, na ang kanyáng panitik ang siyáng lumikhâ ng mga kabaguhan sa kapamayanan, na kasalukuyan nating tinatamasa at siyáng nagpayanig ng matibay na Pámahalaán ng kastilà na mahigit ng tatlóng daang taóng sa atin ay naghari.

Ang dakilang Bayaning itó na pinagúukulan namin ng ulat ngayón, ay siniíl ng kalupitán nang dî malilimutang Henerál Polavieja at niyaóng ika-30 ng Disyembre ng taóng 1896 sa lawak ng Bagumbayan ay pinapagdanak ang kalinislinisáng dugô ng isáng banál na anák ng Pilipinas.

Ang hagunót na hálakhakan ng kanyáng mga kaaway ay nariringig pa halos nang dumating ang hatol ng tadhanang matapos ang kalupitán ng mga kastilà rito sa atíng lupaín at niyaóng Mayo ng 1898 ang makapangyarihang bayang amerikano, sa likhà ng mga pangyayari ay nagpadalá rito ng kanyáng mga sasakyáng pandigmâ, upáng sa pamamagitan ng mga punglóng ibinúbuga ng mga kanyón sa Hukbó ng dating Panginoón at Harì ay mábabâ at mahalinhán ang watawat na «gintô at dugô» na sumaksí rito sa ating lupaing mapagkalingà ng mga dî mahulilip nakalupitán.

At buhat noón ang mga unáng banaag ng Bagóng Araw ng Pilipinas ay namiták sa silanganan ng kanyáng pagasa.

Bilang pagwakás sa ulat na itó ay ilalakip namin dito ang huling bunga ng panitik ng Bayaning Tagalog na pinamagatán niyá ng Mi Ultimo Adios.

Source:

http://tagaloglang.com/Famous-Filipinos/Leaders/talambuhay-ni-jose-rizal.html