Daily Archives: June 8, 2011

Ang Alamat ng Buwan at mga Bituin

Noong unang panahon ay mababang-mababa ang langit at walang buwan ni bituin.  Bakit kaya tumaas ang langit? Narito sa alamat na ito ang mga sagot.

 

Si Maria at ang kanyang nanay ay nakatira sa isang bahay-kubo.  Si Maria ay may suklay na ginto at kuwintas na may butil-butil na ginto.  Halos araw-araw ay isinusukat niya ang suklay at kuwintas at tinitingnan niya sa kanyang anino sa tubig kung siya ay maganda.
Isang araw nang isinusukat ni Maria ang suklay at ang kuwintas ay tinawag siya ng kanyang nanay.
“Maria, magbayo ka ng palay,” ang wika ng ina.
“Opo,” ang sagot ni Maria, nguni’t hindi siya kumilos.
“Maria, magmadali ka,” ang tawag na muli ng matanda.  “Wala tayong bigas na isasaing.”
“Opo, sandali po lamang,” ang tugon ni Maria, nguni’t hindi niya inaalis ang kanyang tingin sa kanyang anino sa tubig.
“Maria, sinasabi ko na sa iyong magbayo ka ng palay.  Madali ka,” ang galit na galit na utos ng matanda.
Tumindig si Maria at tuloy-tuloy siya sa lusong ng palay.  Hindi na niya naalis ang suklay at kuwintas.  Nalalaman niyang kapag galit na galit na ang kanyang nanay ay dapat siyang sumunod nang madali.  Nagbayo na siya nang nagbayo ng palay.  Pagkatapos ng ilang sandali, siya ay pinawisan.
“Napupuno ng pawis ang aking kuwintas,” ang wika ni Maria sa kanyang sarili.
“Hinubad niya ang kuwintas.  Inalis ang kanyang suklay.  Isinabit ang mga ito sa langit na noon ay mababang-mababa at naabot ng kamay.  Samantalang siya ay nagbabayo ay tinitingnan ang suklay at kuwintas.
“Kay ganda ng aking suklay at kuwintas,” ang wika ni Maria sa kanyang sarili.  “Pagkatapos na pagkatapos ko nang pagbabayo ng palay ay isusuot ko uli ang aking suklay at kuwintas.”
Sa gayong pagsabi ay dinalas niya ang pagbabayo ng palay upang ito ay matapos at maisuot niya uli ang suklay at kuwintas.  Tumaas ng tumaas ang pagbuhat niya ng halo at dumalas nang dumalas ang pagbagsak nito sa lusong.  Umaabot na pala ang dulo ng halo sa langit, nguni’t hindi niya napapansin.  Sa palay na ngayon ang kanyang tingin.  Tinitingnan niya kung malapit na siyang makatapos upang maisuot niya ang suklay at kuwintas.  Itinaas pa niyang lalo ang pagbuhat ng halo upang lumakas ang pagbagsak nito sa lusong at nang madaling mabayo ang palay.
Sa bawa’t pagtaas pala niya ng halo ay bumubunggo ang halo sa langit at sa bawa’t pagbunggo naman ay tumataas ang langit.  Nang mapuna ni Maria ang nangyayari ay mataas na ang langit.  Tangay-tangay ang kanyang gintong suklay at kuwintas. Hindi na niya maabot ang mga ito.
Tumaas nang tumaas ang langit.  Tumaas din nang tumaas ang suklay at kuwintas.  Noong gabing yaon ay umupo si Maria sa may bintana at tinintingnan niya ang langit na ngayon ay mataas na mataas na.  Hinanap niya ang kanyang suklay at kuwintas.  Naroroon ang kanyang gintong suklay at siyang naging buwan.  Ang mga gintong butil ng kanyang kuwintas at nagkahiwa-hiwalay at siya namang naging mga bituin.
“Lalong maganda ngayon ang aking gintong suklay,” ang wika ni Maria sa kanyang sarali, “At anong kinamg ng mga butil ng aking kwintas!”

Mababasa rin ito sa:

http://www.takdangaralin.com/filipino/mga-alamat-filipino/ang-alamat-ng-buwan-at-mga-bituin/

Ang Inggiterong Uwak

Nakita ng uwak ang agila na dala-dala ang isang tupa sa himpapawid.  Nakita rin niya nang dalhin nito ang tupa sa pugad.

Naiingit ang uwak kaya ginaya niya ang agila.  Sa kanyang paglipad, nakakita siya ng tupa at ito ay kanyang dinagit.  Nagulat siya sa kanyang natuklasan na bukod sa mabigat ang tupa, sumabit pa ang kanyang kuko sa balahibo nito.

Nakita siya ng nag-aalaga ng tupa kaya’t agad siyang hinuli nito at inilagay sa kulungan.

Pinagtawanan siya ng agila at ng mga ibon nang makita siya ng mga ito.

Aral : Huwag manggaya o maiingit sa iba.  May kanya kanyang talino ang bawat nilalang.

Ang Agila at ang Maya

(The Eagle and the Maya)

Isang Agila ang kasalukuyang lumilipad sa kalawakan, buong yabang niyang iniladlad at ibinuka ang kanyang malalapad na pakpak. Habang patuloy siya sa kanyang paglipad ay nakasalubong niya ang isang maliit na ibong Maya at hinamon niya ito.
“Hoy Maya, baka gusto mong subukan kung sino sa ating dalawa ang mabilis lumipad?” buong kayabangan ni Agila, kaya naipasya niyang tanggapin ang hamon nito para maturuan niya ng leksyon.
“Sige! Tinatanggap ko ang hamon mo. Kailan mo gustong magsimula tayo?”
Natuwa ang Agila, himdi niya akalain na tatanggapin nito ang hamon niya.
“Aba, nasa sa iyon ‘yan. Kung kailan mo gusto,” buong kayabangang sagot ni Agila.
Napatingin ang Maya sa kalawakan. Nakita niyang nagdidilim ang kalangitan, natitiyak niyang ang kasunod niyon ay malakas sa pag-ulan.
“Sige Agila, gusto kong umpisahan na natin ang karera ngayon na. Pero, para lalong maging masaya ang paligsahan natin ay kailangang bawat isa sa atin ay magdadala ng kahit ano ng bagay. Halimbawa ang dadalhin ko ay asukal ikaw nman ay bulak.”
Tumawa ang Agila sa narinig na sinabi ni Maya. Tuwang-tuwa talaga siya, bakit nga naman hindi eh, mas hamak na magaan ang bulak na dadalhin niya kumpara sa mabigat na asukal na dadalhin naman nito.
“O ano, Agila, payag ka ba?” untag ni Maya.
“Aba oo, payag na payag ako.”
“Sige doon tayo mag-uumpisa sa ilog na ‘yon at doon tayo hihinto sa ituktok ng mataas na bundok na iyon,” wika pa ni Maya.
Gusto ng matawa ni Agila sa katuwaan dahil tiyak na ang panalo niya, subalit hindi siya nagpahalata.
At sisimulan nga nila ang paligsahan.
Habang nasa kalagitnaan na sila ng kalawakan ay siya namang pagbuhos ng malakas na ulan. Nabasa ang bulak na dala-dala ni Agila kaya bumigat ito ng husto. Nahirapan si Agila , kaya bumagal ang lipad niya.
Samantalang ang mabigat sa asukal na dala-dala naman ni Maya ay nabasa din ulan kaya natunaw ito. Napabilis ang lipad ni Maya.
Dahilan sa pangyayari, unang nakarating si Maya sa ituktok ng mataas na bundok at tinalo niya ang mayabang na Agila.
MENSAHE:
Maging mapagpakumbaba sa lahat ng ating mga ginagawa. Huwag maging mayabang at huwag ding maliitin ang kakayahan ng ating kapwa.

Source: http://tl.answers.com/Q/Isang_halimbawa_ng_pabula

Ang Inahing Manok at ang Kanyang Mga Sisiw

Isang inahing manok na may anak na tatlong sisiw ang naninirahan sa gitna ng taniman ng mais. Isang araw, lumabas ng bahay ang magsasakang may-ari ng taniman at sinabing, “Panahon na upang anihin ko ang aking maisan! Kailangan tawagin ko ang aking mga kapit-bahay upang tulungan ako sa aking pag-ani bukas!”
Narinig ito ng mga sisiw at agad iminungkahi sa kanilang ina, “Kailangang lumikas na tayo rito at humanap ng ibang matitirahan inang! Kung hindi, matatagpuan tayo rito ng mga magsisipag-ani bukas at huhulihin upang patayin!”
“Huwag kayong mabahala mga anak,” ang wika ng inahing manok. “Kung mga kapit-bahay lamang ang aasahan niya, hindi agad magsisipag-kilos ang mga iyon! May panahon pa tayo upang manirahan dito.”

Tama nga ang sinabi ng inahing manok. Sapagkat kinabukasan nga’y walang mga kapit-bahay na dumating upang tumulong sa pag-ani ng magsasaka.

“Kung hindi ko maasahan ang aking mga kapit-bahay, sa aking mga kamag-anak ako lalapit upang humingi ng tulong sa isasagawa kong pag-ani bukas!”

“Narinig ng mga sisiw ang sinabi ng magsasaka at dali-daling iminungkahi sa kanilang ina. Ngunit muli, hindi nabahala ang inahing manok at sinabing, “Kung sa mga kamag-anak lamang siya aasa hindi magsisipagsunod ang mga iyon! May mga trabaho ring dapat asikasuhin ang mga iyon at tiyak na hindi maasahan. May panahon pa tayo para manirahan dito mga anak!”

Kinabukasan nga’y tama uli ang sinabi ni inahing manok. Walang kamag-anak na dumating ang magsasaka upang tulungan siya sa pag-ani sa maisan.

Dahil dito, napilitan ang magsasakang tawagin ang kanyang anak at sinabing, “Bukas na bukas din, tayong dalawa na lamang ang aani sa ating pananim. Wala tayong ibang maaasahan kundi ang ating mga sarili!”

Nang marinig iyon ng mga sisiw, dali-dali silang nagtungo sa kanilang ina at iminungkahi rito ang sinabi ng magsasaka.

Noon nagdesisyon ang inahing manok na lumisan sila sa lugar na iyon, at sinabing, “Kung sinabi ng magsasaka na siya na ang gagawa ng pag-ani, dapat tayong maniwala! Sapagkat totoong walang sinuman siyang maaasahan kundi ang kanyang sarili!”

Ibangbersiyon:

May isang inahing manok ang may anim na sisiw. Kung nasaan ang inahing manok ay naroon ring nakasunod ang mga sisiw nito. Palagi silang sagana sa pagkain kaya sila’y palaging masaya.
Sa isang isang bakuran naroon sina inahing bibi at ang kanyang anim ring mga maliliit na bibi na nagsisipaligo at naglalaro sa isang maliit na balon.
Natanaw ng mga sisiw ang mga nagsisipaglangoy na mga bibi. Lumapit sila sa gilid ng balon at doo’y pinanood ang masasayang mga bibi.
“Umalis kayo sa gilid ng balon!”, sigaw ni inahing manok.
Waring walang narinig ang mga sisiw sa sinabi ng inahing manok. “Masdan n’yo ang mga sisiw na nagsisipaligo sa balon,” ang sigaw ng isang sisiw.
“Hindi iyon mga sisiw. Sila’y mga bibi. Hilig nila talaga ang tubig. Umalis na kayo sa gild ng balon dahil baka kayo’y mahulog at malunod. Halina kayo’t tayo’y aalis na.” ang wika ng inahing manok.
Patungo na ang inahing manok sa kanilang pugad kasunod ang limang sisiw. Ang isang sisiw ay nagpaiwan at nanatiling nakamasid sa mga nagsisipaligong bibi.
Naisip niyang kung kayang lumangoy ng mga maliliit na bibing iyon sa tubig ay kaya rin niyang isang sisiw. Kaya’t siya’y tumalon sa tubig, ngunit huli na ang lahat nang mapag-isip-isip ng matigas na ulong sisiw na hindi niya kayang lumangoy, kaya’t siya’y nalunod.

Mula sa:

http://tl.answers.com/Q/Pabula_ang_inahing_manok_at_ang_kanyang_sisiw

http://www.seasite.niu.edu/Tagalog/Tagalog_for_Kids/mga_pabula_ni_Aesop.htm#ANG%20LOBO%20AT%20ANG%20KAMBING

Ang Aso at ang Kanyang Anino

Isang aso ang nakahukay ng buto sa lupa. Tuwang-tuwa siya at dali-daling hinawakan ang buto sa pamamagitan ng kanyang bibig.

Dinala niya ang buto upang iuwi sa kanyang tirahan, ngunit nang siya ay malapit na, napadaan siya sa isang ilog. Pinagmasdan niya ang ilog at doo’y nakita niya ang sariling anino. Sa pag-aakalang ibang aso iyon na may hawak-hawak ring buto sa bibig, tinahulan niya iyon nang tinahulan upang maangkin din ang butong pag-aari nito.

Dahil dito, humulagpos mula sa kanyang bibig ang butong hawak-hawak at nahulog sa ilog. Tinangay ng agos ang buto at hindi na uli nakuha pa ng sakim na aso.