Tag Archives: alamat

Ang Alamat ng Rambutan

Sa isang malayong pook sa Pilipinas nakatira ang mag-asawang sina Mang Kandoy at Aling Pising.Malapit ang pook na ito sa bundok ng Rabba. Araw- araw nangangahoy si Mang Kandoy sa kagubatan para gawing uling. Si Aling Pising naman ay nagpupunta sa bayan upang ipagbili ang mga nagawang uling. Walang anak sina Mang Kandoy kaya’t ganoon na lamang ang dasal nila sa Panginoon upang mabigyan sila ng anak.

Isang araw, habang nangangahoy si Mang Kandoy, nakakita ito ng isang kweba sa gitna ng kagubatan.

“Tila ngayon ko lang napansin ang kwebang ito” wika niya sa kanyang sarili

Kahit may konting takot sa kanyang kalooban ay minabuti niyang tignan kung ano ang nasa loob ng kweba. Nagulat siya ng makita niya ang isang usa na malapit ng kainin ng isang tigre. Naramdam ng pagkaawa si Mang Kandoy kaya’t agad niyang binato ng isang piraso ng matigas na kahoy ang tigre upang malihis ang atensyon nito sa usa. Nagalit ang tigre at dali-dali nitong sinunggaban si Mang Kandoy. Kaagad namang nakuha ng mangangahoy ang kanyang palakol kaya’t nasugatan nito ang tigre sa leeg nito. Walang humpay ang pagdudugo ng sugat ng tigre kaya agad agad itong kumaripas ng takbo palayo sa kweba.

Nagulat si Mang Kandoy sapagkat ang kulay ng dugo ng tigre ay abo.

“Ngayon lamang ako nakakita ng dugo na kulay abo” wika nito sa sarili.

Agad na natuyo ang dugo hanggang sa naging abo ito at humalo sa lupa.

Napansin niya ang takot na takot na usa kaya’t nagpasya ito na puntahan ito. Nagitla siya nang bago pa makalapit ay nagpalit anyo ito. Ang dating kawawang usa a naging isang napakagandang diwata subalit hindi na rin natago ang mga sugat nito. Napansin ni Mang Kandoy na ang dugo ng diwata ay puti.

Dahil sa pagkabigla at pagkatakot, nagpasya ang matanda na tumakbo na lamang pauwi pero pinigilan siya ng diwata.

“Salamat sa iyo kaibigan, nailigtas mo ako sa kamay ng itim na salamangkera. Ako si Rodona ang diwata ng budok na ito. Matagal na kitang nakikitang namumulot ng mga kahoy sa gubat na ito. Alam ko ang kabutihan ng iyong kalooban” sabi ng diwata

Hindi pa rin makapagsalita si Mang Kandoy.

“Ang tigre na iyong nakita ay si Matesa, nais niyang makuha ang bundok na ito upang dito gawin ang kaniyang salamangka. Gusto niya akong patayin at kunin ang aking puso para magkaroon ng kapangyarihan sa mga puno at hayop na naninirahan sa aking lupain.” ani Rodona

“Kung siya ay salamangkero, bakit hindi niya ginamit ang kapangyahiran niya sa akin?” tanong ni Mang Kandoy

“Walang kapangyahihan si Matesa laban sa mga nilalang sa bundok na ito, maging sa hayop, halaman, o kahit sa mga tao. Kapag nakuha na niya ang aking puso saka lamang siya magkakaroon ng kapangyarihan sa mga nilalang dito.”paliwanag ng diwata

“Labis kang nasugatan, mabuti pa siguro ay sumama ka sa akin upang magamot ng aking asawa ang iyong mga sugat.” nag-aalalang sambit ng matanda.

“Ang buhay ko ay hindi na  magtatagal, habang ako ay may kapangyarihan pa, binibiyayaan ko kayo ng iyong asawa ng isang anak. Hinihiling ko lang sana na sa aking pagpanaw ay kunin mo ang aking puso, sunugin mo, at ilagay sa banga ang abo nito. Itago mo ito sa iyong bahay upang maging proteksyon ninyo at ng lupain na ito laban kay Matesa.”naghihingalong bilin ni Rodona

Pagkatapos nito, agad na binawian ng buhay ang diwata.

Sinunod ni Mang Kandoy ang bilin ni Rodona. Ikinuwento niya ang nangyari kay Aling Pising. Makalipas ang siyam na buwan, isinilang ang isang napakalusog na batang babae. Labis na ikinatuwa ng mag-asawa ang biyayang ito,pangalanan nila ang bata na Rabona, pinaghalo ang pangalan ni Rodona at ang bundok ng Rabba.

Lumaking masayahin si Rabona. Halos nakalimutan na ng mag-asawa ang nangyari sa diwata. Minabuti nilang ilihim nila ito sa kanilang anak. Nang maglalabing anim na taon na si Rabona ay may nakita siyang isang pusa sa kagubatab. Medyo kakaiba ang pusang ito sapagkat makapal ang kulay dalandan na balahibo. Iniuwi ni Rabona ang pusang iyon.

Nang sumapit ang ika-12 ng hating gabi. Nagpalit ng anyo ang kakaibang pusa. Siya pala si Matesa. Nagsagawa ng ritwal si Matesa upang sumpain ang anak ng mag-asawa. Habang nag-oorasyon nagising si Mang Kandoy dahil sa mga bulong ng salamangkera.

“Layuan mo ang aking anak!”sigaw ni Mang Kandoy

“Hahaha! Wala ka ng magagawa Kandoy! Tignan mo ang ginawa mo sa akin. Maraming salamangka ang aking pinag-aralan para lamang maghilom ang halos napugutan kong ulo nang dahil sa pagtatanggol mo kay Rodona laban sa akin!” sagot ni Matesa

Naalala ni Mang Kandoy ang abo ng puso ni Rodona na kanyang itinago. Agad niya itong kinuha at isinaboy sa paligid ng salamangkera. Hindi nakagalaw si Matesa. Nabalot siya ng kapangyarihan ng abo ni Rodona. Agad na kinuha ni Mang Kandoy ang kanyang itak at tinaga ang mangkukulam. Nagliwanag ang buong paligid at naging abo ang katawan ni Matesa. Nagising si Rabona at takot na takot na niyakap ang kaniyang mga magulang.

Napansin ni Rabona na kumakapal ang buhok nito sa katawan. Humahaba rin ang kaniyang buhok.

“Dala ito marahil ng sumpa sa iyo ni Matesa.”sabi ng kaniyang ama

Agad silang nagpunta kay Tandang Isko, ang arbularyo sa katabing bayan.

“Mabuti na lamang at hindi natuloy ang sumpa. Maagapan natin ang walang humpay na paghaba ng kaniyang buhok, subalit hindi na natin maibabalik ang normal na kapal nito” wika ng arbularyo

Naging mas makapal nga ang buhok ni Rabona. Laging sinusuklalyan ng kaniyang ina na si Aling Pising ang kaniyang buhok. Bilin ni Aling Pising na lagi niyang aayusin ang kaniyang buhok upang hindi maging sagabal sa kaniyang mga gawain at pag-aaral.

Dala marahil ng konting pagbabago sa kanyang buhok, unti-unting nagbago ang pag-uugali ni Rabona. Naging tamad ito sa pag-aaral at sa mga gawaing bahay. Ayaw na rin niyang ayusin ang kaniyang sarili. Natuto siyang lumaban sa kaniyang mga magulang.

“Nay, ikaw na lang magsaing. Ayoko magtrabaho sa bahay sapagkat naiinis ako sa buhok na ito. Dapat niyo akong pagsilbihan dahil dito” sambit ni Rabona

“Anak, huwag kang mawalan ng pag-asa, dapat kang magpatuloy sa buhay mo at gumawa ng paraan upang malampasan ang mga pagsubok” pagsusumamo ng kaniyang ina.

”Ah basta, ayoko na! Umalis ka na sa harapan ko at ipaghanda mo ako ng pagkain. Kayo ang may kasalanan kung bakit nagkaganito ang buhok ko!”hinanakit ng suwail na anak

“Pasensya ka na anak, ang lahat ng ginagawa namin ng iyong ama ay para sa iyo. Sige maghahanda na ako ng pagkain.”malungkot na tugon ni Aling Pising

Isang gabi, naisipan ni Rabona na sunugin ang bahay nila habang natutulog ang mga magulang niya.

Maingat niyang sinalansan ang mga tuyong kahoy sa ilalim ng kanilang bahay upang huwag magising ang kaniyang mga magulang. Nang akmang sisindihan na niya ang mga tuyong kahoy para magliyab, nagliwanag ang kaniyang paligid, lumipad ang bawat butil ng lupa at umikot sa kanya at nabalutan ng lupa ang kaniyang katawan. Nakita niya ang isang magandang babae sa kaniyang harapan.

“Ako si Rodona” ang wika ng babae

“Hindi nga ba’t ikaw ay patay na?” nagulat na tanong ni Rabona

“Oo, namatay na ako subalit nananatili ako sa puso ng iyong mga magulang. Ako ay may kaugnayan sa iyo sapagkat ako ang nagbiyaya sa iyong mga magulang upang ikaw ay isilang dahil sa kanilang busilak na kalooban. Ako ay nanatili sa iyong pagkatao subalit nagpadala ka mga pagsubok. Ang tunggalian namin ni Matesa ay hindi nagtapos ng ako ay mamatay sa kweba sa bundokng Rabba. Nagpatuloy iyon sa iyong puso. Nang dahil sa mga mumunting pagsubok, ikaw ay nagbago. Naisipan mo pang gawan ng masama ang iyong mga magulang” Dapat sana’y ikaw ay magsisilbing regalo sa kanila, subalit pinagtangkaan mo pa ang kanilang buhay!” galit na sabi ni Rodona

Nakonsiyensya ang dalaga sa sinabi ng diwata.

“Patawarin niyo po ako, nagpadala ako sa mga pagsubok. Hindi na po mauulit. Tatanggapin ko po ang anumang kaparusahan. Ayoko na pong maging pabigat sa kanila. Sana po ay maibalik ko pa ang panahon upang mabigyan sila ng kasiyahan.” pagsusumamo ni Rabona

“Huli na ang lahat. Mula sa gabing ito ay lalamunin ka na ng lupa. Ngunit nang dahil sa iyong pagsisisi ay hindi ka pa tuluyang mawawala sa kanila. Patunayan mo na hindi ka magiging perwisyo sa kanila” sabi ng diwata

At tuluyang nagliwanag ang buong paligid at nawala ang dalawa.

Kinaumagahan ay wala na sa bahay nina Mang Kandoy si Rabona. Napaiyak si Aling Pising ng makita ang mga tuyong kahoy at posporo sa ilalim ng kanilang bahay. Naisip nilang tinangka ng kanilang anak na sunugin ang kanilang bahay. Sa tapat ng posporo ay may nakita silang halaman na may kakaibang dahon.

“Ngayon ko pa lamang nakita ang halaman na ganito” sabi ni Mang Kandoy

Inalagaan ng mag-asawa ang halaman at nang lumaki ay nagkabunga. Napaluha si Aling Pising nang makita niya ang bunga nito. Makapal ang tila buhok sa balat nito. Tinikman nila ang hinog na bunga at natuwa sa tamis at sarap nito.

“Ito marahil si Rabona” wika ni Mang Kandoy

“Kahit paano’y may alaala pa rin siya sa atin. Salamat at hindi siya nawala”

Tinawag na Rabona ang bunga ng puno, hanggang maging  rabonan nang malaunan tinawag na rambutan. Ngayon ang rambutan ay isa sa masasarap na prutas na makikita natin sa ating bansa.

Lagi nating isipin na ang mga pagsubok sa buhay ay hindi dapat maging hadlang upang maipagpatuloy ang ating buhay. Lagi tayong gumawa ng mabuti sa ating kapwa lalo na sa ating mga magulang.

 

Nakuha mula sa:

http://pinoyteacher.wordpress.com/2008/10/20/ang-alamat-ng-rambutan/

Ang Alamat ng Bundok Arayat (Sinukuan)

translated by pinoyteacher

Noong unang panahon, ang orihinal na kilalagyan ng Mt. Arayat ay wala sa bayan ng Arayat kundi nasa bayan ng Candaba. Itinayo ni Sinukuan, ang hari ng Arayat and bundok para sa mga mamamayan ng Pampanga lalo na para sa mga taga Candaba. Subalit dahil hindi naging maganda ang pag-uugali ng mga tao noon doonay nagalit si Sinukuan at inilipat ang bundok sa bayan ng Arayat kung saan narooon ito ngayon. Ang dating kinalalagyan ng bundok sa bayan ng Candaba ay naging isang malalim na hukay kung kaya ito ngayon ang tinatawag na Candaba Swamp.

Pinaganda at pinatibay ni Sinukuan ang bundok Arayat upang magpakitang gilas sa kanyang iniirog na si Maria Makiling. Iniibig din ni Makiling si Sinukuan kung kaya ang isa pa niyang manliligaw na si Pinatubo ay galit na galit sa kanila.

Isang araw, habang namamasyal sina Sinukuan at Maria Makiling ay binato ni Pinatibo ang matayog na bundok ng Arayat (kung kaya’t ang hugis ng Mt. Arayat ngayon ay tila napingas ang tuktok nito). Nasira ang pinakatuktok na bahagi ng bundok. Nang dumating si Sinukuan sa kaniyang bayan ay nagalit siya sa kaniyang nakita, kung kaya’t dali-dali siyang sumugod kay Pinatubo at ginulo ang at sinira niya ang napakataas na bundok nito.

Kaya ngayon kung inyong makikita, ang bundok ng Pinatubo ay isang napakahabang hilera ng mga bundok at hindi kagaya ng ibang bundok na nag iisa lang.

Nakuha mula sa:
http://pinoyteacher.wordpress.com/2008/09/28/ang-alamat-ng-bundok-arayat-sinukuan/

Ang Alamat ng Buwan at mga Bituin

Noong unang panahon ay mababang-mababa ang langit at walang buwan ni bituin.  Bakit kaya tumaas ang langit? Narito sa alamat na ito ang mga sagot.

 

Si Maria at ang kanyang nanay ay nakatira sa isang bahay-kubo.  Si Maria ay may suklay na ginto at kuwintas na may butil-butil na ginto.  Halos araw-araw ay isinusukat niya ang suklay at kuwintas at tinitingnan niya sa kanyang anino sa tubig kung siya ay maganda.
Isang araw nang isinusukat ni Maria ang suklay at ang kuwintas ay tinawag siya ng kanyang nanay.
“Maria, magbayo ka ng palay,” ang wika ng ina.
“Opo,” ang sagot ni Maria, nguni’t hindi siya kumilos.
“Maria, magmadali ka,” ang tawag na muli ng matanda.  “Wala tayong bigas na isasaing.”
“Opo, sandali po lamang,” ang tugon ni Maria, nguni’t hindi niya inaalis ang kanyang tingin sa kanyang anino sa tubig.
“Maria, sinasabi ko na sa iyong magbayo ka ng palay.  Madali ka,” ang galit na galit na utos ng matanda.
Tumindig si Maria at tuloy-tuloy siya sa lusong ng palay.  Hindi na niya naalis ang suklay at kuwintas.  Nalalaman niyang kapag galit na galit na ang kanyang nanay ay dapat siyang sumunod nang madali.  Nagbayo na siya nang nagbayo ng palay.  Pagkatapos ng ilang sandali, siya ay pinawisan.
“Napupuno ng pawis ang aking kuwintas,” ang wika ni Maria sa kanyang sarili.
“Hinubad niya ang kuwintas.  Inalis ang kanyang suklay.  Isinabit ang mga ito sa langit na noon ay mababang-mababa at naabot ng kamay.  Samantalang siya ay nagbabayo ay tinitingnan ang suklay at kuwintas.
“Kay ganda ng aking suklay at kuwintas,” ang wika ni Maria sa kanyang sarili.  “Pagkatapos na pagkatapos ko nang pagbabayo ng palay ay isusuot ko uli ang aking suklay at kuwintas.”
Sa gayong pagsabi ay dinalas niya ang pagbabayo ng palay upang ito ay matapos at maisuot niya uli ang suklay at kuwintas.  Tumaas ng tumaas ang pagbuhat niya ng halo at dumalas nang dumalas ang pagbagsak nito sa lusong.  Umaabot na pala ang dulo ng halo sa langit, nguni’t hindi niya napapansin.  Sa palay na ngayon ang kanyang tingin.  Tinitingnan niya kung malapit na siyang makatapos upang maisuot niya ang suklay at kuwintas.  Itinaas pa niyang lalo ang pagbuhat ng halo upang lumakas ang pagbagsak nito sa lusong at nang madaling mabayo ang palay.
Sa bawa’t pagtaas pala niya ng halo ay bumubunggo ang halo sa langit at sa bawa’t pagbunggo naman ay tumataas ang langit.  Nang mapuna ni Maria ang nangyayari ay mataas na ang langit.  Tangay-tangay ang kanyang gintong suklay at kuwintas. Hindi na niya maabot ang mga ito.
Tumaas nang tumaas ang langit.  Tumaas din nang tumaas ang suklay at kuwintas.  Noong gabing yaon ay umupo si Maria sa may bintana at tinintingnan niya ang langit na ngayon ay mataas na mataas na.  Hinanap niya ang kanyang suklay at kuwintas.  Naroroon ang kanyang gintong suklay at siyang naging buwan.  Ang mga gintong butil ng kanyang kuwintas at nagkahiwa-hiwalay at siya namang naging mga bituin.
“Lalong maganda ngayon ang aking gintong suklay,” ang wika ni Maria sa kanyang sarali, “At anong kinamg ng mga butil ng aking kwintas!”

Mababasa rin ito sa:

http://www.takdangaralin.com/filipino/mga-alamat-filipino/ang-alamat-ng-buwan-at-mga-bituin/

Legends (The Earth and Sky)

Mga Alamat (Ang Lupa at Langit)

Bakit Maalat Ang Dagat?
(Why is the sea salty?)
Si Angalo ay isang higanteng mahal ng mga tao sa kanilang nayon sapagkat siya’y mabait at matulungin. Isang araw, ang mga tao ay sumakay sa mga bangka at nagtungo sa kabilang ibayo ng dagat upang bumili ng asin. Pabalik na sila sa dalampasigan nang masalubong nila si Angalo. Itinanong ng higante kung saan sila nanggaling at ano ang kanilang mga dala. Sinabi ng mga tao na bumili sila ng asin.

Iminungkahi ni Angalo na huwag na silang magsisakay sa mgha bangka at nang mapadali sila sa pag-uwi. Hihiga raw siya sa dagat at gawing tulay ng mga tao ang isa niyang binti. Tuwang-tuwang sumang-ayon ang mga naroon. Humiga na ang higante sa dagat at nagsitulay na sa kanyang binti ang mga tao. Nang nasa gitna na ng dagat ang mga tao ay kinagat ng mga langgam ang talampakan ni Angalo. Makating-makati na at masaki na masakit ang mga kinagat ng mga langgam kaya pinagsabihan ng higante ang mga tao na magmadali at hindi na niya matiis ang nararamdaman niyang pangangati.

Nagmadali ang mga tao ngunit sila’y nasa kalagitnaan pa lamang ng binti ni Anggalo. Hindi na natiis ni Angalo ang masidhing pangangati ng kanyang talampakan. Kumilos siya upang kamutin iyon kaya’t nahulog sa dagat ang mga tao, dala-dala ang binili nilang asin. Natunaw ang mga asin nang mahulog sa dagat kaya’t iyon ang dahilan kung bakit naging maalat ang dagat.

Ang Malalaking Bituin sa Kalangitan
(The Big Dipper in the Sky)
Sa bayan ng Kabatuhan, mayroong naninirahang isang mahirap na mag-ina. Sila’y napakamak diyos. Dahil sa mabait ang babae ay lumaki ang kanyang anak ng masunurin at mabait.
Ngunit dumating ang isang malaking problema sa kanilang bayan. Ang kaisa-isang balon na pinagkukunan ng lahat ng taga-roon ng tubig ay natuyot. Hindi naglaon ay maraming mga tao ang nagkasakit at ang ilan ay mga nangamatay. Nagkaroon din ng sakit ang babae dahil sa matinding uhaw.
“Oh aking anak,” ang sabi ng babae sa kanyang anak, “ihanap mo naman ako ng kahit kaunting tubig, dahil ako’y mamamatay na sa uhaw.”
“Opo ina,” sagot ng masunuring anak na kaagad ay kumuha ng tabo na yari sa bao ng niyog sa kanilang kusina.
Kahit saan siya magtungo ay wala siyang makuhang tubig. Pawang mga nanlulumong mga tao ang mga nandoon at halos mamatay na sa uhaw. Nagpatuloy parin siya sa paglalakad at tanging iniisip lamang ay makakuha ng tubig para sa kanyang nauuhaw na ina.
Habang naglalakad, tumingin siya sa langit at nagdasal: “Panginoon, bigyan n’yo po ako ng kahit kaunting tubig upang makainom na ang aking ina.”
Nang siya’y tumingin pababa ay mayroong pumupuslit na tubig sa kanyang harapan. Madali niyang isinahod ang dala niyang tabo, at kaagad nagpasalamat sa panginoon. Nagtatakbo siya patungo sa kanyang ina. Habang tunatakbo’y may tumawag sa kanyang isang lalaki.
“Anak, maaari ba akong makainom ng kahit kaunting tubig na iyong dala-dala, dahil ako’y uhaw na uhaw na?”
Dahil sa awa sa lalaki ay pinainom niya iyon at kaagad naman itong lumakas. Nagpautuloy siya sa pagtakbo patungo sa kanyang nauuhaw na ina, habang tumatakbo’y di sinasadyang nadapa siya at bumagsak ang hawak niyang tabo, tumama ito sa bato at nagkapirapiraso.
Umiyak ang bata sa nangyari, kaya tumingala muli siya upang humiling sa muli sa Diyos ng tubig. Hindi nga siya nagkamali at sa kanyang kinatatayuan ay nagkaroon ng balon na puno ng tubig. Tumingala muli siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos, at mula doon ay nakita niya ang pirapirasong bahagi ng kanyang tabo na unti-unting tumataas at kumorte na kahugis ng kanyang tabo na yari sa bao.
Sa tuwa ng bata’y tinawag niya ang lahat ng naroon at nagsidating na nga ang mga tao na may kanya-kanyang dalang lalagyan ng tubig. Dali- daling kumuha ng tubig ang bata at nagtungo na sa kanilang tahanan. Naabutan niya ang kanyang ina roon na malapit nang malagutan ng hininga sa uhaw, kaya’t kaagad niya itong pinainom.
“Aking anak,” sambit ng babae, “Ikaw ay isang napakabuting anak.”
“Ina, ang Panginoon ang siyang tumulong sa akin.”
Mula noon gabi-gabi’y pinapanood ng mag-ina ang pagkorte ng mga bituin n hugis tabo sa kalangitan.

Kung Bakit Maliwanag ang Araw Kaysa sa Buwan
(Why the Sun is Brighter than the Moon)
Noong unang panahon ay mayroong isang diwata na may dalawang anak na babae na pawang magaganda. Si Araw ang panganay na anak na may kaakit- kait na mukha at may magandang paguugali. Si Buwan, na taliwas ang ugali kay Araw. Isang gabi, sa paguwi ng diwata ay nakita niya kung paano pagmalupitan ni Buwan si Araw. Kaya’t nanalangin siya sa Diyos para tulungan siya sa suwail nitong anak.
Bago pa mangyari ito, may inihanda ng mahalagang regalo ang Diyos para sa magkapatid. Ang regalong ito ay diyamante na kayang magbigay ng liwanag sa buong kalawakan. Nang marinig ng diyos ang panalangin ng Diwata ay bumaba siya sa mundo at nagpanggap bilang isang pulubi. At nalaman niya na talagang masama ang ugali ni Buwan, di gaya ni Araw na malambing at mabait. Bilang gantimpala ay ibinigay ng Diyos ang diyamante niya rito. Nagalit ng husto si Buwan nang malaman niya ito, nagpunta siya sa kaharian ng Diyos at ninakaw ang diyamante ng Diyos, at bumalik siya sa mundo na dala ang magandang diyamante, subalit napagalaman niya na hindi liwanag ng kay Araw ang diyamante ng nakuha niya. Nang bumalik ang Diyos sa kaharian a nalaman ang ginawa ni Buwan, nagpadala sya ng dalawang anghel para parusahan ito, ngunit inabuso ng dalawang anghel ang kanilang tungkulin. Sinamsam nila ang diyamante ng dalawang magkapatid. Inihagis nila ang diyamante pataas sa langit at nanatili na doon. Ngunit ang diyamante ni Araw ay mas malaki at maliwanag kaysa sa diyamante na ninakaw ni Buwan. Mula noon, ang malaking diyamante ay tinawag na Araw at ang maliit ay Buwan.

Ang Alamat ng Mag-Asawang Tubig
(The Legend of Mag-Asawang Tubig)
Noong unang panahon, sa isang maliit na kabayanan na pawang ang mga nakatira’y mga pamilya ng magsasaka. Ang isa sa kanila’y ang magasawang Ba Imo At Ba Sinta. Kasundo nila lahat ng mga taga-roon at sila’y nirerespeto dahil sa kanilang mabait at mabuitng pakikisama.
Isang araw naisip ni Bathala na bigyan sila ng isang pagsubok. Isang pulubi ang nagpunta sa kanilang tahanan at nagtanong kung maaari ba siyang tumuloy doon. Dahil sa maawain ang magasawa ay pinatuloy nila ito at pinakain pa. Namangha sila, dahil sa dami na ng kanilang nakain ay hindi pain nababawasan ang pagkain sa kanilang harapan. Naisip nilang marahil ang Diyos ang kanilang kaharap na pulubi, kaya’t lumuhod ang magasawa sa harap nito. Binasbasan sila ng matandang lalaki. Nagdasal ang magasawa at hiniling nila na nais nilang mamatay ng magkasabay, upang hindi mangulila kung may isa mang maunang mamatay sa kanila.
Tinupad naman ng Diyos ang kanilang kahilingan. Magkasabay silang namatay sa iisang oras at magkasama ring inilibing. Hindi nagtagal ay ngakaroon ng isang maliit na lawa sa tapat ng kanilang puntod at habang tumatagal ay lumalaki ito at naging ilog, na pinangalanang magasawang tubig sa alaala ng dalawang nagmamahalan.

Ang Pinagmulan ng mga Bituin
(The Origin of the Stars)
Noong unang panahon, maraming mga tao na nagsasabing walang bituin. Ang araw ang makapangyarihang bathala, pinuno sa araw. Buan, ang buwan, ang siyang kaagaw ng bathalang araw, at nagnanasang mamuno ssa araw at gabi. Lihangin, ang bathala ng hangin, ay kaibigan ng buwan at araw.
Isang araw, siya ay dumalaw kay Araw, ang bathala ng Araw para magpainit. Habang sila ay nakaupo, sinabi ni Araw kay Lihangin na masama ang loob niya kay Buan. Napapansin niya na ito ay nagpapakita kung araw. Ibig sabihin na nais ni Buan na maokupa pa niya ang bahagi ng kaharian ni Araw. Nais ni Lihangin na maging mabuting magkaibigan ni Araw at Buan. Sinabi niya kay Buan na huwag niyang okupahan ang kahit anong bahagi ng kaharian ni Araw. Si Araw ay makatarungan at matuwid kaya kailangan si Buan ay tumulad din. Hindi sinunod ni Buan ang payo ni Lihangin. Nagpatuloy siya sa pagsikat sa huling parte ng araw at kung minsan ay sa mag-uumaga. Ayaw ng ganito ni Araw kaya’t sinabihan niya si Buan na huwag na niya itong gawin pa. Subalit nagpumilit pa rin si Buan. Sila ay nag-away at si Buan ang higit na napinsala. Ang iba’t ibang parte ng kanyang katawan ay kumalat at ang mga ito ang naging mga bituin.

Bakit ang Langit ay Kurbado
(Why the Sky is Curve)
Maraming taon na ang nakakaraan, ang mga tao ay naniniwala na kapag sila’y namatay, ang kanilang kaluluwa ay diretso sa langit. Sa maikling panahon ay napuno ang langit ng mga kaluluwa dahil lahat ay doon napunta.
Isang araw, habang ang Diyos ay nakaupo sa kanyang trono, naramdaman Niya na para itong may nagtulak. Lumingon siya sa paligid at nakita niyang nagtutulakan ito papunta sa Kanya dahil ang langit ay babagsak. Kaagad ay uipinatawag niya ang limang anghel at sinabi, “Madali, manaog kayo sa lupa at sunungin ninyo ng inyong ulo ang langit habang ito’y ginagawa. Tinawag ng Diyos ang lahat ng kanyang mga karpintero at sinabi, “Gawin ang lahat sa lalong madaling panahon”.
Natapos ang paggawa, subalit ang pinakamataas na anghel na nakatayo sa gitna ng grupo, nagkaroon ng kurba ang langit.

Bakit Mataas ang Langit
(Why the Sky is High)
Noong araw, mababa pa ang langit, may dalawang magkapatid na ang pangalan ay Ingat at Daskol na naninirahan sa piling ng kanilang magulang.
Si Ingat ay maingat sa mga bagay na kanyang ginagawa kaya siya ang kanang kamay ng kanyang ama. Lagi siyang tumutulong sa gawain sa bukid at labis na natutuwa sa kanya ang kanyang mga magulang.
Sa kabilang dako, si Daskol ay walang ingat sa gawain. Dahil walang anak na babae sa pamilya, ang gawaing bahay ay naging responsibilidad niaya. Siya ang nag-iigib ng tubig, naglilinis ng bahay, at nagluluto. Siya rin ang nagbabayo ng palay na inani ng kanyang ama at ni Ingat. Kahit sa pagbabayo ng palay, tamang-tama ang kanyang pangalan sa asal niya sa paggawa. Halos kalahati ng binabayo niyang paly ay natatapon sa lupa. Dahilsa likas niyang katamaran at walang tiyaga, ayaw na ayaw niyang magtrabaho lalo na ang pagbabayo ng palay.
Isang araw, si Daskol ay magbabayo ng higit sa dami ng palay na kanyang binabayo. Naiinis siya, kaya’t sa bawat pagtataas ng halo ay tumatama sa langit. Ang kanyang pagkagalit ang nagdaragdag sa kanyang lakas at pagnanais na matapos ng mabilis ang pagbabayo. Kaya’t itinaas niya ng mataas ang paghawak sa halo at sa bawat pagbayo ay tinatamaan ang langit. At sa bawat pagtama sa langit, ito ay tumataas. Sa kanyang pagmamadali hindi niya namalayan na mataas na ang langit. Nang makatapos na siyang magbayo, tumingala siya at nalaman niyang ito’y mataas na, tulad ng nakikita natin ngayon.

Eklipse
(Eclipse)
Sa kalangitan nakatira ang isan malaking leon na ang pangalan ay Arimaonga. Ang hayop na ito ay mapaglaro, at minsan ay nalulon niya ang buwan, na naging sanhi ng eklipse ng buwan. Pinilt ng mga tao na ipaluwa kay Arimaonga ang buwan sa pamamagitan ng ingay sa kasalukuyang eklipse ng buwan, kaya ang mga tao ay tumutugtog ng mga gong at pag-iingay sa pamamagitan ng mga daliri.
Ang eklipse ng araw ay nangyayari kapag ang isang gulong ng karwahe na nagdadala dito ay nasira, at puwersahin ang itong lumiko mula sa dati o nakatakda nitong dapat daanan.

Legends (People and Places)

Mga Alamat (Mga Tao at Mga Lugar)

Ang Istorya ng Paglikha
(The Story of Creation)

Nang magsimulang likhain ang mundo, walang kapatagan, pawang karagatan at kalangitan lamang at sa pagitan nito ay ang isang uwak. Isang araw ang ibong ito’y napagod na sa kakalipad, ngunit wala naman siyang makitang kapatagan na mapagpapahingahan, kaya’t naisipan niyang tumuntong sa karagatan hanggang sa magsimulang bumuhos ang tubig mula sa kalangitan. Upang maibalik ang tubig sa karagatan, bumuhos ang tubig sa iba’t-ibang parte pa ng mga isla hanggang sa hindi na makita pa ang ibang parte nito. At inutusan ng ulap ang uwak na maghanap ng tuyong isla upang doon manirahan at magtayo ng sariling pugad.

At ngayon sa pagkakatagpo ng lupa at ng tubig, nagkaroon sila ang anak na tinawag na kawayan. Isang araw habang paluang-lutang ang kawayan sa tubig, naipit nito ang paa ng uwak na nasa tabing dagat. Sa galit ng uwak sa kanyang pagkakaipit pinagtutuka niya ang kawayan, sa isang banda ng kawayan ay lumabas ang isang lalaki at sa kabila naman ay isang babae.

Isang lindol ang tumawag sa mga ibon at isda upang makita nila kung anong dapat gawin sa dalawang iyon, at napagdisisyunan nilang ipakasal ang mga ito. Marami silang naging supling at mula doon, nanggaling ang ibat-ibang lahi ng mga tao.

Ilang sandali lamang napagod na ang dalawa dahil sa dami ng kanilang mga naging anak. Hiniling nilang mapalayo na sa mga ito, ngunit alam nilang wala silang mapupuntahan. Ilang araw pa ang lumipas ay lalong dumami ang mga bata at halos hindi na nila iyon mabilang, at wala narin silang kapahingahan. Isang araw, dahil narin sa ang ibang bata ay may pagkamatigas ang ulo, nakukuha na niyan paluin ang mga ito.
Iyon ay labis na ikinatakot ng mga bata, nagtatakbo sila kahit saan. Ang ilan ay nagsipagtago sa mga kwarto ng bahay. Ang iba ay nagtago sa dingding, ang iba’y tumakbo palabas. Ang ila’y nagtago sa kakalanan at ang iba nama’y nagtungo sa dagat.

Ang nangyari ngaun ay, ang lahat nang nagsipagtago sa mga kwarto ay naging pinuno ng mga isla, ang mga nagtago naman sa dingding ay naging mga alipin, ang mga tumakbo palabas ay mga naging timawa. Lahat naman ng mga nagtago sa kakalanan ay mga naging taong may maiitim na kulay ang mga balat at ang mga nagsitungo sa dagat ay hindi na nakita at sa pagbabalik ng mga anak nito’y, mayroon nang mapuputing balat.

Bakit ang mga Patay ay Hindi na Bumabalik
(Why Dead Come Back No More)

Matagal ng panahon ang nkalilipas, mayroong isang napakabait na babae na may tatlong maliliit na anak. Mahal na mahal niya ang kanyang mga anak at nagtatrabaho siya ng mabuti para may mapakain niya ang mga ito.

Isang araw siya ay nagkasakit at sa maikling panahon siya ay namatay. Ang kanyang espiritu ay napunta sa Kadungayan, at siyempre, maganda ang kanyang naging buhay, ngunit isang gabi naalala niya ang kanyang mga kaawa-awang mga anak na naiwan niya sa mundo. Iniisip niya na walang nag-aalaga sa kanila at maaaring sila ay gutom na at nilalamig. At sa pagkahabag sa kahyang mga anak nagdesisyon siya na bumalik sa mundo.

Nang dumating siya sa kanilang bahay, tinawag niya ang panganay niyang anak upang buksan ang pinto. Nakilala ng bata ang boses ng kanyang ina at kaagad niya itong pinagbuksan ng pinto. Pumasok siya t kinausap sila, ngunit hindi nila ito makita dahil sobrang dilim at ang kanilang apoy ay patay na. Hindi na muling nagpaningas ng apoy ang mga bata mula ng namatay ang kanilang ina. Masyado pang maliliit ang mga ito, upang makapagpaningas ng apoy.

Inutusan niya ang kanyang panganay na anak upang humingi ng apoy sa kapitbahay. Ang kaawa-awang bata ay nagpunta sa unang bahay, subalit ng sinabi niyang kailangan niya ng apoy para sa kanyang ina na nagbalik, tumawa lamang ang mga ito. Hindi nila ito binigyan ng apoy. Pumunta siya sa kasunod na bahay ngunit ganoon din ang nangyari. At, punata siya sa kasunod na bahay, mula sa isang bahay patungo sa is pa, ngunit wala kahit isa sa kanila ang naniwala na nagbalik ang kanyang ina. Inisip nila na ang kaawa-awang bata y nawawala na sa katinuan. Kaya bumalik ang bata sa kanilang bahay na walang dalang apoy. Ang babae ay galit na galit sa lahat ng mga taong nagdamot. Sinabi niya, “Kailangan ko bang mamatay sa ikalawang pagkakataon dahil sa pagiging makasarili ng mga tao? Halikayo mga anak ko, pumunta tayo sa mas magandang lugar kung saan ako nanggaling – Kandungayan. Doon ay walang makasariling tao.”

Kumuha siya ng banga ng tubig at lumabas sa bakuran. Sumigaw siya sa lahat ng tao, “Ah, Napakamakasarili ninyong lahat. S pagkakataong ito lahat ay gagayahin ang aking halimbawa. Walang sinuman ang makakabalik sa mundo pagkatapos nilang mamatay.” Sa mga katagang ito hinagis niya ang banga sa isang malaking bato, lumikha ito ng nakapangingilabot na tunog. Ang lahat ay natahimik dahil sa takot.

Kinabukasan, ang mga tao ay lumabas upang makita ang naging sanhi ng tunog. Nakita nila ang mga butil ng banga at gayundin ang tatlong bata na patay na. Ngayon ay napag-isip-isip nila na totoong nahgbalik nga ang babae ng ganing iyon at sa kanyang galit dahil sa kanilang pagiging makasarili, na naging dahilan ng pagkasawi ng mga bata. Ang mga tao ay nanlumo dahil sa hindi nila pagbibigay ng apoy sa batang babae.
Mula noon wala nang patay na tao ang nakabalik sa mundo.

Ang Alamat ng Tagalog
(The Legend of Tagalog)

Alam nating lahat na ang mga Filipno ay may ibat-ibang uri ng lahi: merong Ilokano, mga kapampangan, Bisaya, Bikolano, at ang mga tagalog.

Sa malawak na rehiyon ng Luzon, may isang siyudad na pawang puro kalalakihan ang nakatira. Ang siyudad na ito sagana sa mga puno, magandang bulaklak at ilog na inaagusan ng malinaw na tubig. Ngunit may mas kinahuhumalingan ng mga kalalkihan doon ay ang isang magandang dalaga.

Ang dalagang ito ay si Maria. Marami siyang manliligaw na nanggagaling pa sa ibang lugar at sumubok na hangin ang kamay nito. Ngunit sa kabila nito’y nanaliti paring walang pakialam at hindi mapakali si Maria. Dahil sa kanyang kabaitan. Nantiling hindi nababahala ang kanyang mga manliligaw kaya’t siya’y nakaisip ng paraan. Pinatawag niya ang lahat ng mga kalalakihan at sinabing, “Lahat kayo ay mababait at mapagkakatiwalaan kaya’t ako’y nahihirapang pumili sa inyong lahat. Kaya’t ako’y nagdesisyong gumawa ng isang pagsusulit”.

“Pakakasalan ko ang unang lalaking makagbibigay ng isang malaki, buhay at malakas na ahas,” ang sambit ni Maria.

“Ipinapangako kong magdadala ako ng isa Maria. Kahit na magbuwis pa ako ng buhay, ibibigay ko sa iyo kung ano man ang iyong kahilingan.”

Si Ilog ay kilala bilang isang lalaking matapang. Umalis siya kaagad upang tuparin ang kanyang pangako.
Nagbulungan ang mga kalalakihan doon. Nasisiguro nilang hindi na makakabalik pa si Ilog. Naghintay sila sa pagbabalik ni Ilog ngunit hindi na ito nakabalik. Nalungkot si maria sa pangyayaring iyon, maging siya man ay nanghihinayang sa pagkawala ng matapang na si Ilog. Ilang oras ang nakaraan nakabalik na si Ilog. Nakagulo ang mga tao ng makita si Ilog. Sa pagdating ni Ilog hawak-hawak na niya ang nahuling malaking ahas.

“Maria,” ang tawag ni Irog. “Dala-dala ko na ang hinihiling mong ahas. Ano pang maaaari kong gawin upang mapaligaya?”

“Putulin mo na!” Ang sambit ni Maria.

May dumating na mga espanyol, tinanong nila ang mga taga-roon kung nasaan ba silang lugar dahil sila’y naliligaw ngunit walang pumansin sa kanilang pagtatanong, dahil ang mga tao’y napukaw ang atensyon sa ahas at kay Maria. Nang makita ni Maria ang ahas na nagwawala napasigaw si Maria.

“Taga, Ilog! Taga, Ilog!”, nasambit na lamang ng pasigaw ni Maria kay Ilog, upang hindi makalapit pa ang ahas sa kanya.

Ang dalawang espanyol, nasagot na ang kanilang katanungan, dahil sa paulit-ulit ng pagsambit ni Maria ng salitang TAGA-ILOG, TAGA-ILOG at hindi naglaon ay naging TAGALOG.

Si Adan at Eba ng mga Tagalog
(Adam and Eve of the Tagalog)

Daang taon na ang nakaraan, nang ang Luzon ay hindi pa tinitirahan. Si Bathala – ang dakilang panginoon – na katulad ni Lam-Ang – ang diyos ng mga Bisaya – Si Lam-Ang na nasa ilalim ng pamumuno ng iba, ang kaharian naman ni Bathala’y isang patay na disyerto noon. Nananatili paring nasa kamay ni Bathala ang paglalang sa mga tao ngunit hindi ang pagkain para sa mga ito, kaya’t humingi siya ng payo kay Diwata, ang dakilang diyosa ng kalawakan.

Sinabi ni Diwata kay Bathala na isang araw ay magpapadala siya ng anghel sa mundo upang doon may magtanim ng mga buto. Ang pangakong iyon ng anghel ay kanyang tinupad, at sinimulan na nga ni Bathala ang pagtatanim ng buto sa buong Luzon. Ilang sandali lamang ay napuno na ang islang iyon ng mga puno at halaman at handa nang mapakinabangan ng mga tao.

Hindi naglaon, nilikha ng ni Bathala si Adan at si Eba, ang mga ninuno ng mga tagalog. Kahit na pinagbawalan na sila sa pagkain ng berdeng prutas ng isang halaman ay sinuway parin nila iyon at kinain ito. Sa karampatang parusa sa kanila, sila’y nalason na naging sanhi ng isang matinding karamdaman. Ngunit hindi sila namatay sa kabila ng nangyari. At naging sa naging resulta ng kanilang karansan, pinangalanan nila ang prutas ng iyon na lason.

Dahil sa matinding konsensya ni Adan at Eba ay humingi sila ng tawad kay Diwata. Sa kautusan ng Diwata, pinatawad na ni Bathala ang dalawa, ngunit ang lason ay nanatiling makamandag. Upang maiwasan ang kapahamakan, isang anghel ang ipinadala sa mundo. Naglagay siya ng mga marka sa palibot ng nakalalasong buto at ang markang iyon ay makikita simula sa araw na iyon. Hindi nagtagal, ang pangalan ng halamang iyon na lason ay naging lanzon. Ang pangalan na iyon ang ginagamit parin magpasa hanggang ngayon.

Ang Alamat ni Bernardo Carpio
A Philippine Legendary Hero

Nuong panahon nang ang Pilipinas ay nasasakop pa ng mga Kastila ay mayruong mag-asawang naninirahan sa paanan ng bundok ng San Mateo, Rizal. Ang mag-asawa ay mahirap lang subali’t sila ay mabait, masipag, matulungin, at makadiyos. Sa mahabang panahon nang kanilang pagsasama ay hindi sila agad nagkaanak. Ganun pa man sila ay masaya sa kanilang buhay at matulungin sa kapwa lalu na tulad nilang naghihirap, at sa mga may sakit. Ang mga bata sa kanilang pook ay inaaruga nilang parang mga tunay na anak habang patuloy silang umaasa na balang araw ay magkakaruon din sila ng sariling anak.

Dahil sa kanilang ipinamalas na kabutihan, pagtitiis, at pananalig ay kinaawaan din sila ni Bathala at dininig ang kanilang panalangin na magkaruon ng sariling anak. Sa wakas ay biniyayaan sila ng isang malusog na sanggol na lalaki. Bukod duon, biniyayaan din ni Bathala ang sanggol ng pambihirang lakas at kisig simbolo ng lakas ng pananalig at kagandahang loob na ipinamalas ng kanyang mga magulang.

Maliit pa lang ay kinakitaan na si Bernardo ng pambihirang lakas at kisig. Ilang linggo pa lang mula nang siya’y ipinapanganak ay nagagawa na niyang dumapa at gumapang mag-isa kaya minsan ay muntik na siyang mahulog sa hagdanan ng kanilang munting kubo kundi naagapan ng isang kastilang pari na nuon ay dumadalaw sa kanilang pook upang magturo ng Kristiyanismo.

Sa suhestiyon ng kastilang pari na humanga sa lakas at kisig ng sanggol, siya ay pinangalanang Bernardo Carpio ng kanyang mga magulang. Hinango ang kanyang pangalan kay Bernardo de Carpio, isang matapang, bantog, makisig, at maalamat na mandirigma sa bansang Espanya. Eto ay parang nagbabadya sa magiging maalamat ding buhay ni Bernardo Carpio sa Pilipinas.

Habang lumalaki ay lalung nagiging kagila-gilalas ang pambihirang lakas ni Bernardo. Mahigit isang taon pa lang ay nagagawa niyang bunutin ang mga pako sa kanilang sahig sa kanyang paglalaro. At kapag isinasama siya ng ama sa pangangaso ay parang walang anuman na binubunot ni Bernardo ang ilang mga puno upang makagawa ng daanan sa masukal na kagubatan ng San Mateo.

Tulad ng kanyang mga magulang si Bernardo ay lumaking mabait, matulungin, at matatag ang loob. Minsan sa kanyang pamamasyal sa gubat, ay may natanaw siyang kabayo na nahulog sa bangin at napilay. Agad na nilusong ni Bernardo ang bangin upang sagipin at tulungan ang kabayo. Parang walang anuman na pinasan at iniahon niya ang kabayo sa bangin at dinala sa kanilang bahay upang gamutin at alagaan.

Sa kanyang pag-aalaga, ang bahagi ng enerhiya ni Bernardo ay dumaloy mula sa kanyang mga kamay at bumahagi sa kabayo na naging dahilan upang mabilis etong gumaling at nagsimulang nagpamalas din ng pambihirang lakas at bilis. Dahil sa tanglay na lakas at bilis ang kabayo ay tinawag niyang si Hagibis at mula nuon si Bernardo at si Hagibis ay laging magkasama sa pamamasyal sa kabundukan ng San Mateo.

Samantala, ang pagmamalupit at paninikil ng mga Kastila sa mga karapatan at kalayaan ng mga Pilipino ay lalung nag-ibayo. Mapagtiis man ang mga Pilipino ay dumating din ang panahon na hindi na nila matanggap ang pang-aapi ng mga dayuhan. Ang mga kalalakihan ay nagsimulang magpulong-pulong at bumuo ng mga pangkat sa hangaring ipaglaban ang karapatan at kalayaan ng mga Pilipino. Dahil sa kanyang taglay na pambihirang lakas at pagiging makabayan ay napili si Bernardo na namuno sa namimintong himagsikan laban sa mga Kastila.

Nang makarating sa kanilang kaalaman ang nagbabantang himaksikan ng mga Pilipino, lalu na nang mapag-alaman nilang si Bernardo ang napipisil na mamuno, ay labis na ikinabahala eto g mga Kastila. Dahil sa pambihirang lakas at tapang na taglay nito ay alam nilang mahihirapan silang igupo ang anumang himagsikan at malamang na magtagumpay pa eto.

Dahil sa kanyang matatag na pamumuno at pambihirang lakas ay nabahala ang mga kastila sa magagawa ni Bernardo upang maging matagumpay ang himaksikan laban sa mga mananakop. Dahil dito ay gumawa ng patibong ang mga kastila. Diumano ay inanyayahan nila si Bernardo sa isang pagpupulong upang diumano ay dinggin ang karaingan ng mga Pilipino subalit eto ay bitag lamang upang sa tulong ng isang engkanto ay maipit sa nag-uuntugang bato at hindi na makapamuno sa himagsikan.

Lihim sa mga mamamayan, nuong panahon na iyon, ang mga Kastila ay may nahuling isang engkantado na kasalukuyan nilang isinasailalim sa eksorsismo (exorcism), isang pamamaraan ng simbahan upang sugpuin ang masamang ispiritu na sumapi sa katawan ng engkantado.

Dahil sa takot na magtagumpay ang himagsikan sa pamumuno ni Bernardo ay nakipagkasundo ang mga paring Kastila sa ispiritu na sumapi sa engkantado na ititigil nila ang eksorsismo (exorcism) kung tutulungan sila nito na masupil si Bernardo. Sa paniniwala ng mga Kastila, ang pambihirang lakas ni Bernardo ay matatapatan lamang ng agimat na taglay ng engkantado.

Hindi nag-aksaya nang panahon ang mga Kastila. Agad nilang inanyayahan si Bernardo sa isang pagpupulong upang diumano ay dinggin ang karaingan ng mga Pilipino. Subali’t sila ay may nakahandang bitag kay Bernardo. Sa pagdaraanan patungo sa isang yungib ay naghihintay ang engkantado na nagtatago sa likuran ng magkaparis na naglalakihang bato. Pagdaan ni Bernardo ay ginamit ng engkantado ang kanyang agimat upang pag-umpugin nito ang naglalakihang bato sa pagnanais na ipitin at patayin si Bernardo.

Dahil sa pagkabigla ni Bernardo ay hindi siya nakaiwas at unti-unting siyang naipit ng nag-uuntugang bato. Ginamit niya ang kanyang lakas upang pigilan ang mga bato subalit ang kanyang lakas ay may katapat na lakas na nagmumula sa agimat ng engkantado.

Nang hindi bumalik si Bernardo kay Hagibis na naghihintay sa may paanan ng yungib ay naramdaman nitong may masamang nangyayari kay Bernardo. Mabilis na bumalik si Hagibis sa kapatagan upang humingi ng tulong sa mga mamamayan subali’t natagalan bago naunawaan ng mga tao ang ibig sabihin ng mga halinghing at pag-aalma ng kabayo. Sa bandang huli nang mapansin nila ang pagkawala ni Bernardo ay naisipan ng ilang kalalakihan na sundan si Hagibis dahil lagi silang magkasama.

Dinala ni Hagibis ang mga kalalakihan sa paanan ng yungib at tinangka nila etong pasukin. Subalit nang sila ay papalapit na ay sinalubong sila ng nagbabagsakang mga bato na ikinasugat at ikinapilay ng ilang kalalakihan. Natanaw nila ang malalaking nag-uumpugang mga bato at nuon ay napagtanto nila na ang yungib ay pinagpupugaran ng engkantado. Sila ay nangatakot at bumalik sa kapatagan ng hindi nakita si Bernardo.

Mabilis na kumalat ang haka-haka na si Bernardo ay naiipit ng nag-uumpugang bato at tuwing nagpipilit siyang kumawala ay nagiging sanhi eto ng paglindol sa kabundukan ng San Mateo.

Ang pagkawala ni Bernardo ay naging malaking dagok sa namumuong himagsikan ng mga Pilipino dahil sa pagkawala ng isang malakas at matapang na pinuno. Lumipas pa ang ilang taon bago muling nabuo ang loob ng mga Pilipino na ituloy ang pakikipaglaban sa mga Kastila.

Taung 1895 nang muling magpulong ang mga kalalakihan sa yungib ng Pamitinan at duon, sa karangalan ni Bernardo Carpio, ay ginawa nila ang unang sigaw ng himagsikan laban sa mga Kastila.

Ang Alamat ng Tiaong
(The Legend of Tiaong)
Noon ay may naninirahang isang matandang mayamang babae sa maliit na bayan ng probinsya ng Quezon. Sa kabila ng pagiging mayaman nito, siya ay isang mabait at matulungin sa kanyang mga kababayan, lalo na sa mga mahihirap.
Ang matandang babae ay tumutulong sa maraming paraan. Minsan ay ibinibigay ang lahat ng kaya niyang ibigay.
Dahil sa kabaitan ng matandang babae, siya ay natutuhan ng mahalin at igalang ng mga tao sa kanilang komunidad. Ang tawag sa kanya ng lahat ay “TIA” o “TIYA” bilang tanda ng paggalang sa kanya.

Bukod sa pagiging mabait, siya ay isa ring relihiyoso. Araw-araw ay nagpupunta siya ng simbahan para dumalo sa misa. Sa tuwing pupunta siya sa simbahan siya ay nakasakay sa paborito niyang alagang baka. Nasisiyahang tinatanawng mga tao ang babae na nakasakay sa baka at sa tuwing maririnig nila ang ingay ng baka ay alam nilang dumadaan ang kanilang Tiya.

Nakalipas ang maraming taon, nanatili ang matandang babae sa pagbibigay at pagtulong sa kanila, napagkasunduan nilang ipangalan sa matanda at sa kanyang baka ang kanilang bayan. At tinawag nila ang kanilang bayan ng “TIA-ONG” na naggaling sa tawag nila sa matandang babae at sa tunog na naririnig nila sa baka nito.

Hanggang ngayon, lahat ng kabutihang ginawa ng matandang babae ay nanatili sa alaala ng mga tao sa TIA-ONG, na ngayon ay kilala natin bilang TIAONG.

Bakit Pulu-pulo ang Pilipinas
(Why is the Philipppines a group of islands?)

Ayon sa mga ninuno, isang napakahabang isla ang Pilipinas. Ito ay tahanan ng dalawang mag-asawang higante. Dahil sadya raw na mayaman at sagana ang buong isla, hindi na kinailangang magtanim at magluto ang mag-asawa. Namumulot na lang sila ng mga kakainin sa kapaligiran.

Isang araw, napagkasunduan ng nag-asawang kabibe ang kanilang pananghalian. Masayang namulot ng kabibe ang dalawa sa mababaw na parte ng karagatan. Subalit hindi natuwa ang lalakeng higante sa maliliit na kabibe. Lumusong siya sa mas malalim na bahagi ng dagat. Kaagad siyang nakakaita ng isang malahiganteng kabibe. Agad niya itong binuksan at namangha siya sa laman nitong kakaiba. Isang makintab na perlas! Umahon ang higante at galak na ipinakita ang perlas sa asawa.

Sabay lumusong ang mag-asawa upang mangalap pa ng mga higanteng kabibe. Paglaon ay nakaipon sila ng napakaraming kabibe. Binuksan nila ito at itinabi ang mga nagagandahang mga perlas. Masayang umuwi ang mag-asawa.

Subalit habang binabagtas nila ang daan pauwi, nag-away ang dalawa sa hatian ng kanilang kayamanan. Pinipilit ng babae na nararapat na mas marami sa kanya dahil mas marami ang nakuha niyang kabibe. Mariing katwiran naman ng lalake na mas marami sa kanya dahil siya ang unang nakakakita ng perlas.

Nauwi ang kanilang sigawan sa pukulan ng putik at puno. Ipinadyak nila ang kanilang mga paa at nayanig ang buong isla. Dahil sa tindi at tagal ng pag-aaway ng mag-asawa, gumuho ang kabundukan, nahati at naghiwahiwalay ang isla.

Ang dating buong isla ay nahati sa tatlong malalaking isla at mahigit sa pitong libong maliliit na isla. Ang malaking isla sa Hilaga ay tinaguriang Luzon. Ang nasa gitna ay Visayas at ang nasa Timog ay Mindanao.

Ang Alamat ng Gapan (Nueva Ecija)
(The Legend of Gapan)

Si Andong ay isang batang matigas ang ulo. Hindi niya sinusunod ang payo ni ina, bagkus sinalungat pa niyaito.
Isang araw, nanaog ng bahay si Andong at nagpunta sa bakuran. Lumakad siya nang lumakad ngunit di makarating sa kanyang pupuntahan.

Gusto niyang umuwi na ngunit di niya matutuhan ang daan pauwi. Sa pagod, nakatulog siya sa lilim ng punong mangga.

Samantala, ang nanay niya ay di mapakali sa kahahanap kay Andong. Tinulungan pa siyang kaniyang kapitbahay upang hanapin ang andk niyangsi Andong.

Sabi ng isangkapit-bahay, “Paarang nakita ko ang anak ninyo sa kabilang ibayo. Paikot-ikot siya sa dalawang puno na para bang pinaglalaruan ng tiyanak.”

“Kung hindi n’yo sa makita, kumuha kayo ng bilao, ipukpok ninyo sa puno ng hagdan at tawagin nang malakas ang kaniyang pangalan,” ang payo naman ng isang magsasaka. Sinunod ng ina ni Andong ang payo ngunit wala ring nangyari.

Samantala, si andong naman ay nagising sa malakas na iyak ng isang bata, hubad ito at malaki ang tiyan. Nakahiga ito sa dahon ng saging. Kinalong ito ni Andong, ipinaghele ngunit iyak pa rin ng iyak. Nagalit na si Andong at akma ng hahambalusinnang biglang magbago ang anyo ng sanggol. Nagmukha itong matanda, mahaba ang balbas at buhok, at mukhang di naliligo. Ibinagsak nio Andong ang matanda. Takbo ng takbo si Andong ngunit sa kawayanan lang pala siya tumatakbo. Madilim na noon at siya’y pagod na pagod na. Nadapa siay ngunit kahit hirap na ay pilit pa ring gumapang.
Ang ina naman nya ay umuwi na. Nagukat siya ng datnan niya si Andong na gumagapang sa matinding pagod. Gapang siya ng gapang dahil pinaglalaruan siya ng tiyanak.

“Iyan ang napapala ng batang salbahe at matigas ang ulo,” sabi ng marami.

Magmula noon ay naging bukambibig na ng tao ang “Baka matulad ka kay Andong, gapang nang gapang.” Buhat noon ang pook na kinapapaligiran ng kawayan na kinakitaan kay Andong na gumagapang ay tinawag na Gapan, ang isang bayan sa katimugang bahagi ng Nueva Ecija, na ngayon ay isa ng lungsod.

Ang Alamat ng Kainta (Rizal)
(The Legend of Kainta)

Noong unang panahon, sa isa sa mga bayan ng Rizal, na kilala nayon bilang Kainta, ay may naninirahang babae na kilalang-kilala ‘di lamang sa kanilnag lugar, kilala din siya sa mga kalapit bayan. Siya ay si Jacinta. Bukod sa kabilang siya sa isang mayamang pamilya, siya rin ay isang napakagandang dalaga. Nirerespeto at minamahal siya ng mga dahil sa kahanga-hangang katangian nito – mabait at mapag-kawanggawa.

Ang kanyang pagkakawang gawa ay nagmumula sa kaibuturan ng kanyang puso. Si Jscinta ay mabait sa mga pulubi at mahihirap. Walang pulubing dumaraan sa bahay niya na hindi niya binibigyan ng tulong. Iniimbitahan niya ang mga mahihirap na bata sa kanyang bahay upang maglaro ng kanyang mga laruan.

Nang siya ay lumaki na, tuwing Linggo ng umaga pagkatapos niyang magsimba, mahaba ang pila ng mga pulubi, dahil si Jacinta ay bukas palad at kawanggawang nagbibigay ng mga laruan, damit at salapi. Dahil ditto ay lalo siyang minamahal ng kanyang mga kababayan.

Hindi tulad ng ibang magagandang babae, si Jacinta ay hindi suwerte sa pag-ibig. Ang kanyang minamahal mula pagkabata ay nagkasakit at namatay, at ang resulta ay agn pagiging matandang dalaga niyo.

Nang mamatay ang mga magulang ni Jacinta, naiwan siyang mag-isa. Ginugol niya ang kanyang buhay sa pgtulong sa mga nangangailangan. Dahil sa pagmamahal sa kanya ng mga tao, ang lahat ay tinawag siyang KA INTA – ang pangalang nagging simbolo ng “kaligtasan ng nangangailangan.”

Dumating ang araw ng pasko, tulad ng mga nakaraang pasko maraming mga tao ang pumupunta sa bahay ni Ka Inta. Ngunit ‘di tulad ng dati, ay wala si Ka Inta sa bintana. Halos lahat sila ay tinatawag si Ka Inta, ngunit walang sumasagot. Maraming beses nilang tinawag ito ngunit wala pa ring sumasagot. At nang buksan ang pinto ay napatili ang mga kababaihan, nag-krus naman ang mga lalaki, ang mga bata naman ay nag-iiyakan. Ito ay sa kadahilanang si ka Inta ay nakahiga – siya ay pumanaw na.

“Ka Inta, Ka Inta,” iyak ng lahat. Sa gitna ng kanilang pagdadalamhati at pag-iyak, nakita ng mga tao ang mga nakahandang regalo na alam iyon ay para sa kanila.

Ang malumgkot na balita ay kumalat na parang apoy. Ang lahat ay nabahala sa nalaman nilang balita. Patay na si Ka Inta, ang taong ginugol ang kanyang buhay para pagsilbihan ang mga mahihirap at nangangailangan. Namatay siya, subalit ang alaala niya ay hindi mabubura sa isipan ng mga taong pinaglingkuran niya. At mula noon tinawag nila ang bayan na iyon na KAINTA.

Legends (Fruits and Vegetables)

Mga Alamat (Mga Prutas at Mga Gulay)

Alamat ng Pinya
(The Legend of Pineapple)

Noong araw, may isang batang lumaki sa layaw. Pinang ang kaniyang pangalan. Mahal na mahal siya ng kanyang biyudang inang si Aling Rosa. Kahit mahirap lang sila, pinilit ni Aling Rosa na ibigay ang lahat ng hiling ng anak kung kaya’t lumaki si Pinang na tamad at may katigasan ang ulo.

Isang araw, nagkasakit si Aling Rosa. Nang siya ay nakaramdam ng gutom ay pilit siyang bumangon. Subalit hindi nakayanan ng nanghihina niyang katawan kaya’t tinawag niya si Pinang na noo’y nakikipaglaro lang sa mga kapitbahay. Inutusan niya itong magluto ng lugaw. Ipinaliwanag ng ina kung paano magluto ng lugaw. Pagkatapos ay padabog na tumalilis patungong kusina si Pinang.

Sa kusina, padabog na hinanda ni Pinang ang kalan at kaldero. Nang hindi makita niya ang bigas, mabilis itong bumalik sa kuwarto ni Aling Rosa at padabog na tinanong kung saan naroroon ang bigas. “Nasa loob lang ng sako sa tabi ng kalan,” tugon ng hapong-hapong ina.

Kunot-noong bumalik si Pinang sa kusina at kumuha ng kalahating gatang ng bigas. Dali-dali niyang nilagay and bigas sa kaldero, tinubigan at isinalang sa kalan. Pagkatapos ay bumalik si Pinang sa pakikipaglaro sa mga kapitbahay.

Muling tinawag ni Aling Rosa ang anak ng marinig niyang kumukulo na ang lugaw. Mabigat sa loob na umuwi si Pinang. Hahaluin na sana nito ang lugaw nang hindi niya mahagilap ang sandok.

Ginising niya ang natutulog na ina at pasigaw na tinanong kung nasaan ang sandok. Nayamot si Aling Rosa sa anak at nagwikang “Bakit kasi parating bibig ang ginagamit mo sa paghahanap. Sana’y tubuan ka ng napakaraming mata para madali mong mahanap ang mga kagamitan.”

Tumugon si Aling Rosa at padabog ulit na bumalik si Pinang sa kusina. Hindi na nakarinig ng anumang reklamo mula kay Pinang si Aling Rosa hanggang sumapit ang gabi.

Kinaumagahan, gumaan ang pakiramdam ni Aling Rosa. Dagling hinanap niya si Pinang ngunit hindi niya ito nakita kahit sa mga kapitbahay. Habang nagwawalis ng bakuran, napansin niya ang isang kakaibang halamang may dilaw na bunga. Ang bunga ay hugis ulo at napapalibutan ng mga hugis mata. Naalala niya ang sinabi niya sa anak noong may sakit siya. Ito na nga kaya si Pinang? Siya na nga kaya ang kauna-unahang pinya?

Alamat ng Bayabas
(The legend of Guava)
Noong unang panahon, may isang sultan na lubos na kinatatakutan ng lahat. Sobra sa lupit ang nabanggit na pinuno na tinatawag sa pangalang Sultan Barabas. Marami na siyang pinapatay. Hindi na rin mabilang ang pinakulong niya sa piitan. Laging nangangamba ang mga tao na sa maliit na pagkukulang ay napakalaking parusa ang ipataw sa kanila. Matanda man o bata ay takot na takot kapag nababanggit ang pangalang Sultan Barabas. Para sa nakararami ang Barabas ay kasingkahulugan ng kawalan ng katarungan.
Hindi lamang malupit si Sultan Barabas. May kayabangan din siya. Gusto niyang yumuyuko ang mga tao kapag ipinatatawag niya. Nais niyang isipin ng lahat na lagi siyang nakatataas sa kanila. Ito ang dahilan kung bakit laging nakasubsob sa ulo niya ang makinang na korona. Ang nabanggit na korona ay laging suot niya saan man siya magpunta. Kahit sa pagtulog ay mahigpit na yakap-yakap pa rin niya ang koronang lalong nagpapayabang sa katauhan niya. Nangunguna rin sa kasakiman si Sultan Barabas. Ang malawak na hardin niya na pinamumungahan ng iba’t-ibang prutas ay hindi niya pinapapasukan kaninuman. Gugustuhin pa niyang mangabulok ang mga makopa, mangga, at chesa na bunga ng mga puno kaysa sa ipamigay sa sinumang maralitang kumakalam ang tiyan.
Ang kawalan ng katarungan ni Sultan Barabas ay minsan na namang napatunayan. Ayaw na ayaw ng Sultan na gabi na ay nasa lansangan pa ang sinuman sa kanyang mga nasasakupan. Isang mangingisda noon ang minalas na hinatinggabi sa panghuhuli ng isda. Sapagkat walang awa sa kapw pinadakip ni Sultan Barabas ang mangingisda, at pagkatapos ay patiwarik na ilublob ito sa tubig, at ipinakulong pa ni Barabas ang pobre.
Nakarating sa asawa ng mangingisda na isang magdadaing ang balitang pagpaparusa at pagpapakulong. Dali-dali itong nagpunta. Kahit alam niyang natutulog pa ang Sultan at pinuntahan niya at kinatok ang tirahan ng pinuno.
Galit na galit na nagising ang Sultan. Itinanong ng mayabang na pinuno kung sino siya. Sinabi ng kumakatok na magdadaing na asawa siya ng mangingisda at naroon sya upang makiusap na pakawalan ang ikinulong. Nagkibitbalikat lang ang gahaman. Nang malaman ng Sultang ekspertong magdadaing ang nagmamakaawa ay nakaisip ng paraan ang tuso. Lalo itong naggalit-galitan. Ipinatawag niya ang mga kawal at ipinakagat sa mga langgam ang kaawa-awang magdadaing bago ito ipinakulong sa piitan. Kahit nakakulong ay natutuwa ang mag-asawa sapagkat sila ay muling nagkita. Upang maging mga produktibong alipin ng Sultan, ang bawat isdang mahuhuli ng mangingisda ay pinalalagyan agad ng suka kaagad sa magdadaing.
Bagamat maligaya ang mag-asawa na kahit mga alipin ay magkasama, sumasagi rin sa kanila ang kalungkutan kapag naaalala nila ang tanging anak na naiwan sa kanilang tahanan. Hindi alam ng mag-asawa na habang wala sila sa tirahan may mga ada namang nagbabantay sa kaisa-isa nilang mahal sa buhay na kahit totoy na totoy pa lang sa kamusmusan ay marunong na ring manindigan.
“Saan po ba naroon ang tatay at nanay ko?”
“Nasa kaharian sila ni Sultan Barabas. Pinarusahan sila at ipinakulong sa mga kasalanang hindi nila dapat pagdusahan.”
“Tulungan po ninyo ako. Gusto ko po silang makawala sa kulungan.”
Nang nakita ng mga ada na lumuluha ang kaisa-isang anak ng mangingisda at magdadaing ay naawa sila. Nang gabi ring iyon ay inilawan nila ang daan ng inosenteng bata papunta sa kaharian. Ang mahimbing na pagtulog ng Sultan ay lubhang nagambala ng malakas na katok ng bata sa pintuan ng kaharian.
“Sino ka at sa ganitong oras ng gabi ay kumakatok ka sa palasyo ko?”
“Gutum na gutom na ako. Hihingi ako ng pagkain sa mesang kainan mo.”
“At bakit ka sa akin hihingi ng pagkain mo?” nag-aalborotong tanong ng Sultan.
“Pinasisid mo sa dagat ang ama kong mangingisda. Ang ina ko naman ay pinagdadaing mo. Sila ang dahilan kaya marangyang-marangya ang iyong mesang kainan.”
“Hindi ikaw ang nagpagod upang mangisda at magdaing. Mga magulang ko ang iyong inalipin. Sa anumang kanilang itinanim, sila ang may dapat anihin!”
“Aba napakaliit mong bata ka, akala mo kung sino ka. Hindi mo ba alam na Sultan akong dapat igalang?” nangangalog ang babang sigaw ng gahaman.
Napansin ng bata ang makinang na koronang naiwan ng Sultan sa higaan. Tinakbo niya ito at isinuot at nang-iinsultong nagwika “ang korona ay ipinapatong lang sa ulo ng lider na mabuti sa tao. Masama ka ipinakulong mo ang ama at ina ko. Ngayon ako naman ang habulin mo at ipakulong mo,” nang-iinis na nagtatakbo sa loob ng palasyo ang bata.
Sa sobrang galit ng Sultan ay hinabol niya nang hinabol ang musmos. Hindi maabut-abutan ng sukab ang inosenteng bata sapagkat inililipad ito ng mga ada. Nakarating ang habulan sa malawak na harding kinatatamnan ng maraming punungkahoy. Sa sobrang pagod ay sumakit ang dibdib ng Sultan at ikinatumba nito. Noon din ay namatay ang Sultang walang pagpapahalaga sa tunay na kahulugan ng katarungan.
Sa lugar na kinatumbahan inilibing ang Sultan. Ang kamatayan ng ganid na dapat sana ay ipinagluksa ay ikinatuwa pa ng marami.
Ang humaliling Sultan ay kakaiba sa namatay. Tinitimbang niyang mabuti ang bawat paratang sa sinumang nagkakasala. Hindi rin siya padalus-dalos sa pagpapataw ng parusa. Sinisikap niyang magbigay ng isang makatarungang pagpapasiya sa kaso ng sinumang nasasakupan niya mahirap man o mayaman. Para sa kanya ang lahat ay pantay-pantay sa napipiringang katarungan.
Sapagkat totoong makatarungan, pinalaya at tinulungan ng bagong Sultang makapamuhay nang matiwasay ang mangingisda at magdadaing. Binigyan niya ng karapatan ang inosenteng bata na malayang makapupunta sa hardin upang makapamitas ng prutas na kanyang piliin. Ipinagdiwang ng lahat ang panunungkulan ng makatarungan Sultan.
Isang araw na naglilibot sa hardin ng palasyo ang bagong Sultan ay nakatawag ng pansin niya ang isang halamang tumubo sa pinaglibingan kay Barabas. Pinadiligan niya ito sa mga hardinero at ipinaalagaan araw-araw.
Ilang taon din ang nakaraan at naging malaking puno ang halaman. Nagtataka ang Sultan nang mamunga ang puno sapagkat mukha itong ulo ng tao na may korona sa tuktok.
“Si Barabas yan!” sigaw ng mga tao. Nang tikman nila ang bunga ay nagulat sila.
“Pagkapait-pait! Kasimpait ng ugali ni Barabas!”
Ilang araw lang ang lumipas ay lumaki na ag mga bunga ng berdeng prutas, Nang kagatin ng mga bata ay napangiwi sila.
“Pagkaasim-asim! Kasing asim ng mukha ni Barabas!”
Hindi nagtagal, ang mga berdeng bunga ay dumilaw at naging hinog na. Napangiti ang lahat nang pitasin ang mga bunga at kagatin.
“Pagkatamis-tamis! Pagkasarap-sarap ng Barabas!”
Magmula noon, tinawag na Barabas ang berdeng prutas na may nakapatong na korona. Minsang nanungkit ng berdeng prutas ang ilang paslit na bata at tanungin ng mga nakatatanda kung ano ang tawag sa nabanggit na bunga ay sabay-sabay silang nagsisagot na, “Barabas, Barabas, Bayabas!”

Alamat Ng Lansones
(The Legend of Lanzones)
Sinasabing ang puno ng lansones ay karaniwang makikita sa Luzon. Gayunman, walang gaanong pumapansin dito. Isang araw, isang magnanakaw ng kalabaw ang hinahabol ng mga tao. Napagawi ito sa lansonesan at doon nagtago. Sapagkat gutom na gutom na rin ang magnanakaw sa katatakbo, pumitas siya ng lansones at kumain. Nalason siya. Dinatnan siya ng mga taong patay at may bakas pa ng bula sa bibig. Mula noon, pinagkatakutan ang lansones. Walang nangahas kumain nito.
Minsan, isang babaing nakaputi ang dumating. Palakad-lakad ito sa may lansonesan. Pakanta-kanta ang babae kaya marami ang nakatingin sa kanya pero nangangamba namang makipag-usap. Nakita ng lahat na kumuha ng bunga ng lansones ang babae at nagsimulang kumain. Inasahan ng mga nanonood na mamamatay siya pero walang nangyari sa kanya. Kinambatan niya ang mga tao para lumapit. “Alam kong nagugutom kayo, inalisan ko na ito ng lason. Maaari na ninyong kainin.” Takot pa rin ang mga tao. Pero inabutan sila ng babae ng lansones. “Makikita ninyong may bakas ng kurot ang prutas. Iyan ang tanda na inalisan ko na ito ng lason. Kumain na kayo.” At nawala ang babae.
Sinapantaha ng lahat na isang ada ang babae. Tinikman nilang lahat ang prutas. At naroon nga ang bakas ng kurot, wari’y lalong nagpalinamnam sa lansones.

Alamat Ng Saging
(The Legend of Banana)
Noong unang panahon, isang magandang babae ang nakakilala ng isang kakaibang lalaki. Ito ay isang engkanto. Masarap mangusap ang lalaki at maraming kuwento. Nabihag ang babae sa engkanto. Ipinagtapat naman ng engkanto na buhat siya sa lupain ng mga pangarap, at hindi sila maaaring magkasama. Gayunman, umibig ang babae sa lalaki.
Isang araw, nagpaalam ang binata. Sinabi niyang iyon na ang huling pagkikita nila. Nang magpaalam ang engkanto, hindi nakatiis ang babae. Ayaw niyang paalisin ang lalaki. Maghigpit niyang hinawakan ang kamay ng lalaki para huwag itong makaalis. Pero nawala ang lalaki, at sa matinding pagkabigla ng babae, naiwan sa kanya ang kamay nito. Nahintakutan ang babae. Dali-dali niyang ang kamay sa isang bahagi ng bakuran.
Kinaumagahan, dinalaw niya ang pook na pinagbaunan ng kamay. Napansin niyang isang halaman ang tumutubo. Makaraan ang ilang buwan, tumaas ang puno na may malalapad na dahon. Nagkabunga rin ito na may bulaklak na itsurang daliri ng mga kamay. Ito ang tinatawag na saging ngayon.

Alamat Ng Mangga
(The Legend of Mango)
Kaisa-isang anak nina Aling Maria at Mang Juan si Ben. Mabait at matulungin si Ben. Nagmana siya sa kanyang mga magulang na mababait din naman. Isang araw, isang matandang pulubi ang kinaawaan ni Ben. Inuwi niya ang pulubi sa bahay, ipinagluto at pinakain. Isang araw naman, samantalang nangangahoy, isang matandang gutom na gutom ang nasalubong niya. Pinakain din niya ito at binigyan ng damit.
Makaraan ang ilang panahon, nagkasakit si Ben. Sa kabila ng pagsisikap ng mag-asawa na pagalingin ang anak, lumubha ito at namatay pagkatapos. Ganoon na lamang ang iyak ng mag-asawa. Kinabukasan, habang nakaburol ang kanilang anak, dumating ang isang diwata. Hiningi nito ang puso ni Ben, Ibinaon ng diwata ang puso sa isang bundok. Ito ay naging punongkahoy na may bungang hugis-puso. Marami ang nakikinabang ngayon sa bungang ito.

Alamat ng Kasoy
(The legend of Cashew)
Noong unang panahon ay nasa loob ng kasoy ang abuhing buto nito. Lungkot na lungkot ang buto sapagkat madilim na madilim na sa loob ng kasoy. Lalo itong nalungkot nang malamang magdaraos ng isang handaan ang Ada ng kagubatan. Sa gabi ng handaan ay ipinatawag ng Ada ang lahat ng mga hayop at halaman.
Ang buong kagubatan ay nagliliwanag sa tama ng mga ilaw ng parol ng mga Alitaptap. Ang huni ng mga Kuliglig at kokak ng mga Palaka ay sumasaliw sa awit ng mga Maya. Masayang kasayaw ng mga Kuneho ang mga Usa, ng mga Elepante ang mga Tamaraw, ng Zibra ang Tsonggo. Kapareha naman ni Kangkong ang Sitaw, ni Mangga ang Dalanghita, ni Saging ang Papaya.
Lahat ay nagsasayaw. Lahat ay kumakanta. Masayang-masaya sa kagubatan. Bukod tanging ang buto ng kasoy ang lungkot na lungkot.
“Mabuti pa sila, nakikita ang masayang paligid. Heto ako nakakarinig ng awit at tawanan pero hindi naman nakikita ang katuwaan.”
Naulinigan ng makapangyarihang Ada ang himutok ng Buto.
“Gusto kong maging maligaya ka. May kahilingan ka ba?”
“Ayoko pong nakakulong sa madilim na lugar na kinalalagyan ko. Naiinggit ako sa ibang hayop at halaman na tuwang-tuwa kapag may handaan sa kagubatan. Nakakasama sila sa pagsasaya. Hindi lang nila naririnig kundi nakikita pa ang katuwaan ng lahat. Maawa kayo, mahal na Ada. Gawan ninyo ng paraang makalabas po sana ako sa pagkakakulong ko sa loob ng prutas na ito.”
Naantig ang maawaing damdamin ng mahal na Ada. Iwinasiwas nito ang nagniningning na pananglaw. Sa isang iglap ay nakalabas sa madilim na kulungan ang mga Buto. Masayang-masayang napanood ng Buto ng Kasoy ang sayawan, kantahan at pagkakatuwaan ng mga hayop at halaman.
Ang malakas na pagkokak ng mga Palaka at paghuni ng mga Kuliglig ay sumaliw sa awit ng mga Maya. Sa tuwa ng Elepante ay kumembot-kembot ito sa pag-indak. Napapasabay din sa pag-imbay ang mahagway na Kawayan kasama ang Pagong na nagbababa at nagtataas ng bahay-bahayan.
Hatinggabi na nang iwinasiwas na muli ng butihing Ada ang kanyang makinang na pananglaw. Hudyat iyon ng pamamahinga. Pinatay na ng mga Alitaptap ang parol nila.
Nalungkot ang buto nang dumilim na ang paligid. nahahalinhan ng takot at lungkot nang kumulog at kumidlat. Napansin ng Buto na nagsipagtago ang mga hayop sa mga kuweba. Mahigpit namang ikinabit ng mga halaman ang mga ugat sa ilalim ng lupa.
Tulad ng dapat asahan, bumuhos na ang malakas na ulan. Takot at kinakaliglig sa takot ang Buto.
“Ga…Ganito pala sa labas. Ma…Mamamatay ka sa sobrang ginaw. Mabibingi ka sa ingay ng kulog. Malamang na tamaan ka pa ng kidlat. A…Ayoko na sa labas.”
Hindi pinakinggan ni Ada ang abuhing Buto ng Kasoy. Bilang panghabambuhay na parusa ay pinamalagi ng Adang manatili sa labas ng Kasoy ang abuhing Buto nito.
Iyan ang alamat ng kasoy at ng di nito makuntentong Buto.

Bakit Nasa Labas Ang Buto Ng Kasoy?
(Why is the seed of cashew on the outside?)
Noong unang panahon, katulad ng ibang prutas, nasa loob din raw ng bunga ang buto ng kasoy. Subalit ayon sa sabi-sabi mainipin daw ang buto nito.

“Ang lungkot naman dito, nakakainip. Gusto kong lumabas. Gusto kong makita ang kagandahan ng kapaligiran,” wika ng buto ng kasoy.

Narinig ito ng Diwata ng Kagubatan. “Nais mo ba talagang makita ang kariktan ng kapaligiran? Gusto mo bang lumabas sa iyong bunga?”, ana ng Diwata.

“Opo, Inang Diwata, gusto ko po sana, kung iyong mamarapatin,” pahayag ng mainiping buto.

“Maganda nga sa labas ngunit ito’y mapanganib. Kaya mo bang harapin ang init at lamig sa labas? Mababasa ka pag bumuhos ang ulan. Mahihirapan kang makakita pag sapit ng gabi. Mas komportable at tahimik sa loob ng iyong bunga,” paliwanag ng Inang Diwata.

“Opo. Kakayanin ko po, basta’t makita ko lamang ang nasa labas,” panindigan ng makulit na buto.

“O siya. Maari kong pagbigyan ang iyong hiling, subalit hindi ko na maari pang bawiin ang aking mahika. Hindi ka na maari pang bumalik sa loob,” kundisyon ng Diwata.

“Sige po. Hindi ko po hihilinging makabalik pa ulit sa loob ng bunga ko,” pangako ng buto.

Kumumpas ang Inang Diwata. Namulat ang buto ng kasoy sa kagandahan ng kapaligiran. Galak na galak ang buto sa kanyang nakita. “Hindi ko akalaing ganito pala kaganda ang mundo. Salamat Inang Diwata, pinasaya mo ako ng lubos,” tuwang sambit ng buto.

“Walang anuman, mahal na buto. Tandaan mo lang ang iyong pangako,” sambit ng Diwata at naglaho.

Magdamag na nagmasid ang buto habang nakatungko sa ulunan ng kanyang bunga. Nang unti-unting dumilim ang paligid, nakaramdam ng pangamba ang munting buto. Nangutim ang mga ulap, nagbabadya ng mabigat na pag-ulan. Nagpalitan ng galit? ang kulog at kidlat.

“Inaykupo. Bakit nagging ganito? Nakaktakot pala ditto. Gusto ko nang bumalik sa loob. Brrrr. Nanlalamig na ako,” nanginginig na saklolo ng buto. Naisip niyang tawagin ang Inang Diwata upang humingi ng saklolo. Subalit naalala niya ang pangako niya sa Diwata na hindi na siya maari pang humiling na makabalik sa loob.

“Tama nga ang Inang Diwata. Sana’y hindi na ako nagmatigas na masunod ang gusto ko,” malungkot na wika ng nanlulumong buto.

Ang Alamat Ng Singkamas
(Legend of the Turnip)

Nangyari ito noong unang panahon bago pa lamang sinakop ng mga Kastila and ating bayan. Dahil sa bagong salta pa lamang ang mga dayuhan, at hindi nila kabisado ang sulok-sulok ng mga bayan, inutusan ng gobernadorsilyo ang kanyang limang sundalo na mamasyal at magmasid sa baryo at pag-aralan ang maraming bagay na matatagpuan sa ating bayan.
Sa kanilang paglalakad nakakita sila sa gitna ng maluwang at patag na bukirin ng mga magsasaka na may binubunot na kung anong halaman. Nilapitan nila ang magsasaka at nakita ang halaman na mapuputi at medyo bilog na mga laman.. Humingi ang mga sundalo sa magsasaka ng tubig ngunit hindi sila maintindihan ng mga ito. Lumapit ang mga kawal at sinabing “Uhaw na uhaw na kami at nagugutom puwede nyo ba kaming bigyan niyan.” Sabay turo sa halamang hawak ng magsasaka, ngunit hindi pa rin nila maunawaan ang salita nito.

“Alam ko na!” ang sabi ng isang magsasaka. “Nanghihingi sila ng ating ani.” At saka inabot sa kawal ang isang malaking laman. Tinalupan niya ito at ibinigay sa kawal na Kastila. Pagka-ubos ng isa ay nasarapan ang kawal sabay sabi ng “Cinco mas!” na ang ibig sabihin ay “lima pa”. “Singkamas pala ang tawag dito.”
Binigyang muli ng mga magsasaka ang kawal. “Si cinco mas” tugon muli ng nakangiting kawal at nagpasalamat ang mga sundalo.

Pagkaalis ng limang sundalo ay tinikman ng mga magsasaka ang dati’y hindi nila kinakain na halaman. “Malamig pala at makatas!” ang halo magkapanabay na wika nila. “Mainam na pamatid uhaw! And sabad naman ng isa. Kumain sila ng marami hanggang sa mawala ang uhaw nila. Pag-uwi ay pinagbigay alam nila sa kanilang kababaryo ang lahat ng pangyayari. Mula noon ang laman ng makatas, maputi at manamis namis na halaman at tinawag na nilang SINGKAMAS, hango sa mga salitang “CINCO MAS”.

Alamat ng Upo
(The Legend of Gourd)
Noong unang panahon ay may kakaibang uri ng upo na tumubo sa hardin ni Tandang Teban. Nang makita ng matanda ang lumalaking halaman, maingat niyang ikinapit ng paikot ito sa maliit na kawayan para sa gumapang ito sa balag.
Hindi nagustuhan ng halaman ang plano ng matandang lalaki. Gusto niyang lumaki ng malaya katulad ng ibang halaman. Kinausap ng halaman ang hangin.
“Kaibigang hangin, tingnan mo ako,” ang sabi ng halaman. “Ako ay parang alipin ni Mang Teban. Kailangan ko ang tulong mo. Gusto kong lumaki ng malaya tulad ng mga damo, at ibang halaman sa paligid ko. Tingnan mo ang saging, ang rosas, ang sampagita at nag ibang halaman dito. Malaya sila. Kaya aking kaibigan, nakikiusap ako na umihip ka nang malakas para matanggal ang pagkakatali ko dito.”
“Hindi basta-basta ang kahilingan mo.” Sagot ng hangin, “pero kung iyon ang gusto mo, gagawin ko ang iyong kahilingan,” At umihip ng malakas ang hangin. Umihip pa ng malakas , at nasunod nga ang gusto ng upo, na maging malaya ito.
“Salamat,” sabi ng nagagalak na upo. At gumapang ang baging nito sa lupa ng malaya.
Samantala, may isang aso ang naghahanap ng buto ang dumating. Naapakan ng aso ang maliit na baging ng upo, at nakita na ang buto. Nang kunin na ng aso ang buto papalayo, natangay din ng aso ang isang bahadi ng baging malayo sa puno nito. Ang kawawang halaman hindi lang naging maiiksi, nasira pa ang ibang bahagi nito.
Kinabukasan ng bisitahin ni Mang Teban ang upo, nakita niya ito sa kaawa-awang kalagayan. Muli ay ikinapit niya ito sa maliit na poste ng kawayan. Naginhawahan ang upo sa ginawa ni Mang Teban.
Makalipas ang ilang araw, inayos ni Mang Teban ang balag na gagapangan ng mga baging ng upo. Namulaklak ang upo. Ang mga dahon ay nagbigay ng lilim habang ang mga bulaklak at bunga nito’y nagdudulot ng kaligayahan sa mga nakakakita dito.
Minsan ay umihip ng malakas ang hangin at nilalaro ang mga dahon ng upo. Hiniling ng halaman sa hangin na huwag umihip ng malakas para ‘wag siyang malaglag sa lupa.
“Noong ikaw ay munti pa lamang, hiniling mo sa akin na ihiwalay kita sa poste ng kawayan para makagapang ng malaya sa lupa,” sagot ng hangin. “Ngayon nama’y hinihiling mo na ‘wag kitang pinsalain. Nakakataw ka talaga!”
“Mayroon akong ‘di makakalimutang karanasan,” sabi ng upo. “Alam ko na ang lahat ng nilalang dito sa mundo ay may kanya-kanyang paraan ng pamumuhay. Sa karanasan ay marami kang matutuhan.”

Legends (Flowers and Plants)

Mga Alamat (Mga Bulaklak at Mga Halaman)

Alamat ng Makahiya
(The Legend of Makahiya)
Noong unang panahon ay may mayamang mag-asawa, sina Mang Dondong at Aling Iska. Mayroon silang labindalawang taong gulang na anak na babae na nagngangalang Maria. Mahal na mahal nila ang kanilang anak.
Si Maria ay responsible at masuring anak. Masipag at mabait, dahil dito ay gusto siya ng lahat.
Ngunit ang pagkamahiyain ay isa sa natatanging katangian ni Maria. Dahil sa mahiyain ay ilang sya sa pakikipag-usap sa mga tao. Para maiwasan niya ang makita o makisalamuhan sa mga tao, ay palagi niyang kinukulong ang sarili niya sa kanyang silid.
Mayroong hardin ng mga bulaklak si Maria. Ang mga bulaklak ay magaganda at alam ito ng buong bayan. Matiyaga at magiliw niyang inaalagaan ang kanyang mga halaman. Sapagkat dito siya nakakakita ng kaligayahan.
Isang araw, ay kumalat ang balita na isang grupo ng mga bandido ang sumalakay sa kalapit bayan. Pinapatay ng mga bandido ang mga tao at tinatangay ang salapi ng mga residente.
Kinabukan, ang mga bandido ay dumating kung saan naninirahan si Mang Dondong at Aling Iska at ang anak na si Maria. Nakita ni Mang Dondong na parating ang mga bandido, nagdesisyon siya na itago si Maria sa hardin para sa kaliktasan nito.
Nagtago si Aling Iska sa kanilang bahay, nanginginig sa takot habang naririnig niyang pilit binubuksan ng mga bandido ang kanilang tarangkahan. Siya ay nagsambit ng panalangin para sa paghahanda kung ano man ang maaaring mangyari.
“Aking Panginoon!” panalangin ni Aling Iska. “Iligtas nyo po ang aking anak.”
Biglang nabuksan ang pinto. Pumasok ang mga bandido sa bahay at pinalo sa ulo si Mang Dondong. Nawalan ng malay si Mang Dondong at bumagsak sa lapag. Sinubukan na tumakas ni Aling Iska pero pinalo rin siya sa ulo.
Ginalugad ng mga bandido ang buong bahay. Matapos kuning lahat ang salapi at alahas, hinanap nila si Maria. Pero di nila nakita ito. Umalis na ang mga bandido para nakawan ang ibang pang bayan.
Nang matauhan na ang mag-asawa ay nakaalis na ang mga bandido. Nagmadali silang pumunta sa hardin para hanapin si Maria. Pero wala doon si Maria. Muli, ay hinanap nila ang kanilang anak sa lahat ng sulok ng hardin pero wala doon ang kawawang si Maria.
“Ang anak ko! Tinangay nila ang anak ko!” iyak ni Aling Iska
Biglang-bigla ay naramdaman ni Mang Dondong na may tumusok sa kanyang mga paa. Nagulat siya dahil may nakita siyang isang maliit na halaman na mabilis na tumitiklop ang mga dahon nito. Ito ang unang beses na makakita ng ganitong uri ng halaman. Siya ay lumuhod at tinitigang mabuti ang halaman, ganon din ang ginawa ni Aling Iska. Pagkatapos ng matagal na panahon na tinitigan ang halaman, ang mag-asawa ay naniwalang ang halaman iyong ay si Maria. Ginawang halaman ng Panginoon si Maria para mailigtas sa mga bandido.
Hindi mapigilan di mapaiyak si Aling Iska at Mang Dondong, ang bawat luha na pumapatak sa halaman ay nagiging isang maliit, bilog na kulay rosas na bulaklak.
Magmula noon ay inalagaan nila ng mabuti ang halaman. Naniniwala sila at alam nila na ang halaman ay ang anak nilang si Maria. Katulad ng kanilang anak, ang halaman ay mahiyain din. Dahil dito ay tinawag nila itong “makahiya”, dahil nagtataglay ito ng katangian ni Maria – pagkamahiyain – at tinawag na nga itong “makahiya”.

Ang Alamat ng Ilang-Ilang
(The Legend of Ilang-Ilang)
Sa isang nayon, may mag-asawang matagal na ring di magkaanak s kabila ng kasaganaan nila sa buhay. Abot ang dasal nila kay Bathala na sana’y pagkalooban nga sila ng anak.
Isang gabi, habang nananalangin ang babae, nagpakita ang isang anghel sa kanya at nagwika, “Huwag kang matakot. Isinugo ako ni Bathala upang maghatid ng magandang balita. Kayo ay bibigyan na ng anak na babae na napakaganda. Tawagin ninyo siyang Ilang, subalit iwasan ninyo na mahawakan siya ng lalaki. Kapag nangyari iyon, mawawala sa inyo ang inyong anak,” pahabol ng anghel.
Nang nadalaga na si Ilang, maraming lalaki ang naakit sa kaniya.
Labis na nangamba ang mga magulang niya na baka mahawakn ng mga lalaki kaya’t kinulong nila sa isang silid ang anak.
Matinding kalungkutan ang nadama ni Ilang. Lagi siyang umiiyak araw at gabi. Gabi-gabi ay nananalangin siya.
Dininig ni Bathala ang panalangin ni Ilang. Isang araw, biglang nabuksan ang bintana sa silid ni Ilang at siya’y tuwang-tuwang nakalabas. Nagmasid sa magandang hardin at lumanghap ng sariwang hangin. Walang anu-ano, biglang may nakakita sa kaniya. Tinawag siya ng isang lalake at hinawakan ang kaniyang palad.
Huli na nang dumating ang kaniyang ina. Si Ilang ay unti-unting naglaho. Walang nagawa ang ina kundi umiyak na lang at sinabing, “Ilang… Ilang… nasaan ka na anak?” Isang napakabangong halimuyak ng isang bulaklak ang naamoy ng ina. Nanggaling ito sa lugar ng kinalubugan ni Ilang. May isang halamang unti-unting umusbong sa lupa. Ang halamang ito ay pinangalanang Ilang, bilang pag-alaala sa kanilang anak na si Ilang.
Sa paglipas ng panahon, ang Ilang ay naging Ilang-Ilang.

Ang Alamat ng Waling-Waling
(The Legend of Waling-Waling)
Ang alamat na ito ay nangyari sa panahong hindi na lubusang matatandaan. Ito ay tungkol sa pinagmulan ng mahalimuyak at marikit na Waling-Waling. Ang mga pinakamagandang bulaklak ng Waling-Waling ay matatagpuan sa Davao. Sa tabi ng ilog Daba-daba, na ang tubig ay umaagos mula sa Bundok ng Apo, nakatahanan ang balangay ng Dayaw. Pinamumunuan ito ni Raha Musukul. Si Rani Waling ang magandang asawa ng Raha. Siya ang nagdadala ng kaligayahan at kariktan sa Dayaw. Magdadapithapon na nang may isang tauhan ng balangay ang nagmamadaling tumungo sa tahanan ng Raha. Isang masamang balita ang inihatid nito. Ang nakababatang kapatid ni Raha Musukul na si Datu Ambungan ay napatay sa Bundok ng Apo. Sinasabing habang nangangaso ang Datu kasama ang kanyang tauhan, isang kasapi mula sa tribo ni Raha Makalisang ang pumatay sa kanya. Sa pagkarinig nito ni Raha Musukul ay sumiklab ang kanyang poot kay Raha Makalisang. Ang tribong ito ay matatagpuan sa kabilang dako ng Bundok ng Apo. Agad-agad na pinatawag niya ang kanyang tagapagpayo na si Datu Kinadmanon at ipinahanda ang isandaang mga sundalo. Sa kanyang paghihiganti ay lulusubin niya ang tribo ni Raha Makalisang. Subalit sa pagpapasyang ito ay hindi sumang-ayon si Datu Kinadmanon. “Hindi mo maaaring pilitin na lumusob sa balangay ni Makalisang. Hindi tayo handa at mapanganib ito para sa iyong buhay.” ang nag-aalalang sabi ng Datu. “Ako man ay hindi nag-aalala sa sarili kong buhay. Pinatay nila ang pinakamamahal kong kapatid at dapat babayaran ni Makalisang ang buhay niya ng sariling dugo.” ang pagtitimping pananalita ni Raha Musukul. “Ngunit paano ang iyong Rani? Papabayaan mo na lang bang iwan siya na walang katapatang ika’y magbabalik?” Dumating si Rani Waling at nagtangkang pigilan ang paglisan ng asawa. “Mahal kong Raha, hindi ako makakapayag na ilagay mo ang sariling buhay sa guhit ng kamatayan.” ang pag-iyak ng magandang Rani. Kailangan kong ipaglaban ang buhay ng yumaong si Ambungan. Mahal, sana’y maintindihan mo ang pasya ko.” ang sagot naman ng Raha. “Si Raha Makalisang ay kilala sa pagpapatay ng sinumang dayuhang lalampas sa kanyang teritoryo nang walang permiso.” Wala siyang binubuhay na nagkakasala.” pagmamakaawa ni Rani Waling. “Alam ko iyan. Datapuwat iya’y hindi makakapigil sa aking pagsasalakay. Maghintay ka lamang, magbabalik ako at ito ay isang pangako.” ang matamlay na pamamaalam ng magiting na Raha. Nang gabing iyon ay lumisan si Raha Musukul kasama ang isandaang tauhan patungo sa kabilang dako ng Bundok ng Apo. Maraming araw silang naglakbay sa kabundukan upang makaabot sa tribo ng Raha Makalisang. Maraming linggo ang dumaan at lubos na nag-aalala na si Rani Waling tungkol sa Raha. “Sa pagkakataong ito ay dapat nakabalik na sila mula sa labanan.” ang nababalisang sabi ng Rani kay Datu Kinadmanon. “Mahal na Rani, ika’y huwag mawalan ng pag-asa. Darating ang Raha, maghintay ka lamang.” ang pananalig na pagsabi ni Datu Kinadmanon. “Kailangang hahanapin ko na siya ngayon. Ako’y nag-aalala sa kanyang kaligtasan.” “Bilang paggalang mahal na Rani, hindi ako makakapagpahintulot na ika’y aalis at maghahanap sa Raha. Mahigpit na bilin sa akin ng Raha Musukul n ika’y pananatilihin dito sa balangay.” “Sinikap ni Rani Waling na umasa at maghintay sa Raha ngunit paglipas ng dalawang buwan ay muling umalab ang pag-aalala nito. Nag-iiwan ng tanong sa mga isipan ng mga taga-Dayaw ang paglulusob ni Raha Musukul. Ito ay dahil sa mahabang panahon na dumaan ay walang nakabalik mula sa labanan. Isang gabi, nang tulog na ang Datu Kinadmanon ay pinatawag ni Rani Waling ang alalay na si Kugihana. Napagpasyahan ni Rani na tumakas at hanapin ang Raha. Tumungo sina Rani Waling at Kugihana sa Bundok ng Apo upang maghanap sa Raha. Maraming araw silang naglakbay at naghanap ngunit wala silang natagpuang pahiwatig na nabubuhay pa ang Raha. Buo pa rin ang loob ng Rani na buhay pa ang matapang na Raha at magbabalik ito, dahil ito ay isang pangako. Sa kapayapaan ng kagubatan ay lalong nagdurusa si Rani Waling sa nadadamang pagdadalamhati. Umakyat siya sa isang matayog at malapad na punongkahoy. Buong araw siya doon namalagi sa isa sa mga naka-usbong na mga bisig ng puno upang mas mainam niyang matanaw ang maluwang na paligid sa pagdarating ng iniirog na kabiyak. Sumapit ang isang hapon at naubusan na sila ng pagkain. “Kugihana, hanapan mo tayo ng makakain. Magpapatuloy tayo sa ating paglalakbay ngunit nangangailangan tayo ng pagkain at pahinga. Pumitas ka ng mga prutas mula sa mga punongkahoy sa may tabing ilog ng Daba-daba.” ang utos ng Rani. “Ngunit, mahal na Rani, napakalayo noon at hindi kita maaaring iwan ng matagal. Mapanganib dito sa bundok ng Apo.” ang nababalisang sagot ni Kugihana. “Basta’t sundin mo ako at lumisan ka na upang makababalik ka bago magbubukang liwayway.” ani Rani Waling. At nagsimula nang maglakad nang palayo si Kugihana habang maigi itong nagtataka sa mga salita ng Rani. Subalit sa layong inilakbay ni Kugihana ay napagod siya matapos magtumpok ng mga makakain. Dahil sa labis na pagkapagod, siya ay napaidlip sa lilim ng isang malaking punongkahoy. Samantala, nang makaalis na si Kugihana, nagdasal si Rani Waling na parang hindi siya nagdadasal noon. Ito na ang nagmimistulang pinakamakapangyarihang dasal na naisabi niya sa Bathala. “Mahal na Bathala, ibalik niyo po sa akin ang sinisinta kong si Raha Musukul. Kailangang matupad niya ang pangakong pagbabalik sa aking buhay. Ang kaluluwa ko’y hindi mamamayapa hangga’t hindi ko siya makikita. Ako’y maghihintay sa buong buhay, masubaybayan lang ang kanyang pagdating.” Ang nagdadalamhating daing ng Rani ang siyang nangingibabaw sa kagubatan ng Bundok ng Apo. Sa paghahagulhol ni Rani Waling ay dahan-dahang nagtumpuk-tumpok ang mga nangingitim na mga ulap sa naninilim na himpapawid. Nagsimulang umulan, kumulog at kumidlat, na tila sumasagot ang Bathala sa pighating paghihikbi ng Rani. Buong gabing umiiyak si Rani waling, kasabay ang matinding unos na iniluluha ng kalangitan. Kinabukasa’y napakaliwanag ng araw ngunit hindi namalayan ni Kugihana na umaga na pala. Nang masilayan siya ng sinag ng araw ay nagising siya at sa kanyang pagkabigla ay agad-agad siyang napatakbo patungo sa kinaroroonan ng Rani, taglay ang mga prutas na kanyang pinitas. Ngunit nang makaabot siya sa pinag-iwanan niya kay Rani Waling, siya ay biglang napahinto. Wala na ang Rani sa mayabong na punongkahoy na kinananatilihan niya kahapon. Subalit sa sangang iyon na noo’y kinauupuan ni Rani Waling, ay may taglay na kakaibang bulaklak. Ito’y munti at ang mga lilang petal nito’y kabigha-bighani. Dalawang araw na naghanap si Kugihana kay Rani Waling sa kagubatan, ngunit hindi niya ito natagpuan. Umuwi na lamang siya sa balangay ng Dayaw upang humingi ng tulong. Sinabihan niya si Datu Kinadmanon sa lahat ng mga pangyayari na sa pagkarinig nito’y madaling naghanda ng mga tauhan upang tumungo sa gubat. Sa kagubatan ay naghanap silang lahat kay Rani Waling sa loob ng tatlong araw. Walang ni isang kaalaman ang naiwan ng Rani, maliban lang sa bulaklak na iyon. Sa pagkakita nito ni Kugihana ay nabigla siya sa pagdami nito. Ang mga lilang bulaklak na iyon ay kumalat na bumabalot sa punong iyon at sa mga katabing puno nito na wari’y may hinahanap. “Ang bulaklak na ito’y kasingrangya at kaakit-akit ng magandang si Rani Waling. Siya ay ating ipaubaya na sa makapangyarihan na Bathala, hanggang sa pakakataong matanto niya ang tanging ninanais: ang pagbabalik ng iniirog na si Raha Musukul.” ang marahang pananalita ni Datu Kinadmanon. Magmula noon ay Waling-Waling ang tinatawag sa lilang bulaklak na iyon. Pinaniniwalaang patuloy na naghihintay pa rin si Rani Waling sa pagbabalik ng sinta. Ito ay lalung-lalo na tuwing umuulan at mabagyo kung kailan dumadami at kumakalat ito sa mga puno. At ang lilang kulay nito ang kulay ng pagdadalamhati ni Rani Waling na hanggang ngayo’y hindi pa natatahan.

Ang Alamat ng Sampaguita
(The Legend of Sampaguita)
Ang sampaguita, na ating pambansang bulaklak, ay may iniingatang isang magandang alamat. Ang dalawang pangunahing tauhan ay bibigyan natin ng mga makabagong pangalan, bagaman ayon sa mattanda, ang mga tagpong inilalarawan sa kuwento ay nangyari noong bago pa dumating dito sa atin ang mga Kastila.
Noo’y panahon pa ng mga baranggay at datu. Ang Balintawak at ang Gagalangin ay baranggay na magkapit-bahay. Sa pagitan ay may isang matibay na bakod na yari sa mga pinatuyong kawayan , na tuwing limang taon ay ginigiba at pinapalitan. Kung minsan, ang nagpapalit ay ang mga kawal ng datu sa Gagalangin; kung minsan naman ay ang mga kawal ng datu sa Balintawak. Ngunit ang lahat ay gumagawa alinsunod sa utos ng kani-kanilang puno. Ang datu ng Balintawak ay mayroon daw isang anak na dalaga na walang pangalawa sa kagandahan, maging sa mukha at sa pag-uugali. Ang ngalan niya ay Rosita, wala na siyang ina, datapuwa’t mayroon siyang apat na abay na pawang mga dalaga rin; sila ang nag-aasikaso sa kanyang mga pangangailangan.
Maraming binatang nagingibig sa kanya, ngunit ang nakabihag ng kanyang mailap na puso ay ang anak na binata ng datu ng Gagalangin na nangangalang Delfin. Nakapagtataka kung bakit gaong ang kanilang mga ama ay mahigpit na magkaaway ay sila’y tinubuan ng pag-ibig sa isa’t isa. Marangal ang pag-ibig ni Delfin kay Rosita — walang halong pag-iimbot, alang ano mang masamang hangarin.
Sa isang sulok ng bakod ng hanggahan natatabingan ng malagong halaman, si Delfin ay gumagawa ng isang lihim na lagusan kanayang madaraanan. Kaya’t kung gabing maliwanag ang buwan, malimit daw magpasayal sila ni Rosita, kasama ang mga abay na dalaga. Sinasamyo nila ang malinis na simoy ng kabukiran at pinanonood nila ang kaayaayang mukha ng buwan. Ang pag-iibigan nilang iyon ay lingid sa kaalaman ng kanilang mga magulang.
Minsan, nabalitaan ng datu ng Gagalangin na ang hanggahang bakod ay binubuwag at pinapalitan ng mga taga-Balintawak. Nag-utos siya sa ilan niyang mga tauhan upang magmasid sa ginagawang pagbabakod ng mga taga-Balintawak. Nang sila’y magbali, tumanggap siya ng balita na ang bagong bakod na itinatayo ay iniusod nang may limang talampakan sa dako ng Gagalangin, at samakatuwid ay nakakakuha sa kanilang lupa. Agad siyang nagpautos sa datu ng Balintawak. “Sabihin ninyo,” anya sa mga utusan, ” na ibalik ang bakod sa dating kintatayuan. Hindi matuwid ang kanilang ginagawa, sapagka’t tunay na isang pagnanakaw.” Nagalit ang datu ng Balintawak nang humarap sa kanya ang mga sugong buhat sa Gagalangin at sabihin sa kanya ang biling ng datu roon. “Sabihin niyo sa inyong datu,” ang wika niya sa mga sugo,” na ako’y hindi magnanakaw. Ang bakod ay binbalik ko lamang sa dapat kalgyan ayon sa natuklasan kong mga kasulatan ng aking mga nuno.” Ipinag-alab bg loob ng ama ni Delfin ang tinanggap niyang balita.
Sa gayung mga alitan, ang karaniwang nagiging hangganan ay digmaan. Inihanda ng datu ng Gagalangin ang kanyang mga hukbo. Kailangang bawiin niya sa pamamagitan ng patalim ang lupang sa palagay niya ay ninakaw sa kanya. Nang mabalitaan ng datu ng Balintawak na ang Gagalangin ay naghahanda upang siya ay digmain, iginayak din niya ang kanyang mga kawal. Nang malapit na ang araw ng paglusob ng hukbo ng Gagalangin sa mga taga-Balintawak, ang datu ay biglang dinapuan ng isang mahiwagang karamdaman at di nagtagal ay namatay. Naiwan kay Delfin ang isang mabigat na panagutan: siya ang magiging heneral ng hukbo ng Gagalangin. Nang makarating sa kaalaman ni Rosita ang bagay na ito, siya’y kinabahan. Si Delfin ay batang-bata at wala pang gaanong karanasan sa digmaan, samatalang ang kanyang ama ay nahasa na sa maraming pakikilaban sapul pagkabata. Gayon na lamang ang kanyang pag-aalala. Ibig sana niyang magkausap sila ni Delfin upang ito’y himuking iurong na ang digmaan at mapayapang pakipag-usapan sa ama niya ang lahat. Datapuwa’t wala na silang panahon upang magkausap pa. Kinabukasan noo’y lalabas na sa larangan ang kanyang ama sa unahan ng isang malaking hukbo. Naging madugo ang labanan nang magsagupa ang dalawang hukbo. Maraming nalagas sa magkabilang panig. Si Delfin ay natadtad ng sugat , at dahil sa masaganang dugong nawala sa kanya, siya’y nabuwal na lamang at sukat sa lupa. Bago siya nalagutan ng hininga, ipinagbilin niya sa kanyang mga kawal na doon siya ilibing sa tabi ng hanggahang bakod, malapit sa lihim na lagusang dinaraanan niya kung gabing maliwanag ang buwan at sila ni Rosita, kama ng mga abay nito, ay mapayapang namamasyal sa makapal na damuhan. Hindi nabanggit ng mga matatandang nagkuwento ang sinapit na buhay ng dalawang magsing-ibig, kung ano ang naging hanggan ng labanan. Ang sabi lamang nila ay ganito : nang mabalitaan ni Rosita ang pagkamatay ni Delfin sa labanan, ang dalaga’y nagkasakit sa matinding dalamhati. Nagpatawag ng magagaling na mangagamot ang datung ama niya, ngunit sino man sa kanila’y hindi nakapagpagaling sa kaawa-awang dalaga. Unti-unti itong pinanawan ng lakas. Nang sa palagay ni Rosita ay hindi siya magtatagal, hiningi niya sa kanyang ama na ang bangkay niya’y doon lamang ilibing sa tabi ng pinaglibingan kay Delfin. Masaklap man sa kalooban ng datu, pinagbigyan niya ang kahilingan ng minamahal niyang anak. Maraming taon ang lumipas mula noon. Nawala na ang mga baranggay at dumating na ang mga Kastila. Naitatag na ang siyudad ng Maynila. At buhat noo’y marami ng tao sa Balintawak at sa Gagalangin. Ngunit ang mga tao sa dalawang pook na ito ay naliligalig sa isang mahiwagang bagay. Kung buwan daw ng Mayo, lalu na kung mga gabing maliwanag ang buwan, may mahiwagang tinig na naririnig ang nagsisipanirahan sa may pagitan ng ng dalwang nayong naturan. Ang tinig ay waring sa isang babae at malambing daw na parang marahang bulong ng panggabing hanging humahalik sa mga dahon ng halaman. “Sumpa kita! …Sumpa kita!” ang winiwika raw ng tinig. Ngunit ang mga tao, kung minsa’t sila’y nagbabantay, ay wala namang nakikita. Napansin nila na ang waring nagmumula sa isang masukal na dako, na sinibulan ng dalawang puno ng halamang ang mga bulaklak ay may kaliitan datapuwa’t maputi, maraming talulot at ang iwing bango’y pambihira.
Ganyan ang lagi nang nasasaksihan ng mga tao roon kung buwan ng Mayo, taun-taon. Sa di-kawasa’y naisipan nilang hukayin ang dalawang halamang iyon upang matuklasan ang hiwaga ng malambing na tinig at ang kahulugan ng mga salitang sinasambit. Hindi naman sila gaanong naghirap. Nguni’t ang kanilang pagtataka’y lalo pang nadagdagan nang makita nilang ang dalwang puno ng mababangong halaman ay nagmumula sa mga bibig ng dalawang bungong hindi gaanong nagkakalayo sa pagkakabaon, at nakakabit pa rin sa kalansay. Ngayo’y nanariwa sa alala ng mga matatanda ang kasaysayan ng dalawang kapos-palad – Si Delfin at si Rosita. Samantala…. Ang kuwento’y nagkasalin-salin sa maraming bibig, at ang “Sumpa kita!” na inihahatid ng panggabing simoy sa pandinig ng mga nagmamatyag ay naging “Sampaguita” , na siyang iningalan na tuloy sa mahalimuyak na bulaklak ng halamang tumutubo sa libing ng magsing-irog.

Ang Alamat ng Bulaklak ng Narcissus
(The Legend of the Flower of Narcissus)
Noong unang panahon na nag mundo ay malapit sa kalangitan, at ang tao’y natatanaw pa ng diyos at diyosa, ay may isang nilalang na isinilang na perpekto; siya ay si Narcissus.
Si Narcissus ay isang binatang ubod ng kisig. Napakaganda ng kanyang mukha at tindig. Tila anghel ang kanyang mukha na napakalinis na lalong bumagay sa kanyang mapulang labi, matangos na ilong, makapal na kilay at nagniningning na mga mata.
Ang kanyang katawan ay kay ganda ng hubog at tila inukit ng mahusay na iskultor. Walang nilalang sa lupa na hindi hahanga sa kakisigan ni Narcissus. Sa katunayan, maging ang mga diyos at diyosa sa kalangitan ay humahanga at sumasaya sa tuwing siyay’y natatanaw.
Hindi lingid kay Narcissus ang kanyang perpektong kakisigan, kung kaya’t ganun na lamang ang pag-iingat na ginagawa niya para sa kanyang katawan.
At sobrang paghanga ng binata sa sariling katangian ay walang oras na hindi niya tinitingnan sa tubig ang kanyang sariling repleksyon. Lalo naman siyang humahanga sa sarili habang naglalaon.
Sa paglipas ng mga araw, kinailangan ng binatang si Narcissus ang maglakbay sa ibang lugar, kung saan ay kailangan niyang bagtasin ang mga gubat.
At sa paglalakbay nga ni Narcissus ay naging napakahirap para sa kanya, sapagkat hindi siya sana’y na mahirapan ang katawan. At isa pa, sa gubat na kanyang nadaraan ay puro puno at halamn, kung kaya’t hindi niya nasisilayan ang sariling repleksyon sa tubig; bagay na kinasasabikan na niya.
At isang araw, anong saya ang nadama ng binata nang sa isang gubat ay nakakita siya ng batis.
Nagmamadali na lumapit si Narcissus sa batis at tiningnan nito ang sarili sa tubig. Lalo pang humanga ang binata sa sarili sa mga oras na iyon, dahil na rin sa kasabikan niyang makita ang sariling repleksyon.
At upang lalo pang makita ang sarili, ay lao pang inilapit ni Narcissus ang mukha sa tubig.
Ngunit bigla nalang nadulas ang binata at nahulog pabulusok sa tubig.
Sa kasamaang palad, si Narcissus ay nalunod at pumanaw. Lubhang nalungkot ang lahat sa sinapit ng binata. Maging ang mga diyos at diyosa ay nakadama ng matinding lungkot sa spagkawala ng pinakamagandang tao sa mundo. At biglang pag-alala ng mga diyosa sa binata, ay isang halaman na may kay-ganda at kay-putting bulaklak ang pinatubo nila sa gilid ng mga batis. At ang bulaklak nga na ito ay tinawag nating “Narcissus” hanggang sa ngaun.

Ang Pinagmulan ng Palay
(The Origin of Rice)
Noong unang araw, hindi nagtatanim ng halaman at hindi nag-aalaga ng hayop ang mga tao para may makain. Umaasa lamang sila sa kalikasan. Kaya tumitira sila kung saan may pagkain. May tumitira sa mga kuweba sa bundok at nabubuhay sa bungangkahoy at nahuhuling hayop.
May tumitira sa tabing ilog at dagat at nabubuhay sa pangingisda. Tumitira sila sa isang lugar hanggang may makakain at humahanap ng ibang lugar ‘pag wala nang makain.
Kasama ng iba ang mga mag-asawang Banag at Danas sa paghahanap ng bagong lugar ng matitirhan. Dati silang nakatira sa tabing dagat. Ngunit sinira ng malakas na bagyo ang kanilang mga bahay sa tabing dagat. Natatakot silang muling abutin ng bagyo.
“Bakit lagi tayong lumilipat ng tirahan?” tanong ni Banag kay Danas. “Pagod na akong sa ganitong buhay. Hindi tuloy tayo magkaanak.” Gusto ni Banag na humiwalay sila sa iba at mamalagi sa isang magandang pook. “Gusto kong isilang doon ang ating anak.”
Sinunod ni Danas ang hiling ng asawa. Pumili sila ng isang magandang pook sa bundok at doon nagtayo ng munting bahay. Tahimik ang napili nilang pook sa bundok at sagana sa prutas at hayop na makakain. May malinaw na batis sa malapit at maraming isdang nahuhuli si Danas.
Ngunit biglang dumating ang tagtuyot. Matagal na hindi umulan at natuyo ang luupa. Namatay ang mga halaman at punongkahoy at nawala ang mga hayop at ibon. Namatay ang mga isda sa natuyong batis.
Naghanap ng pagkain sa malayo si Danas. Ngunit malawak ang dumating na tagtuyot. Naglakad siya nang naglakad at nakarating sa kabilang bundok ngunit wala pa rin siyang makitang pagkain.
Inabot ng matinding pagod si Danas sa gitna ng isang malapad na parang. Nahiga siya sa damuhan at nakatulog. Noon biglag humihip ang hangin at sumayaw at umawit ang mga damo. Nagising at nagulat si Danas.
Pinakinggan ni Danas ang awit ng mga damo. “Kami ang pag-asa ng tao, Danas. Pulutin mo ang aming mga bungang butil. Masarap na pagkain ang aming mga butil.” Noon napansin ni Danas ang mga uhay ng damo. Hitik sa mga gintong butil ang bawat uhay. Pumitas siya ng isang butil at kinagat. “Bayuhin mo ang aming mga butil para maalis ang gintong balat,” muling awit na masaya ng mga damo. Iluto mo ang puting laman ng butil para lumambot at maging masarap na pagkain.”
Pumitas ng maraming uhay si Danas hanggang mapuno ang kanyan sisidlan at nagmamadaling umuwi kay Banag. “May pagkain na tayo ngayon,” tuwang tuwang balita niya kay Banag. Tulad ng utos ng mga damo, inalisan nila ng balat ang mga butil at iniluto bago kinain.
Kinabukasan, nagbalik sa parang si Danas. “Itanim mo ang aming butil, ” awit ng mga damo. “Itanim mo sa lupang pinalambot ng ulan. Tutubo ang mga butil at alagaan mo. Tuwing mag-aani ka’y maglaan ka ng mga butil para muling itanim at alagaan. Matuto kang magsaka at mag-alaga ng halaman at sa pagsasaka ka aasa ng ikabubuhay.”
Biglang naramdaman ni Danas ang patak ng ulan. Nagdilim ang langit nang tumingala siya. “Palay ang itawag mo sa iyong pananim,” awit ng mg damo na lalong sumigla ang pagsayaw pagbuhos ng malakas na ulan. “Ibalita mo sa ibang tao ang lahat. Ituro mo sa kanila ang pag-aalaga ng palay.”
Sinunod ni Danas ang mga utos ng damo. Gumawa siya ng bukid sa paligid ng bahay at pinag-aralang mabuti ang pag-aalaga ng palay. Itinuro niya sa ibang tao ang natutuhan. Lumawak nang lumawak ang mga bukid na taniman at mula noon, naging mag-sasaka ang mga tao. Hindi na rin sila palipat-lipat ng tirahan.

Legends (Animals)

1 Ang Alamat Ng Dahong Palay
2 Ang Alamat Ng Butiki
3 Alamat Ng Paru-Paro
4 Ang Unang Unggoy
5 Ang Alamat ng Aso
6 Ang Alamat ng Alitaptap
7 Alamat Ng Maya
8 Ang Alamat ng Lamok

Mga Alamat (Mga Hayop)

Ang Alamat Ng Dahong Palay

(The Legend of the Ricefield Snake)

Noong unang panahon ang mga ahas ay walang kamandag. Sa ganito sila ay hindi kinakatakutan at pinakukundanganan tisurin o patayin. Sa gayon nilang katayuan ay minarapat nilang gumawa ng paraan upang sila’y pangilagan ng tao at huwag patayin.

Kaya’t ang kanilang puno’y dumalangin humingi ng kamandag kay Bathala. Ang kanilang kahilingan ay hindi naman pinagkaitan ng Panginoong Diyos.

Isang araw ang Panginoong Diyos ay nanaog at dala ang isang kamandag upang batiin ang mga ahas. Ang unang nakakuha ay ang ulupong kung kaya ang kanya ang pinakamabagsik. Ang lahat ay nakakuha ng kamandag maliban lamang sa dahongpalay na hindi kaagad nabatid ang pagbibigayan ng kamandag.

Nang madatnan niya ang pook na bigayan ng kamandag ay ang banga na lamang ang kanyang nakita. Sa hangad niyang magkaroon ng kamandag ay nagpaikot-ikot siya sa loob ng banga na ang kamandag ay napunta sa kanyang balat. Ngayon ang dahongpalay ay may kamandag sa balat at hindi sa loob ng katawan.

Ang Alamat Ng Butiki

(Legend of the Lizard)

Noong unang panahon, may magkasintahan na masasabing walang katulad. Walang kasing tamis ang kanilang pagmamahalan. Isang araw ay nagkaroon ng isang mahigpit na pagsubok ang kasintahan ng binata. Sapagkat dalisay ang pag-ibig ng binata, sinabi niya sa kasintahan na ipag-patuloy ang gagawing pagsubok. Sa madali’t sabi, ipinag-tapat ng dalaga sa kasintahan na kailangan niya ang puso ng kanyang ina. Ito ang magpapatunay ng kanyang katapatan at nangako ang dalaga na kung magtagumpay siyang maisagawa ito, ay agad silang magpapa-kasal.

Walang kibong umalis ang binata patungo sa kanilang tahanan upang tuparin ang tagubilin ng kanyang kasintahan. Dali-daling umakyat at kanyang naratnan ang ina na nakaluhod sa harap ng altar sapagkat orasyon na noon. Nangangatal ang buong katawan na kinuha ang balaraw at sabay na itinarak sa dibdib ng ina. Agad niyang kinuha ang puso ng ina at tumakbong patungo sa kanyang kasintahan. Ngunit sa kasawiang palad, at marahil sa parusa ng nasa itaas, ay bigla na lamang siyang nadupilas at ang puso na kanyang hawak ay nahulog sa isang bitak. Ang puso’y biglang nangusap, “Bakit mo ako ginanito anak? Bakit mo sinunod ang maruming mithiin ng iyong kasintahan? Dapat mong malaman na ang isang ina ang pinagkakautangan mo ng buhay ay di na makikita kailan pa man.

Lumuhod ang binata na nagsisisi. Nais niyang isauli ang puso, subalit wala nang magagawa. Ang binata ay bigla na lamang naging butiki, na gumagapang na lamang buhat noon.

Alamat Ng Paru-Paro

(Legend of the Butterfly)

Noong unang panahon may magkapatid na ulila na naninirahan sa isang ilang na baryo sa Laguna. Ito ay sina Amparo na ang palayaw ay Paro samantalang ang nakababata naman ay si Perla na pawang sumisibol na dalagita. Pagtitinda ng bulakalak ang kanilang ikinabubuhay. Magkaiba ang ugali nila, si Amparo ay tamad at walang kinagigiliwang gawin kundi ang lumapit sa mga bulaklak at amuyin ito. Samantalang si Perla naman ay masipag at masinop sa kabuhayan. Likas na mabait si Perla pasensiya na lamang ang kaniyang binibigay sa kapatid na si Amparo na ubod na tamad.

Ngunit isang araw ay naubos na ang pasensiya ni Perla at nagalit kay Amparo na laging nagrereklamo sa kanilang ulam. Galit din sumagot si Amparo “Anong gusto mo alilain ako at busabusin, ako ang masusunod dahil ako ang nakakatanda.” Sabay nanaog at pumitas ng halaman sa hardin at nagtuloy sa ilog upang pagmasdan ang bulaklak sa kanyang buhok. Pagdukwang niya ay tuloy-tuloy siyang nahulog sa ilog. Sa pag-aalala pala sa kapatid ay sumunod si Perla at kitang-kita niya nang mahulog siya sa ilog. Sumigaw ng malakas si Perla “Paro!Paro!, marami ang nakarinig at tinulungan siya ngunit walang Amparo silang nakita.

Habang balisang nagmamasid ang mga tao sa ilog, ay may isang bulaklak ang lumutang sa knahulugan ni Amparo at unti-unti itong gumalaw, dahan-dahang nawala ang hugis bulaklak nito at unti-unting umusbong ang pakpak na may iba’t-ibang kulay. Walang ano-ano ay lumipad at nakita ni Perla ito na pumunta sa halamanan at nagpalipat lipat sa mga bulaklak. Kinutuban si Perla at nasambit niya ang katagang “Paro! Paro…!

Simula noon, ang maganda at makulay na munting nilikha ay tinawag ng mga tao na PARUPARO.

Ang Unang Unggoy

(The First Monkey)

Noong unang panahon sa isang kagubatan, may isang batang babae na naninirahan sa pangangalaga ng isang diyosa ng paghahabi. Doon namumuhay siya ng masaya at nasusunod ang lahat ng kanyang naisin.

Isang araw inutusan siya ng diyosa at sinabing: “kunin mo ang bulak na ito, linisin mo at gawin mong damit upang iyong maisuot.” Ngunit hindi siya marunong maghabi ng bulak, kaya’t sinabi niya sa diyosa, “kapag nalinis na ang bulak ay maaari na ba itong gamitin?”

“Hindi,” sagot ng kanyang alalay, “pagkatapos nitong linisin ay kailangan muna itong salansanin.”

“Matapos salansanin, maaai na ba itong gamitin?” ang sabi ng tamad na batang babae. Sinabi naman ng diyosa na maaari lamang itong gamitin kung ito’y natabas na.” Matapos itong matabas?” singit ng isang katulong, “maaari na itong gamitin?”

“Hindi, kailngan muna itong tahiin,” sagot ng diyosa.

“Ah!,” ang sabi ng batang babae, matagal pala at maraming proseso ang paggawa ng damit. Naisip niyang ipatong ang balat (leather) sa kanyang katawan upang gawin na lamang balabal kaysa gumawa pa ng panibagong damit. Sa galit ng diyos sa katamaran ng batang babae, kumuha ng isang patpat mula sa habian ang diyosa at sinabing, ang patpat ng ito ay magiging parte ng iyong katawan, at ito’y iyong gagamitin sa paakyat. Bilang kaparusahan sa iyong katamaran, simula ngayon ikaw ay maninirahan sa mga puno sa kagubatan, at doon ay maghahanap ka ng iyong makakain.”

At doon nagsimula ang pagkakaroon ng unang unggoy na may balat at buntot.

Ang Alamat ng Aso

(The Legend of The Dog)

Noong panahon na bata pa ang mundo, ay may isang maa-anak na tahimik at masayang namumuhay sa loob ng kakahuyan.

Ang ama; si Roque ay mabait at mapagkalinga sa kanyang pamilya. Nagtatanim siya ng mga gulay at nanghuhuli ng mga hayop sa gubat upang kanilang maging pagkain.

Samantalng ang ina naman; si Magda ay siyang nag-aasikaso sa kanilang bahay at dalawang anak na sina Maria at Jose.

Minsan, nagulat ang pamilya sa pagdating ni Roque na may pangko na isang sugatang lalaki.

Ang lalaki ay iniligtas ni Roque mula sa mga pusang-gubat nang ito ay maligaw. Inalagaan ito ng pamilya.

At sa paglipas ng panahon, naging malakas na ang lalaki na nakilala nilang Damaso.

Isinalaysay ni Damaso na pinalayas siya ng kanyang amo dahil sa hindi niya nabantayan ang mga taniman nito ng ubas, naging dahilan upang manakawan ang bunga ng mga ito. At sa kanyang paglayas naligaw siya sa gubat at inatake ng maraming alamid.

Naaawa naman ang pamilya kay Damaso, kaya doon na pinatira sa bahay nila ito. Itinuring nila itong kapamilya at nakatulong pa ni Roque sa pang-araw-araw na paghahanap ng pagkain.

Ngunit lingid kay Roque, may namumuong lihim na pagkagusto sina Magda at Damaso sa isa’t-isa.

At isang araw nga, nagpasya sina Damaso at Magda tumakas sa ibang lugar.

Nag-iyakan ang dalawang batang sina Maria at Jose.

“Ina huwag mo po kaming iwan nila ama!”, ang iyak ni Maria

“Oo nga po! Mang Damaso, huwag n,yong kunin ang aming ina!”, ang iyak rin ni Jose.

Ngunit hindi napigilan sina Magda ng kanyang mga anak. Sumakay pa rin sila ng bangka at umalis na kasabay ng agos ng ilog.

Lalong ngg-iyakan ang dalawang bata. Nais na sanang magbago ng isip si Magda, ngunit nanaig ang kanayng pagka-gusto kay Damaso.

Mula sa malayo, anong gulat nila Magda nang makitang nagtalunan sa ilog sima Maria at Jose upang humabol.

Napatayo so Magda sa bangka, dahil alam niyang hindi marunong lumangoy ang dalawang bata.

Siyang pagdating ni Roque, na agad ding tumalon sa ilog upang iligtas ang mga anak. Ngunit lumakas and agos ng ilog, at napailalim sa tubig ang mag-aama.

Mula sa malayo, natanaw nina Magda at Damaso and pang-yayari. At sising-sisi ang dalawa sa kanilang nagawa, lalo pa’t hindi na nila nakitang pumaibabaw sa tubig ang mag-aama.

Bigla, mula sa tubig ay isang babae ang lumutang sa hangin.

“Masahol pa kayo sa hayop! Dahil sa inyong makasariling pagnanasa ay nagawa ninyong saktan ang ibang tao. Dapat lamang kayong maging kauri ng hayop,” ang wika ng babae na diwata pala ng ilog.

Bigla ang pagbabago ng anyo ni Magda at ni Damaso. Ang kanilang katawan ay puno ng balahibo, humaba ang kanilang mga nguso, tumalim ang mga ngipin at nagkapangil. At kasunod niyon, hindi na nila nagawang makapagsalita, bagkus ay ungol at kakatwang ingay ang lumalabas sa kanilang mga bibig.

“Mananatili kayo sa ganyang anyo, hangga’t ikaw Damaso ay hindi natutong tumanaw ng utang na loob napapala sa iyo. At ika Magda, hangga’t hindi mo naipapakita ang tunay mong pagmamahal s iyong mga magiging anak.” At nawala na ang diwata pagkawika niyon.

At ang dalawang isinumpa ay namuhay sa kakahuyan. Nagkaroon sila ng maraming anak. Sila ang unang angkan ng mga aso sa daigdig. At sa dami ng mga tao, ang mga aso ay naging alaga nila sa kanilang mga tauhan.

At sa hanggang ngayon nga ay pinapatunayan pa rin ng mga aso na sila ay tapat sa kanilang mga amo.

Ang Alamat ng Alitaptap

(The Legend of The Firefly)

Noong unang panahon, may isang makisig na binata na nais mag-asawa ng pinakamagandang dilag. Siya ay mayabang at masyaong malaki ang pagkakilala sa sarili. Kung minsan tuloy, nagdaramdam ang ilang mga dalaga s kanya dahil sa pamimintas niya kahit nakaharap ang dalaga.

Isang araw, papunta na siya sa bundok upang manguha ng yantok nang masalubong niya ang isang napakagandang dalaga na nakasuot ng putting-puti.

“Napakagandang dalaga,” wika niya sa sarili at tuloy-tuloy na nilapitan niya ito.

Nang malapit na siya, nagtatakbo ang dalaga at nawalang parang bula. Hinanap niya ang dalaga sa buong kagubatan ngunit hindi niya nakita.

Sa tagal at hirap na dinanas ng binata sa paghahanap sa dalaga, nagalit siya.

“hindi ka talaga maganda. Ang ilong mo’y pango, ang mata mo ay duling at ang mga tenga mo ay malalapad!” sigaw ng binata.

Dahil sa pagkahapo ay nahiga siya sa lilim ng punung-kahoy para magpahinga. Naidlip siya at nang magising, nakita niya ang magandang dilag. Alam niyang maganda talaga ang dalaga at hindi totoo ang sinabi niya.

Siya ng dalaga, “ininsulto mo ako, kaya mula ngayon, ikaw ay magiging isang kulisap. Manunumbalik lamang ang anyo mo kapag naipakita mo sa akin ang isang dalagang mas higit ang kagandahan sa akin. Humayo ka at hanapin mo ang dalagang sinasabi ko para mabalik ang dati mong anyo,” ang utos ng engkantadang babae.

Lumipad ang binatang naging kulisap upang hanapin ang babaeng mas maganda pa kaysa sa engkantada. Naghanap siya gabi’t araw. Upang makita niya ang babaing gaganda pa sa sumpa sa kanya, nagdala siya ng ilaw tuwing gabi. Ang binatang yaon na naging kulisap ang tinawag natin ngayong alitaptap.

Alamat Ng Maya

(The Legend of Maya)

Si Rita ay batang lubhang malikot. Ang kanyang ina ay laging naiinis sa mga ginagawa niyang hindi dapat gawin ng batang katulad niya.

Isang araw, ang kanyang ina ay nagbayo ng palay. Si Rita ay nanood sa kanyang ina. Siya’y gutum na gutom sapagkat galing siya sa laruan. Nang mayroon ng isang salop ang nabayong bigas, si Rita ay nagsimula nang kumain ng bigas. Ang nalagyan ng bigas ay malaki at may takip na bilao. Binuksan niya at pumasok siya sa loob. Ngayon natakpan siya ng bilao. Hindi nahalata ng ina. Nang matapos na ang ina sa kanyang pagbabayo ay tinawag niya si Rita upang utusan sa pagtatago ng binayo. Hindi sumagot si Rita. Hinanap ng ina sa lahat ng taguan, wala rin rin si Rita roon.

Nang kanyang buhatin ang lalagyan ng bigas may lumabas na maliit na ibon galin sa loob. Kumain ng bigas ang ibong iyon. Ang ibong iyon ay si Rita, ang tinatawag ngayong maya.

Ang Alamat ng Lamok (ni Severino Reyes)

(The Legend of Mosquito)

Noong unang panahon sagana sa lahat ng bagay ang bayan ng Tungaw. Mataba ang lupang taniman dito. Masasaya ang mga tao. Ngunit marumi sila sa kanilang kapaligiran. Madalas na naglulusak sa dumi ang mga bakuran. Nagkalat ang mga balat ng prutas kahit saan. Nanlilimahid ang mga bata sa daan.
Isang araw, nahintakutan ang lahat sa biglang pagkawala ng ilang mga tao.
Walang nakakaalam kung saan sila napupunta. Padalas nang padalas ang mga
nawawala kaya’t lumapit ang taong bayan sa kanilang makisig na hari upang
humingi ng tulong.
“Magbantay tayo sa bawat sulok ng ating bayan,” sabi ng hari.
Kahit ubuhin sila sa nakasusulasok na mga basura, araw at gabing nagbantay ang mga taong bayan at mga kawal. Hanggang sa makita nila ang paglitaw ng higanteng si Amok sa may paanan ng bundok. Kinuha nito ang isang magbubukid at agad na nilulon.
“Wala nang sasarap pa sa maruruming tao! Blurp,” dighay ng higante.
“Wala tayong laban sa higante,” panlulumo ng isang binatang nangungutib ang
kamiseta.
“Mabuti sigurong umalis na lamang tayo sa Tungaw,” mungkahi ng mga
matatandang kutuhin.
Iwanan kaya nila ang kanilang maruming bayan?
“Hindi natin maaaring iwan ang ating bayan. Dapat natin itong ipagtanggol,”
mahigpit na sabi ng hari.
“Nasasarapan ang higanteng Amok sa ating karumihan. Kailangan nating maglinis upang iwanan tayo ng higante,” utos ng hari.
Nagwalis ang kababaihan. Naligo ang mga bata. Naglaba ang kalalakihan. Saka
sila naghandang muli upang ipagtanggol ang kanilang bayan.
Nang muling lumusob ang higante, pinaulanan nila ito ng pana sa dibdib. Ngunit parang walang puso ang higante. Hindi ito nasasaktan. Nilulon ng higante ang ibang kawal at dinakip ng buhay ang ilang taumbayan.
“Wala sa dibdib ang puso ng higante kaya’t hindi siya mapatay,” paalala ng isang
matanda.
“Nasaan kaya?”, tanong ng hari.
“Walang sinumang nakakaalam”, sagot ng matanda.
Nag-isip nang paraan ang hari upang matuklasan kung paano mapapatay ang higante. Nang minsang mabusog ito, nagkunyaring nahimatay ang hari. Napasama siya sa mga dinakip ng buhay. Nang makarating sa kuweba, isang batang higante ang sumalubong kay higanteng Amok.
“Narito ang pagkain mo. Matuto kang magtipid. Marunong nang maglinis at magtago ang mga taong marurumi,” saka muling umalis ang higante.
Biglang bumangon ang hari at hinugot ang espada. Natakot ang batang higante.
“Hindi ko na po kayo kakainin, huwag ninyo akong patayin,” pagmamakaawa nito sa hari.
“Nasaan ang puso ng iyong ama?,” sigaw ng hari.
“Hindi mo dapat malaman!,” iyak ng batang higante.
“Kung gayon ay papatayin kita!,” matapang na sabi ng hari.
“Nasa ilong ang puso ng aking ama kaya’t nasasarapan siya sa inyong kabahuan at karumihan,” nangangatog na sagot ng batang higante.
Itinali ng hari ang batang higante at pinakawalan ang mga taong nakakulong sa kuweba.
Hinanap ng makisig na hari ang higanteng Amok. Naabutan niya ito sa bayan.
Umakyat sa puno ang hari at tinaga sa ilong ang higante. Namilipit ito sa sakit. Pinagtulungan nilang itali kasama ng batang higante. Sinunog ng taong bayan
ang mag-amang higante sa gitna ng tambak nilang basura.
“Hindi n’yo kami mapapatay. Hangga’t marumi ang inyong paligid, babalik kami at sisipsipin ang inyong mga dugo!,” sigaw ng higanteng Amok bago siya matupok ng apoy.
Itinapon ng taumbayan ang mga abo ng mag-amang higante sa maruming ilog.
Tumahimik na muli sa bayan ng Tungaw. Ngunit nagulat ang lahat sapagkat mula sa maruming ilog ay may maliliit na insektong lumulusob sa bayan tuwing gabi. Naninipsip sila ng dugo ng mga tao.
Naalala ng mga matatanda ang sabi ng higanteng Amok bago masunog kasama ng anak. Nilinis ng mga taga- Tungaw ang kanilang maruming ilog. Dumalang ang maliliit na insektong naninipsip ng dugo. Kinalaunan, tinawag ng mga taumbayan ang mga insektong, Lamok.

Alamat

Ano ang alamat?
Bakit nagiging kapani-paniwala ang mga alamat?
Ano ang kahalagahan ng alamat?
Bakit may iba’t-ibang bersiyon ang isang alamat?
Bakit hinayaan ng mga Kastila na lumaganap ang alamat ni Bernardo Carpio?

Ang alamat ay kuwento na kathang isip lamang na kinasasangkutan ng
kababalaghan o ‘di pagkaraniwang pangyayari na naganap nuong unang panahon.

Ang alamat ay karaniwang tumatalakay sa mga katutubong kultura, kaugalian o
kapaligiran. Eto ay tumatalakay din sa mga katangiang maganda, tulad ng
pagiging matapat, matapang, matulungin, at sa mga katangiang hindi maganda
tulad ng pagiging mapaghiganti, masakim, o mapanumpa, Nguni’t sa banding huli
ang kuwento ay kinapupulutan ng aral para sa ikabubuti ng iba.

Sapagkat ang alamat ay karaniwang nagsimula nuong unang panahon at eto ay
nagpasalin- salin na sa maraming henerasyon, ang alamat ay pinaniniwalaan ng
maraming tao na tutoong naganap dahil sa tagal ng pamamayani nito sa ating
panitikan o sa ating kultura.

Ang mga alamat ay nagkakaroon ng iba’t-ibang bersiyon ayon na rin sa hangarin ng
sumulat o nagpalaganap ng ibang bersiyon ng alamat. Eto ay maaaring sa hangarin
na isanobela, isadula o isa-pelikula ang isang alamat.

Halimbawa ang isang bersiyon ng alamat ni Bernardo Carpio ay sinasabing sadyang
pinalaganap ng mga Kastila upang mapigilan ang namumuong himaksikan ng mga
Pilipino laban sa mga mananakop.

Ibang bersiyon naman ang pinalalaganap ng ibang mga magulang sa hangaring ang
kanilang mga anak ay huwag matakot kapag lumilindol sapagkat eto ay likha lamang
ni Bernardo tuwing nagtatangkang kumawala sa nag-uumpugang bato.

Bagama’t maraming bersiyon ang alamat, ang mga eto ay nagkakaisa sa
paglalarawan kay Bernardo na isang matipuno at makisig na lalaki. Ang pagkakaiba
ng iba’t-ibang bersiyon ay ang pagtalakay kung bakit, papaano, at sino ang naging
sanhi ng kanyang pagkaipit sa nag-uumpugang mga bato.