Tag Archives: hayop

Si Pagong at Si Matsing

Sina Pagong at Matsing ay matalik na magkaibigan. Mabait at matulungin si Pagong, subalit si Matsing ay tuso at palabiro. Isang araw sila ay binigyan ni Aling Muning ng isang supot ng pansit. “Halika Matsing, kainin natin ang pansit” nag-aayang sabi ni Pagong

“Naku baka panis na yan”sabi ni Matsing

“Ang nabuti pa, hayaan mo muna akong kumain n’yan para masiguro natin na walang lason ang pagkain” dagdag pa nito.

“Hindi naman amoy panis Matsing at saka hindi naman magbibigay ng panis na pagkain si Aling Muning” sabi ni Pagong

“Kahit na, ako muna ang kakain” pagmamatigas ni Matsing

Walang nagawa ang kawawang Pagong kundi pagbigyan ang makulit na kaibigan. Naubos ni Matsing ang pansit at walang natira para kay Pagong.

“Pasensya ka na kaibigan, napasarap ang kain ko ng pansit kaya wala ng natira. Sa susunod ka na lang kumain” paliwanag ng tusong matsing.

Dahil sa likas na mabait at pasensyoso si Pagong, hindi na siya nakipagtalo sa kaibigan.

Sa kanilang paglilibot sa kagubatan, nakakita si Pagong ng isang puno ng saging.

“Matsing! Matsing! tignan mo ang puno ng saging na ito. Maganda ang pagkakatubo. Gusto ko itong itanim sa aking bakuran para pag nagkabunga ay makakain natin ito” masayang sabi ni Pagong

“Gusto ko rin ng saging na ‘yan Pagong, ibigay mo na lang sa akin”sabi ni Matsing

“Pasensya ka na, gusto ko rin kasi nito.Kung gusto mo hatiin na lang natin.”

“Hahatiin? O sige pero sa akin ang itaas na bahagi. Ung parte na may mga dahon ha?” nakangising sabi ni Matsing

“Ha? sa akin ang ibabang bahagi?tanong ni Pagong

“Oo, wala akong panahon para magpatubo pa ng dahon ng saging kaya sa akin na lang ang itaas na parte”sabi ni Matsing

Umuwing malungkot si Pagong dala ang kalahating bahagi ng saging na may ugat. Samantalang si Matsing ay masayang umuwi dala ang madahon na bahagi ng puno.

Inalagaan ni Pagong ang kanyang halaman. Araw-araw dinidiligan niya ito at nilalagyan ng pataba ang lupa. Ganoon din ang ginawa ni Matsing. Subalit makalipas ang isang linggo, nalanta ang tanim na saging ni Matsing.

Si Pagong naman ay natuwa nang makita ang umuusbong na dahon sa puno ng saging. Lalo nitong inalaagaan ang tanim hanggang sa mamunga ito nang hitik na hitik.

Nainggit si Matsing nang makita ang bunga ng saging sa halaman ni Pagong.

“Aba, nagkabunga ang tanim mo. Paano nangyari iyon? Ang aking tanim ay nalanta at natuyo”sabi ni Matsing

“Inalagaan ko kasi ito ng mabuti. Sabi ni Mang Islaw Kalabaw, malaki ang pag-asang tutubo ang bahagi ng halaman na pinutol kung ito ay may ugat” paliwanag ni Pagong

“hmp kaya pala nalanta ang aking tanim”nanggigil na sambit ni Matsing

“Mukhang hinog na ang mga bunga nito. Halika, kunin natin” anyaya nito

“Gusto ko sana kaya lang masyadong mataas ang mga bunga. Hindi ko kayang akyatin.”sabi ni Pagong

“Kung gusto mo, ako na lang ang aakyat, ibibigay ko sa iyo ang lahat ng mga bunga. Basta’t bigyan mo lang ako ng konti para sa aking meryenda” sabi ni Matsing

Pumayag si Pagong sa alok ni Matsing. Subalit nang makarating na si Matsing sa taas ng puno. Kinain niya lahat ng bunga ng puno. Wala itong itinira para kay Pagong.

“Akin na lahat ito Pagong. Gutom na gutom na ako. Kulang pa ito para sa akin. Hahaha!” tuwang-tuwang sabi ni Matsing

Nanatili sa  itaas ng puno si Matsing at nakatulog sa sobrang kabusugan.

Galit na galit si Pagong sa ginawa ni Matsing. Habang natutulog ito, naglagay siya ng mga tinik sa ilalim ng puno. Nang magising si Matsing ay nakita niya ang mga tinik kaya’t humingi ito ng tulong kay Pagong.

“Pagong, tulungan mo ako! Alisin mo ang mga tinik na ito. Malapit ng dumilim at mukhang uulan ng malakas”pagmamakaawa ni Matsing

“Ayoko! Napakasalbahe mo. Lagi mo na lang akong iniisahan! Aalis muna ako. mukhang malakas ang ulan. Sa bahay ni Aling Muning muna ako habang umuulan.” sabi ni Pagong sabay alis papunta sa bahay ni Aling Muning

Makalipas ang ilang sandali, nagsimulang bumuhos ang malakas na ulan. Walang nagawa si Matsing kundi bumaba sa puno ng saging.

“Arrrraayyy! Aaaarayy! natutusok ako sa mga tinik Arrrrrrrrruuyyyyyy!!!!” daing ng tusong matsing

“Humanda ka bukas Pagong. Gaganti ako sa ginawa mo sa akin”bulong nito sa sarili

Kinabukasan, kahit mahapdi pa rin ang mga sugat ni Matsing, ay hinanap niya si Pagong. Nakita niya itong naglalakad sa may kakahuyan.

“Hoy Pagong humanda ka ngayon!” galit na sabi ni Matsing sabay huli sa pagong.

“Anong gagawin mo sa akin?” takot na tanong ni Pagong

“Tatadtarin kita ng pinong pino”sabi ni Matsing

Nag-isip ng paraan si Pagong para maisahan ang tusong matsing.

“Oo sige tadtarin mo ako ng pinong-pino at pagjputol putullin nang sa gayon ako ay dadami at susugurin ka namin ng mga parte ng katawan kong pinutol mo hahaha”sabi ni Pagong

Nag-isip ng malalin si Matsing

“Haha, susunugin na lang kita hanggang sa maging abo ka” sabi ni Matsing

“Hindi ka ba nag-iisip Matsing? Hindi kami tinatablan ng apoy! Nakikita mo ba ang makapal at matibay kong bahay? Kahit ang pinakamatinding apoy ay walang panama dito” pagyayabang ni Pagong

Nag-isip na naman ng malalim si Matsing. Hanggang sa maisipan niyang pumunta sa dalampasigan.

“Tignan natin kung saan ang tapang mo. Itatapon kita dito sa dalampasigan hanggang sa malunod ka! Hahaha!” sabi ni Matsing

Lihim na natuwa si Pagong. Nagpanggap itong takot sa dalampasigan.

“Naku huwag mo akong itatapon sa dalampasigan. Takot ako sa tubig at hindi ako marunong lumangoy. Parang awa mo na…” pagmamakaawa ni Pagong

Tuwang-tuwa si Matsing sa pagaakalang magagantihan na niya si Pagong. Todo lakas niya itong itinapon sa dalampasigan. Nagulat ito nang makitang marunong lumangoy si Pagong. Ang bilis-bilis ng pagkilos ni Pagong sa tubig. Kung mabagal ito sa lupa, ay parang ang gaan ng katawan nito sa tubig.

“Hahaha. Naisahan din kita Matsing. Hindi mo ba alam na gustong-gusto ko ang lumagoy sa dalampasigan at magbabad sa tubig? Salamat kaibigan!!! natutuwang sabi ni Pagong

Malungkot na umuwi si Matsing. Naisip niya na napakasakit pala na maisahan ng isang kaibigan. Naramdaman niya kung paano masaktan kapag naloloko ng isang kaibigan.

Mula noon nagbago na si Matsing. Hindi na sila muling nagkita ni Pagong.

Mga aral:

Tuso man ang matsing, naiisahan din.

Marami sa paligid ang tulad ng isang matsing. Kaya mag-ingat…

Mababasa rin ang kwentong ito sa:

http://pinoyteacher.wordpress.com/2008/10/29/si-pagong-at-si-matsing-isang-pabula/

http://brownmonkeys.multiply.com/journal/item/216/Si_Pagong_at_Si_Matsing_Isang_Pabula

http://www.melardenio.com/2010/03/ang-pabula-si-pagong-at-si-matsing.html

Ang Agila at ang Maya

(The Eagle and the Maya)

Isang Agila ang kasalukuyang lumilipad sa kalawakan, buong yabang niyang iniladlad at ibinuka ang kanyang malalapad na pakpak. Habang patuloy siya sa kanyang paglipad ay nakasalubong niya ang isang maliit na ibong Maya at hinamon niya ito.
“Hoy Maya, baka gusto mong subukan kung sino sa ating dalawa ang mabilis lumipad?” buong kayabangan ni Agila, kaya naipasya niyang tanggapin ang hamon nito para maturuan niya ng leksyon.
“Sige! Tinatanggap ko ang hamon mo. Kailan mo gustong magsimula tayo?”
Natuwa ang Agila, himdi niya akalain na tatanggapin nito ang hamon niya.
“Aba, nasa sa iyon ‘yan. Kung kailan mo gusto,” buong kayabangang sagot ni Agila.
Napatingin ang Maya sa kalawakan. Nakita niyang nagdidilim ang kalangitan, natitiyak niyang ang kasunod niyon ay malakas sa pag-ulan.
“Sige Agila, gusto kong umpisahan na natin ang karera ngayon na. Pero, para lalong maging masaya ang paligsahan natin ay kailangang bawat isa sa atin ay magdadala ng kahit ano ng bagay. Halimbawa ang dadalhin ko ay asukal ikaw nman ay bulak.”
Tumawa ang Agila sa narinig na sinabi ni Maya. Tuwang-tuwa talaga siya, bakit nga naman hindi eh, mas hamak na magaan ang bulak na dadalhin niya kumpara sa mabigat na asukal na dadalhin naman nito.
“O ano, Agila, payag ka ba?” untag ni Maya.
“Aba oo, payag na payag ako.”
“Sige doon tayo mag-uumpisa sa ilog na ‘yon at doon tayo hihinto sa ituktok ng mataas na bundok na iyon,” wika pa ni Maya.
Gusto ng matawa ni Agila sa katuwaan dahil tiyak na ang panalo niya, subalit hindi siya nagpahalata.
At sisimulan nga nila ang paligsahan.
Habang nasa kalagitnaan na sila ng kalawakan ay siya namang pagbuhos ng malakas na ulan. Nabasa ang bulak na dala-dala ni Agila kaya bumigat ito ng husto. Nahirapan si Agila , kaya bumagal ang lipad niya.
Samantalang ang mabigat sa asukal na dala-dala naman ni Maya ay nabasa din ulan kaya natunaw ito. Napabilis ang lipad ni Maya.
Dahilan sa pangyayari, unang nakarating si Maya sa ituktok ng mataas na bundok at tinalo niya ang mayabang na Agila.
MENSAHE:
Maging mapagpakumbaba sa lahat ng ating mga ginagawa. Huwag maging mayabang at huwag ding maliitin ang kakayahan ng ating kapwa.

Source: http://tl.answers.com/Q/Isang_halimbawa_ng_pabula

Ang Inahing Manok at ang Kanyang Mga Sisiw

Isang inahing manok na may anak na tatlong sisiw ang naninirahan sa gitna ng taniman ng mais. Isang araw, lumabas ng bahay ang magsasakang may-ari ng taniman at sinabing, “Panahon na upang anihin ko ang aking maisan! Kailangan tawagin ko ang aking mga kapit-bahay upang tulungan ako sa aking pag-ani bukas!”
Narinig ito ng mga sisiw at agad iminungkahi sa kanilang ina, “Kailangang lumikas na tayo rito at humanap ng ibang matitirahan inang! Kung hindi, matatagpuan tayo rito ng mga magsisipag-ani bukas at huhulihin upang patayin!”
“Huwag kayong mabahala mga anak,” ang wika ng inahing manok. “Kung mga kapit-bahay lamang ang aasahan niya, hindi agad magsisipag-kilos ang mga iyon! May panahon pa tayo upang manirahan dito.”

Tama nga ang sinabi ng inahing manok. Sapagkat kinabukasan nga’y walang mga kapit-bahay na dumating upang tumulong sa pag-ani ng magsasaka.

“Kung hindi ko maasahan ang aking mga kapit-bahay, sa aking mga kamag-anak ako lalapit upang humingi ng tulong sa isasagawa kong pag-ani bukas!”

“Narinig ng mga sisiw ang sinabi ng magsasaka at dali-daling iminungkahi sa kanilang ina. Ngunit muli, hindi nabahala ang inahing manok at sinabing, “Kung sa mga kamag-anak lamang siya aasa hindi magsisipagsunod ang mga iyon! May mga trabaho ring dapat asikasuhin ang mga iyon at tiyak na hindi maasahan. May panahon pa tayo para manirahan dito mga anak!”

Kinabukasan nga’y tama uli ang sinabi ni inahing manok. Walang kamag-anak na dumating ang magsasaka upang tulungan siya sa pag-ani sa maisan.

Dahil dito, napilitan ang magsasakang tawagin ang kanyang anak at sinabing, “Bukas na bukas din, tayong dalawa na lamang ang aani sa ating pananim. Wala tayong ibang maaasahan kundi ang ating mga sarili!”

Nang marinig iyon ng mga sisiw, dali-dali silang nagtungo sa kanilang ina at iminungkahi rito ang sinabi ng magsasaka.

Noon nagdesisyon ang inahing manok na lumisan sila sa lugar na iyon, at sinabing, “Kung sinabi ng magsasaka na siya na ang gagawa ng pag-ani, dapat tayong maniwala! Sapagkat totoong walang sinuman siyang maaasahan kundi ang kanyang sarili!”

Ibangbersiyon:

May isang inahing manok ang may anim na sisiw. Kung nasaan ang inahing manok ay naroon ring nakasunod ang mga sisiw nito. Palagi silang sagana sa pagkain kaya sila’y palaging masaya.
Sa isang isang bakuran naroon sina inahing bibi at ang kanyang anim ring mga maliliit na bibi na nagsisipaligo at naglalaro sa isang maliit na balon.
Natanaw ng mga sisiw ang mga nagsisipaglangoy na mga bibi. Lumapit sila sa gilid ng balon at doo’y pinanood ang masasayang mga bibi.
“Umalis kayo sa gilid ng balon!”, sigaw ni inahing manok.
Waring walang narinig ang mga sisiw sa sinabi ng inahing manok. “Masdan n’yo ang mga sisiw na nagsisipaligo sa balon,” ang sigaw ng isang sisiw.
“Hindi iyon mga sisiw. Sila’y mga bibi. Hilig nila talaga ang tubig. Umalis na kayo sa gild ng balon dahil baka kayo’y mahulog at malunod. Halina kayo’t tayo’y aalis na.” ang wika ng inahing manok.
Patungo na ang inahing manok sa kanilang pugad kasunod ang limang sisiw. Ang isang sisiw ay nagpaiwan at nanatiling nakamasid sa mga nagsisipaligong bibi.
Naisip niyang kung kayang lumangoy ng mga maliliit na bibing iyon sa tubig ay kaya rin niyang isang sisiw. Kaya’t siya’y tumalon sa tubig, ngunit huli na ang lahat nang mapag-isip-isip ng matigas na ulong sisiw na hindi niya kayang lumangoy, kaya’t siya’y nalunod.

Mula sa:

http://tl.answers.com/Q/Pabula_ang_inahing_manok_at_ang_kanyang_sisiw

http://www.seasite.niu.edu/Tagalog/Tagalog_for_Kids/mga_pabula_ni_Aesop.htm#ANG%20LOBO%20AT%20ANG%20KAMBING

Ang Aso at ang Kanyang Anino

Isang aso ang nakahukay ng buto sa lupa. Tuwang-tuwa siya at dali-daling hinawakan ang buto sa pamamagitan ng kanyang bibig.

Dinala niya ang buto upang iuwi sa kanyang tirahan, ngunit nang siya ay malapit na, napadaan siya sa isang ilog. Pinagmasdan niya ang ilog at doo’y nakita niya ang sariling anino. Sa pag-aakalang ibang aso iyon na may hawak-hawak ring buto sa bibig, tinahulan niya iyon nang tinahulan upang maangkin din ang butong pag-aari nito.

Dahil dito, humulagpos mula sa kanyang bibig ang butong hawak-hawak at nahulog sa ilog. Tinangay ng agos ang buto at hindi na uli nakuha pa ng sakim na aso.

Ang Mayabang na Pagong

Isang araw, isang pagong (turtle) ang naghihingalo dahil sa labis na gutom at uhaw.  Dalawang ibon ang nakakita sa pagong na iyon.  Tinulungan siya ng mga ibon na kumuha ng isang kahoy.  Hinawakan nila ang kahoy sa magkabilang dulo gamit ang

 

kanilang tuka.  Nakasabit sa gitna ng kahoy ang pagong, gamit naman ang kanyang bibig.  Inilipad siya ng dalawang ibon na ito upang dalhin siya sa ligtas na lugar.

Nasa himpapawid sila ng marinig nila ang usapan ng mga taong nag-uusyoso.  “Tingnan ninyo!  Kamangha-mangha ang mga ibon!  Hila-hila nila ang isang pagong.”

Ibig magyabang ng pagong at nais niyang magpasikat sa mga tao.  “Kumusta na kayo?” sigaw niya.

Dahil sa pagsasalita niya at pagbuka ng kanyang bibig, ang pagong ay nahulog.

 

Aral : Pagisipang mabuti bago gumawa ng hakbang.

Ang Salbaheng Lobo

Isang araw, may isang lobo na pumunta sa bukid ni Mang Isko.  Nakita ni Mang Isko ang lobo, nabaitan siya dito dahil hindi man lang hinabol ng lobo ang mga alaga niyang tupa.  Sa halip, binabantayan pa ng lobo ang mga tupa.

 

Minsan, pupunta si Mang Isko sa bayan.  Bibili siya ng pagkain.  Kinausap niya  ang lobo na bantayan nito ang mga alagang tupa.

Pagbalik ni Mang Isko, siya ay nagulat sa nakita.  Patay ang tatlong tupa na kanyang alaga at wala rin sa paligid ang lobo.

Nasabi nalang niya sa sarili na “isang masamang hayop ang lobo at hindi ito mapagkakatiwalaan.”

http://www.takdangaralin.com/filipino/mga-pabula/ang-salbaheng-lobo/

Aral: Mag-ingat.

Huwag basta-basta magtitiwala sa hindi batid na husto ang ugali.

Ano ang Pabula?

Ang pabula ay isang uri ng kathang-isip na panitikan kung saan mga hayop o kaya mga bagay na walang-buhay ang gumaganap na mga tauhan, katulad ng leon at daga, pagong at matsing, at lobo at kambing.  May natatanging kaisipang mahahango mula sa mga pabula, sapagkat nagbibigay ng mga moral na aral para sa mga batang mambabasa.

http://www.takdangaralin.com/filipino/mga-pabula/ang-pabula/

Basahin ang mga halimbawa:

1. Ang Lobo at ang Ubas
2.
Ang Salbaheng Lobo
3. Ang Lobo at ang Kambing
4. Ang Uwak na Nagpanggap
5. Ang Magnanakaw
6.
Ang Daga at ang Leon
7. Ang Agila at ang Maya
8. Ang Palaka at ang Kalabaw
9. Ang Kabayo at ang Kalabaw
10. Ang Kabayo at ang Mangangalakal
11: Ang mayabang na Pagong
12. Ang Inahing Manok at ang Kanyang mga Sisiw
13. Ang Aso at ang Kanyang Anino
14. Ang Usa at ang Aso
15. Ang Mayabang na Tipaklong at ang Masinop na Langgam
16. Ang Inggiterong Uwak
17. Si Pagong at Si Matsing
**************************

Pabula

Ano ang pabula?

Ang pabula (fable) ay isang maiksing kuwentong kathang-isip na kinatha
nuong unang panahon. Eto ay ginagampanan ng mga hayop na nagsasalita
at kumikilos na tulad ng tao. Ang pabula ay tumatalakay sa mga kilos at
pag-uugali na nangangailangang ituwid o baguhin dahil sa pagiging hindi
mabuti o makatarungan.

Itinuturo sa atin ng pabula ang tama, patas, makatarungan, at makataong
ugali at pakikitungo sa ating kapwa. Ang mga pabula ay lumaganap dahil
sa mga magagandang aral sa buhay na ibinibigay nito.

Bakit mga hayop, at hindi tao, ang pangunahing gumaganap sa pabula?

Ang isang dahilan ay ang mga hayop (animals) ay may kanya-kanyang likas
na katangian na madaling isalarawan upang mas maging malinaw ang
paglalahad ng kuwento. Mga katangian na tulad ng pagiging maamo (tupa),
mabagsik (lobo), masipag (langgam), mapanlinlang, at marami pang iba.

Ang isa pang dahilan ay nuong unang panahon ay magkakasama ang mga
tao bagamat sila ay mula sa iba’t-ibang lipi at antas ng lipunan. Sa
pamamagitan ng paggamit ng mga hayop bilang pangunahing tauhan sa
pabula ay naiiwasan ang pagkakagalit at pagtatalu-talo ng mga tao sa
maaaring maging maling pag-aakala na ang kanilang lipi, o antas sa
lipunan, ang tinatalakay at pinupuna pabula,

Sino si Aesop?

Si Aesop ay isang Griego (Greek) na namuhay nuong panahong 620-
560 BC at itinuturing na ama ng mga sinaunang pabula (ancient fables)
Si Aesop ay isinilang na kuba at may kapansanan sa pandinig. Siya ay
unang lumaki na isang alipin subalit sa kanyang ipinakitang sipag,
katapatan, at talino ay pinagkalooban siya ng kalayaan ng kanyang amo at
hinayaang maglakbay at makilahok sa mga kilos pambayan. Dito lumabas
at nakilala ang kanyang talino at pagiging makatarungan. Siya ay lumikha ng
mga pabula upang turuan ang mga tao sa tamang pag-uugali at pakikitungo
sa kapwa. Tinataya na siya ay lumikha ng mahigit sa 200 pabula nang siya
ay nabubuhay pa.

Ano ang kahalagahan ng pabula?

Nuong unang panahon, nang ang pamumuhay ng mga tao ay simple pa
lamang, ang pabula ay ginagamit upang turuan ang mga tao sa tamang
pag-uugali at pakikitungo sa kapwa.

Sa paglipas nang panahon ang pabula ay ginawang kuwentong pambata
na karaniwang isinasalaysay sa mga bata bago sila patulugin (bedtime
stories) ng kanilang mga magulang.

Sa panahon ngayon ang pabula ay muling binalikan at muling sumisikat
sapagkat eto ay ginagamit sa ibang paraan upang kapulutang ng mga aral.
Halimbawa sa larangan ng negosyo ang pabula ay ginagamit ng pamunuan
ng mga kumpanya upang turuan and kanilang mga manggagawa sa wasto
at karapat-dapat na pakikitungo sa kanilang mga kalakalan, sa mga kapwa
empleyado, at maging sa kanilang mga katunggali sa kalakalan.

Source: http://www.katig.com/panitikan_01.html

Legends (Animals)

1 Ang Alamat Ng Dahong Palay
2 Ang Alamat Ng Butiki
3 Alamat Ng Paru-Paro
4 Ang Unang Unggoy
5 Ang Alamat ng Aso
6 Ang Alamat ng Alitaptap
7 Alamat Ng Maya
8 Ang Alamat ng Lamok

Mga Alamat (Mga Hayop)

Ang Alamat Ng Dahong Palay

(The Legend of the Ricefield Snake)

Noong unang panahon ang mga ahas ay walang kamandag. Sa ganito sila ay hindi kinakatakutan at pinakukundanganan tisurin o patayin. Sa gayon nilang katayuan ay minarapat nilang gumawa ng paraan upang sila’y pangilagan ng tao at huwag patayin.

Kaya’t ang kanilang puno’y dumalangin humingi ng kamandag kay Bathala. Ang kanilang kahilingan ay hindi naman pinagkaitan ng Panginoong Diyos.

Isang araw ang Panginoong Diyos ay nanaog at dala ang isang kamandag upang batiin ang mga ahas. Ang unang nakakuha ay ang ulupong kung kaya ang kanya ang pinakamabagsik. Ang lahat ay nakakuha ng kamandag maliban lamang sa dahongpalay na hindi kaagad nabatid ang pagbibigayan ng kamandag.

Nang madatnan niya ang pook na bigayan ng kamandag ay ang banga na lamang ang kanyang nakita. Sa hangad niyang magkaroon ng kamandag ay nagpaikot-ikot siya sa loob ng banga na ang kamandag ay napunta sa kanyang balat. Ngayon ang dahongpalay ay may kamandag sa balat at hindi sa loob ng katawan.

Ang Alamat Ng Butiki

(Legend of the Lizard)

Noong unang panahon, may magkasintahan na masasabing walang katulad. Walang kasing tamis ang kanilang pagmamahalan. Isang araw ay nagkaroon ng isang mahigpit na pagsubok ang kasintahan ng binata. Sapagkat dalisay ang pag-ibig ng binata, sinabi niya sa kasintahan na ipag-patuloy ang gagawing pagsubok. Sa madali’t sabi, ipinag-tapat ng dalaga sa kasintahan na kailangan niya ang puso ng kanyang ina. Ito ang magpapatunay ng kanyang katapatan at nangako ang dalaga na kung magtagumpay siyang maisagawa ito, ay agad silang magpapa-kasal.

Walang kibong umalis ang binata patungo sa kanilang tahanan upang tuparin ang tagubilin ng kanyang kasintahan. Dali-daling umakyat at kanyang naratnan ang ina na nakaluhod sa harap ng altar sapagkat orasyon na noon. Nangangatal ang buong katawan na kinuha ang balaraw at sabay na itinarak sa dibdib ng ina. Agad niyang kinuha ang puso ng ina at tumakbong patungo sa kanyang kasintahan. Ngunit sa kasawiang palad, at marahil sa parusa ng nasa itaas, ay bigla na lamang siyang nadupilas at ang puso na kanyang hawak ay nahulog sa isang bitak. Ang puso’y biglang nangusap, “Bakit mo ako ginanito anak? Bakit mo sinunod ang maruming mithiin ng iyong kasintahan? Dapat mong malaman na ang isang ina ang pinagkakautangan mo ng buhay ay di na makikita kailan pa man.

Lumuhod ang binata na nagsisisi. Nais niyang isauli ang puso, subalit wala nang magagawa. Ang binata ay bigla na lamang naging butiki, na gumagapang na lamang buhat noon.

Alamat Ng Paru-Paro

(Legend of the Butterfly)

Noong unang panahon may magkapatid na ulila na naninirahan sa isang ilang na baryo sa Laguna. Ito ay sina Amparo na ang palayaw ay Paro samantalang ang nakababata naman ay si Perla na pawang sumisibol na dalagita. Pagtitinda ng bulakalak ang kanilang ikinabubuhay. Magkaiba ang ugali nila, si Amparo ay tamad at walang kinagigiliwang gawin kundi ang lumapit sa mga bulaklak at amuyin ito. Samantalang si Perla naman ay masipag at masinop sa kabuhayan. Likas na mabait si Perla pasensiya na lamang ang kaniyang binibigay sa kapatid na si Amparo na ubod na tamad.

Ngunit isang araw ay naubos na ang pasensiya ni Perla at nagalit kay Amparo na laging nagrereklamo sa kanilang ulam. Galit din sumagot si Amparo “Anong gusto mo alilain ako at busabusin, ako ang masusunod dahil ako ang nakakatanda.” Sabay nanaog at pumitas ng halaman sa hardin at nagtuloy sa ilog upang pagmasdan ang bulaklak sa kanyang buhok. Pagdukwang niya ay tuloy-tuloy siyang nahulog sa ilog. Sa pag-aalala pala sa kapatid ay sumunod si Perla at kitang-kita niya nang mahulog siya sa ilog. Sumigaw ng malakas si Perla “Paro!Paro!, marami ang nakarinig at tinulungan siya ngunit walang Amparo silang nakita.

Habang balisang nagmamasid ang mga tao sa ilog, ay may isang bulaklak ang lumutang sa knahulugan ni Amparo at unti-unti itong gumalaw, dahan-dahang nawala ang hugis bulaklak nito at unti-unting umusbong ang pakpak na may iba’t-ibang kulay. Walang ano-ano ay lumipad at nakita ni Perla ito na pumunta sa halamanan at nagpalipat lipat sa mga bulaklak. Kinutuban si Perla at nasambit niya ang katagang “Paro! Paro…!

Simula noon, ang maganda at makulay na munting nilikha ay tinawag ng mga tao na PARUPARO.

Ang Unang Unggoy

(The First Monkey)

Noong unang panahon sa isang kagubatan, may isang batang babae na naninirahan sa pangangalaga ng isang diyosa ng paghahabi. Doon namumuhay siya ng masaya at nasusunod ang lahat ng kanyang naisin.

Isang araw inutusan siya ng diyosa at sinabing: “kunin mo ang bulak na ito, linisin mo at gawin mong damit upang iyong maisuot.” Ngunit hindi siya marunong maghabi ng bulak, kaya’t sinabi niya sa diyosa, “kapag nalinis na ang bulak ay maaari na ba itong gamitin?”

“Hindi,” sagot ng kanyang alalay, “pagkatapos nitong linisin ay kailangan muna itong salansanin.”

“Matapos salansanin, maaai na ba itong gamitin?” ang sabi ng tamad na batang babae. Sinabi naman ng diyosa na maaari lamang itong gamitin kung ito’y natabas na.” Matapos itong matabas?” singit ng isang katulong, “maaari na itong gamitin?”

“Hindi, kailngan muna itong tahiin,” sagot ng diyosa.

“Ah!,” ang sabi ng batang babae, matagal pala at maraming proseso ang paggawa ng damit. Naisip niyang ipatong ang balat (leather) sa kanyang katawan upang gawin na lamang balabal kaysa gumawa pa ng panibagong damit. Sa galit ng diyos sa katamaran ng batang babae, kumuha ng isang patpat mula sa habian ang diyosa at sinabing, ang patpat ng ito ay magiging parte ng iyong katawan, at ito’y iyong gagamitin sa paakyat. Bilang kaparusahan sa iyong katamaran, simula ngayon ikaw ay maninirahan sa mga puno sa kagubatan, at doon ay maghahanap ka ng iyong makakain.”

At doon nagsimula ang pagkakaroon ng unang unggoy na may balat at buntot.

Ang Alamat ng Aso

(The Legend of The Dog)

Noong panahon na bata pa ang mundo, ay may isang maa-anak na tahimik at masayang namumuhay sa loob ng kakahuyan.

Ang ama; si Roque ay mabait at mapagkalinga sa kanyang pamilya. Nagtatanim siya ng mga gulay at nanghuhuli ng mga hayop sa gubat upang kanilang maging pagkain.

Samantalng ang ina naman; si Magda ay siyang nag-aasikaso sa kanilang bahay at dalawang anak na sina Maria at Jose.

Minsan, nagulat ang pamilya sa pagdating ni Roque na may pangko na isang sugatang lalaki.

Ang lalaki ay iniligtas ni Roque mula sa mga pusang-gubat nang ito ay maligaw. Inalagaan ito ng pamilya.

At sa paglipas ng panahon, naging malakas na ang lalaki na nakilala nilang Damaso.

Isinalaysay ni Damaso na pinalayas siya ng kanyang amo dahil sa hindi niya nabantayan ang mga taniman nito ng ubas, naging dahilan upang manakawan ang bunga ng mga ito. At sa kanyang paglayas naligaw siya sa gubat at inatake ng maraming alamid.

Naaawa naman ang pamilya kay Damaso, kaya doon na pinatira sa bahay nila ito. Itinuring nila itong kapamilya at nakatulong pa ni Roque sa pang-araw-araw na paghahanap ng pagkain.

Ngunit lingid kay Roque, may namumuong lihim na pagkagusto sina Magda at Damaso sa isa’t-isa.

At isang araw nga, nagpasya sina Damaso at Magda tumakas sa ibang lugar.

Nag-iyakan ang dalawang batang sina Maria at Jose.

“Ina huwag mo po kaming iwan nila ama!”, ang iyak ni Maria

“Oo nga po! Mang Damaso, huwag n,yong kunin ang aming ina!”, ang iyak rin ni Jose.

Ngunit hindi napigilan sina Magda ng kanyang mga anak. Sumakay pa rin sila ng bangka at umalis na kasabay ng agos ng ilog.

Lalong ngg-iyakan ang dalawang bata. Nais na sanang magbago ng isip si Magda, ngunit nanaig ang kanayng pagka-gusto kay Damaso.

Mula sa malayo, anong gulat nila Magda nang makitang nagtalunan sa ilog sima Maria at Jose upang humabol.

Napatayo so Magda sa bangka, dahil alam niyang hindi marunong lumangoy ang dalawang bata.

Siyang pagdating ni Roque, na agad ding tumalon sa ilog upang iligtas ang mga anak. Ngunit lumakas and agos ng ilog, at napailalim sa tubig ang mag-aama.

Mula sa malayo, natanaw nina Magda at Damaso and pang-yayari. At sising-sisi ang dalawa sa kanilang nagawa, lalo pa’t hindi na nila nakitang pumaibabaw sa tubig ang mag-aama.

Bigla, mula sa tubig ay isang babae ang lumutang sa hangin.

“Masahol pa kayo sa hayop! Dahil sa inyong makasariling pagnanasa ay nagawa ninyong saktan ang ibang tao. Dapat lamang kayong maging kauri ng hayop,” ang wika ng babae na diwata pala ng ilog.

Bigla ang pagbabago ng anyo ni Magda at ni Damaso. Ang kanilang katawan ay puno ng balahibo, humaba ang kanilang mga nguso, tumalim ang mga ngipin at nagkapangil. At kasunod niyon, hindi na nila nagawang makapagsalita, bagkus ay ungol at kakatwang ingay ang lumalabas sa kanilang mga bibig.

“Mananatili kayo sa ganyang anyo, hangga’t ikaw Damaso ay hindi natutong tumanaw ng utang na loob napapala sa iyo. At ika Magda, hangga’t hindi mo naipapakita ang tunay mong pagmamahal s iyong mga magiging anak.” At nawala na ang diwata pagkawika niyon.

At ang dalawang isinumpa ay namuhay sa kakahuyan. Nagkaroon sila ng maraming anak. Sila ang unang angkan ng mga aso sa daigdig. At sa dami ng mga tao, ang mga aso ay naging alaga nila sa kanilang mga tauhan.

At sa hanggang ngayon nga ay pinapatunayan pa rin ng mga aso na sila ay tapat sa kanilang mga amo.

Ang Alamat ng Alitaptap

(The Legend of The Firefly)

Noong unang panahon, may isang makisig na binata na nais mag-asawa ng pinakamagandang dilag. Siya ay mayabang at masyaong malaki ang pagkakilala sa sarili. Kung minsan tuloy, nagdaramdam ang ilang mga dalaga s kanya dahil sa pamimintas niya kahit nakaharap ang dalaga.

Isang araw, papunta na siya sa bundok upang manguha ng yantok nang masalubong niya ang isang napakagandang dalaga na nakasuot ng putting-puti.

“Napakagandang dalaga,” wika niya sa sarili at tuloy-tuloy na nilapitan niya ito.

Nang malapit na siya, nagtatakbo ang dalaga at nawalang parang bula. Hinanap niya ang dalaga sa buong kagubatan ngunit hindi niya nakita.

Sa tagal at hirap na dinanas ng binata sa paghahanap sa dalaga, nagalit siya.

“hindi ka talaga maganda. Ang ilong mo’y pango, ang mata mo ay duling at ang mga tenga mo ay malalapad!” sigaw ng binata.

Dahil sa pagkahapo ay nahiga siya sa lilim ng punung-kahoy para magpahinga. Naidlip siya at nang magising, nakita niya ang magandang dilag. Alam niyang maganda talaga ang dalaga at hindi totoo ang sinabi niya.

Siya ng dalaga, “ininsulto mo ako, kaya mula ngayon, ikaw ay magiging isang kulisap. Manunumbalik lamang ang anyo mo kapag naipakita mo sa akin ang isang dalagang mas higit ang kagandahan sa akin. Humayo ka at hanapin mo ang dalagang sinasabi ko para mabalik ang dati mong anyo,” ang utos ng engkantadang babae.

Lumipad ang binatang naging kulisap upang hanapin ang babaeng mas maganda pa kaysa sa engkantada. Naghanap siya gabi’t araw. Upang makita niya ang babaing gaganda pa sa sumpa sa kanya, nagdala siya ng ilaw tuwing gabi. Ang binatang yaon na naging kulisap ang tinawag natin ngayong alitaptap.

Alamat Ng Maya

(The Legend of Maya)

Si Rita ay batang lubhang malikot. Ang kanyang ina ay laging naiinis sa mga ginagawa niyang hindi dapat gawin ng batang katulad niya.

Isang araw, ang kanyang ina ay nagbayo ng palay. Si Rita ay nanood sa kanyang ina. Siya’y gutum na gutom sapagkat galing siya sa laruan. Nang mayroon ng isang salop ang nabayong bigas, si Rita ay nagsimula nang kumain ng bigas. Ang nalagyan ng bigas ay malaki at may takip na bilao. Binuksan niya at pumasok siya sa loob. Ngayon natakpan siya ng bilao. Hindi nahalata ng ina. Nang matapos na ang ina sa kanyang pagbabayo ay tinawag niya si Rita upang utusan sa pagtatago ng binayo. Hindi sumagot si Rita. Hinanap ng ina sa lahat ng taguan, wala rin rin si Rita roon.

Nang kanyang buhatin ang lalagyan ng bigas may lumabas na maliit na ibon galin sa loob. Kumain ng bigas ang ibong iyon. Ang ibong iyon ay si Rita, ang tinatawag ngayong maya.

Ang Alamat ng Lamok (ni Severino Reyes)

(The Legend of Mosquito)

Noong unang panahon sagana sa lahat ng bagay ang bayan ng Tungaw. Mataba ang lupang taniman dito. Masasaya ang mga tao. Ngunit marumi sila sa kanilang kapaligiran. Madalas na naglulusak sa dumi ang mga bakuran. Nagkalat ang mga balat ng prutas kahit saan. Nanlilimahid ang mga bata sa daan.
Isang araw, nahintakutan ang lahat sa biglang pagkawala ng ilang mga tao.
Walang nakakaalam kung saan sila napupunta. Padalas nang padalas ang mga
nawawala kaya’t lumapit ang taong bayan sa kanilang makisig na hari upang
humingi ng tulong.
“Magbantay tayo sa bawat sulok ng ating bayan,” sabi ng hari.
Kahit ubuhin sila sa nakasusulasok na mga basura, araw at gabing nagbantay ang mga taong bayan at mga kawal. Hanggang sa makita nila ang paglitaw ng higanteng si Amok sa may paanan ng bundok. Kinuha nito ang isang magbubukid at agad na nilulon.
“Wala nang sasarap pa sa maruruming tao! Blurp,” dighay ng higante.
“Wala tayong laban sa higante,” panlulumo ng isang binatang nangungutib ang
kamiseta.
“Mabuti sigurong umalis na lamang tayo sa Tungaw,” mungkahi ng mga
matatandang kutuhin.
Iwanan kaya nila ang kanilang maruming bayan?
“Hindi natin maaaring iwan ang ating bayan. Dapat natin itong ipagtanggol,”
mahigpit na sabi ng hari.
“Nasasarapan ang higanteng Amok sa ating karumihan. Kailangan nating maglinis upang iwanan tayo ng higante,” utos ng hari.
Nagwalis ang kababaihan. Naligo ang mga bata. Naglaba ang kalalakihan. Saka
sila naghandang muli upang ipagtanggol ang kanilang bayan.
Nang muling lumusob ang higante, pinaulanan nila ito ng pana sa dibdib. Ngunit parang walang puso ang higante. Hindi ito nasasaktan. Nilulon ng higante ang ibang kawal at dinakip ng buhay ang ilang taumbayan.
“Wala sa dibdib ang puso ng higante kaya’t hindi siya mapatay,” paalala ng isang
matanda.
“Nasaan kaya?”, tanong ng hari.
“Walang sinumang nakakaalam”, sagot ng matanda.
Nag-isip nang paraan ang hari upang matuklasan kung paano mapapatay ang higante. Nang minsang mabusog ito, nagkunyaring nahimatay ang hari. Napasama siya sa mga dinakip ng buhay. Nang makarating sa kuweba, isang batang higante ang sumalubong kay higanteng Amok.
“Narito ang pagkain mo. Matuto kang magtipid. Marunong nang maglinis at magtago ang mga taong marurumi,” saka muling umalis ang higante.
Biglang bumangon ang hari at hinugot ang espada. Natakot ang batang higante.
“Hindi ko na po kayo kakainin, huwag ninyo akong patayin,” pagmamakaawa nito sa hari.
“Nasaan ang puso ng iyong ama?,” sigaw ng hari.
“Hindi mo dapat malaman!,” iyak ng batang higante.
“Kung gayon ay papatayin kita!,” matapang na sabi ng hari.
“Nasa ilong ang puso ng aking ama kaya’t nasasarapan siya sa inyong kabahuan at karumihan,” nangangatog na sagot ng batang higante.
Itinali ng hari ang batang higante at pinakawalan ang mga taong nakakulong sa kuweba.
Hinanap ng makisig na hari ang higanteng Amok. Naabutan niya ito sa bayan.
Umakyat sa puno ang hari at tinaga sa ilong ang higante. Namilipit ito sa sakit. Pinagtulungan nilang itali kasama ng batang higante. Sinunog ng taong bayan
ang mag-amang higante sa gitna ng tambak nilang basura.
“Hindi n’yo kami mapapatay. Hangga’t marumi ang inyong paligid, babalik kami at sisipsipin ang inyong mga dugo!,” sigaw ng higanteng Amok bago siya matupok ng apoy.
Itinapon ng taumbayan ang mga abo ng mag-amang higante sa maruming ilog.
Tumahimik na muli sa bayan ng Tungaw. Ngunit nagulat ang lahat sapagkat mula sa maruming ilog ay may maliliit na insektong lumulusob sa bayan tuwing gabi. Naninipsip sila ng dugo ng mga tao.
Naalala ng mga matatanda ang sabi ng higanteng Amok bago masunog kasama ng anak. Nilinis ng mga taga- Tungaw ang kanilang maruming ilog. Dumalang ang maliliit na insektong naninipsip ng dugo. Kinalaunan, tinawag ng mga taumbayan ang mga insektong, Lamok.

Ang Lobo at ang Ubas

Ang mga sumusunod ay tungkol sa kwento ng isang lobo na hindi nakayanang abutin ang ubas:

Ang Lobo at ang Ubas

Minsan ay inabot ng gutom sa kagubatan ang isang lobo (wolf). Nakakita siya
ng isang puno ng ubas na hitik ng hinog na bunga. “Swerte ko naman. Hinog
na at tila matatamis ang bunga ng ubas,” ang sabi ng lobo sa sarili.

Lumundag ang lobo upang sakmalin ang isang bungkos ng hinog na ubas
subalit hindi niya maabot ang bunga. Lumundag siyang muli, at muli, at muli
pa subalit hindi pa rin niya maabot ang ubas.

Nang mapagod na ay sumuko rin sa wakas ang lobo at malungkot na umalis
palayo sa puno. “Hindi na bale, tiyak na maasim naman ang bunga ng ubas
na iyon,” ang sabi niya sa sarili.

—————-

Ang katagang “sour grape” o “maasim na ubas” ay hinango sa isa
sa mga pabula ni Aesop ukol sa isang lobo at puno ng ubas. Heto
ang kabuuan ng nasabing pabula sa pagsasalin sa tagalog ng
Katig.Com:

Mga Aral:
Hindi lahat ng ating naririnig ay totoo na dapat nating paniwalaan. Kung
minsan ang sinasabi ng isang tao ay isa lamang “sour grape” o “maasim
na ubas” dahil hindi niya natamo ang isang hinahangad na makamtan.

Ang sour-graping o pagsasabi ng “sour grape” o “maasim na ubas” ay
maaaring pagtatakip lang sa isang pagkukulang o pampalubag-loob sa
sarili dahil sa pagkabigo ng isang tao na makamit ang kanyang gusto.

Mga halimbawa.
Ang isang binata na nabigong makamtan ang pagmamahal ng kanyang
nililigawan dahil hindi siya naging karapat-dapat sa pag-ibig ng dalaga ay
maaaring magsabi ng “hindi na bale, hindi ko naman siya talagang gusto.”
Ang kanyang pagsasabi ng ganito ay isang sour graping lamang.

Maraming mga kandidato ang nagsasabi na kaya sila natalo sa halalan ay
dahil sa pandaraya ng mga kalaban. Totoo na may nagaganap na dayaan
tuwing halalan subalit bihira ang kandidato na aamin na siya ay natalo dahil
ang kanyang kalaban ay mas magaling at higit na karapat-dapat mahalal.
Kadalasan ang hinaing ng natalong kandidato ay sour-graping lamang.

Mahahanap din ang kwentong ito sa:

http://www.katig.com/pabula_05.html

http://www.scribd.com/doc/26499153/Ang-Lobo-at-Ang-Ubas-Ang-Katagang

 
mga larawan mula sa:

http://akoatpanitikan.blogspot.com/2008/07/ang-lobo-at-ang-ubas.html

Kung ikaw ang nasa katayuan ng lobo, sasabihin mo rin bang maasim ‘yong ubas kahit hindi mo alam ang totoo dahil lamang sa hindi mo ito naabot kahit anong lundag ang ginawa mo? Baka naman hindi sapat ang paglundag lamang o hindi mo ginawa ang lahat kaya hindi mo naabot? Susuko ka ba pag napagod ka o mag-iisip ka ng ibang paraan? Kapag iniwan mo ang isang bagay na mahirap gawin o makamtan, maghahanap ka ba ng iba? Iyong mahirap din ba basta gusto mo o ‘yong madali na lang kahit hindi ka nasisiyahan? …esep-esep!