Legends (Fruits and Vegetables)

Mga Alamat (Mga Prutas at Mga Gulay)

Alamat ng Pinya
(The Legend of Pineapple)

Noong araw, may isang batang lumaki sa layaw. Pinang ang kaniyang pangalan. Mahal na mahal siya ng kanyang biyudang inang si Aling Rosa. Kahit mahirap lang sila, pinilit ni Aling Rosa na ibigay ang lahat ng hiling ng anak kung kaya’t lumaki si Pinang na tamad at may katigasan ang ulo.

Isang araw, nagkasakit si Aling Rosa. Nang siya ay nakaramdam ng gutom ay pilit siyang bumangon. Subalit hindi nakayanan ng nanghihina niyang katawan kaya’t tinawag niya si Pinang na noo’y nakikipaglaro lang sa mga kapitbahay. Inutusan niya itong magluto ng lugaw. Ipinaliwanag ng ina kung paano magluto ng lugaw. Pagkatapos ay padabog na tumalilis patungong kusina si Pinang.

Sa kusina, padabog na hinanda ni Pinang ang kalan at kaldero. Nang hindi makita niya ang bigas, mabilis itong bumalik sa kuwarto ni Aling Rosa at padabog na tinanong kung saan naroroon ang bigas. “Nasa loob lang ng sako sa tabi ng kalan,” tugon ng hapong-hapong ina.

Kunot-noong bumalik si Pinang sa kusina at kumuha ng kalahating gatang ng bigas. Dali-dali niyang nilagay and bigas sa kaldero, tinubigan at isinalang sa kalan. Pagkatapos ay bumalik si Pinang sa pakikipaglaro sa mga kapitbahay.

Muling tinawag ni Aling Rosa ang anak ng marinig niyang kumukulo na ang lugaw. Mabigat sa loob na umuwi si Pinang. Hahaluin na sana nito ang lugaw nang hindi niya mahagilap ang sandok.

Ginising niya ang natutulog na ina at pasigaw na tinanong kung nasaan ang sandok. Nayamot si Aling Rosa sa anak at nagwikang “Bakit kasi parating bibig ang ginagamit mo sa paghahanap. Sana’y tubuan ka ng napakaraming mata para madali mong mahanap ang mga kagamitan.”

Tumugon si Aling Rosa at padabog ulit na bumalik si Pinang sa kusina. Hindi na nakarinig ng anumang reklamo mula kay Pinang si Aling Rosa hanggang sumapit ang gabi.

Kinaumagahan, gumaan ang pakiramdam ni Aling Rosa. Dagling hinanap niya si Pinang ngunit hindi niya ito nakita kahit sa mga kapitbahay. Habang nagwawalis ng bakuran, napansin niya ang isang kakaibang halamang may dilaw na bunga. Ang bunga ay hugis ulo at napapalibutan ng mga hugis mata. Naalala niya ang sinabi niya sa anak noong may sakit siya. Ito na nga kaya si Pinang? Siya na nga kaya ang kauna-unahang pinya?

Alamat ng Bayabas
(The legend of Guava)
Noong unang panahon, may isang sultan na lubos na kinatatakutan ng lahat. Sobra sa lupit ang nabanggit na pinuno na tinatawag sa pangalang Sultan Barabas. Marami na siyang pinapatay. Hindi na rin mabilang ang pinakulong niya sa piitan. Laging nangangamba ang mga tao na sa maliit na pagkukulang ay napakalaking parusa ang ipataw sa kanila. Matanda man o bata ay takot na takot kapag nababanggit ang pangalang Sultan Barabas. Para sa nakararami ang Barabas ay kasingkahulugan ng kawalan ng katarungan.
Hindi lamang malupit si Sultan Barabas. May kayabangan din siya. Gusto niyang yumuyuko ang mga tao kapag ipinatatawag niya. Nais niyang isipin ng lahat na lagi siyang nakatataas sa kanila. Ito ang dahilan kung bakit laging nakasubsob sa ulo niya ang makinang na korona. Ang nabanggit na korona ay laging suot niya saan man siya magpunta. Kahit sa pagtulog ay mahigpit na yakap-yakap pa rin niya ang koronang lalong nagpapayabang sa katauhan niya. Nangunguna rin sa kasakiman si Sultan Barabas. Ang malawak na hardin niya na pinamumungahan ng iba’t-ibang prutas ay hindi niya pinapapasukan kaninuman. Gugustuhin pa niyang mangabulok ang mga makopa, mangga, at chesa na bunga ng mga puno kaysa sa ipamigay sa sinumang maralitang kumakalam ang tiyan.
Ang kawalan ng katarungan ni Sultan Barabas ay minsan na namang napatunayan. Ayaw na ayaw ng Sultan na gabi na ay nasa lansangan pa ang sinuman sa kanyang mga nasasakupan. Isang mangingisda noon ang minalas na hinatinggabi sa panghuhuli ng isda. Sapagkat walang awa sa kapw pinadakip ni Sultan Barabas ang mangingisda, at pagkatapos ay patiwarik na ilublob ito sa tubig, at ipinakulong pa ni Barabas ang pobre.
Nakarating sa asawa ng mangingisda na isang magdadaing ang balitang pagpaparusa at pagpapakulong. Dali-dali itong nagpunta. Kahit alam niyang natutulog pa ang Sultan at pinuntahan niya at kinatok ang tirahan ng pinuno.
Galit na galit na nagising ang Sultan. Itinanong ng mayabang na pinuno kung sino siya. Sinabi ng kumakatok na magdadaing na asawa siya ng mangingisda at naroon sya upang makiusap na pakawalan ang ikinulong. Nagkibitbalikat lang ang gahaman. Nang malaman ng Sultang ekspertong magdadaing ang nagmamakaawa ay nakaisip ng paraan ang tuso. Lalo itong naggalit-galitan. Ipinatawag niya ang mga kawal at ipinakagat sa mga langgam ang kaawa-awang magdadaing bago ito ipinakulong sa piitan. Kahit nakakulong ay natutuwa ang mag-asawa sapagkat sila ay muling nagkita. Upang maging mga produktibong alipin ng Sultan, ang bawat isdang mahuhuli ng mangingisda ay pinalalagyan agad ng suka kaagad sa magdadaing.
Bagamat maligaya ang mag-asawa na kahit mga alipin ay magkasama, sumasagi rin sa kanila ang kalungkutan kapag naaalala nila ang tanging anak na naiwan sa kanilang tahanan. Hindi alam ng mag-asawa na habang wala sila sa tirahan may mga ada namang nagbabantay sa kaisa-isa nilang mahal sa buhay na kahit totoy na totoy pa lang sa kamusmusan ay marunong na ring manindigan.
“Saan po ba naroon ang tatay at nanay ko?”
“Nasa kaharian sila ni Sultan Barabas. Pinarusahan sila at ipinakulong sa mga kasalanang hindi nila dapat pagdusahan.”
“Tulungan po ninyo ako. Gusto ko po silang makawala sa kulungan.”
Nang nakita ng mga ada na lumuluha ang kaisa-isang anak ng mangingisda at magdadaing ay naawa sila. Nang gabi ring iyon ay inilawan nila ang daan ng inosenteng bata papunta sa kaharian. Ang mahimbing na pagtulog ng Sultan ay lubhang nagambala ng malakas na katok ng bata sa pintuan ng kaharian.
“Sino ka at sa ganitong oras ng gabi ay kumakatok ka sa palasyo ko?”
“Gutum na gutom na ako. Hihingi ako ng pagkain sa mesang kainan mo.”
“At bakit ka sa akin hihingi ng pagkain mo?” nag-aalborotong tanong ng Sultan.
“Pinasisid mo sa dagat ang ama kong mangingisda. Ang ina ko naman ay pinagdadaing mo. Sila ang dahilan kaya marangyang-marangya ang iyong mesang kainan.”
“Hindi ikaw ang nagpagod upang mangisda at magdaing. Mga magulang ko ang iyong inalipin. Sa anumang kanilang itinanim, sila ang may dapat anihin!”
“Aba napakaliit mong bata ka, akala mo kung sino ka. Hindi mo ba alam na Sultan akong dapat igalang?” nangangalog ang babang sigaw ng gahaman.
Napansin ng bata ang makinang na koronang naiwan ng Sultan sa higaan. Tinakbo niya ito at isinuot at nang-iinsultong nagwika “ang korona ay ipinapatong lang sa ulo ng lider na mabuti sa tao. Masama ka ipinakulong mo ang ama at ina ko. Ngayon ako naman ang habulin mo at ipakulong mo,” nang-iinis na nagtatakbo sa loob ng palasyo ang bata.
Sa sobrang galit ng Sultan ay hinabol niya nang hinabol ang musmos. Hindi maabut-abutan ng sukab ang inosenteng bata sapagkat inililipad ito ng mga ada. Nakarating ang habulan sa malawak na harding kinatatamnan ng maraming punungkahoy. Sa sobrang pagod ay sumakit ang dibdib ng Sultan at ikinatumba nito. Noon din ay namatay ang Sultang walang pagpapahalaga sa tunay na kahulugan ng katarungan.
Sa lugar na kinatumbahan inilibing ang Sultan. Ang kamatayan ng ganid na dapat sana ay ipinagluksa ay ikinatuwa pa ng marami.
Ang humaliling Sultan ay kakaiba sa namatay. Tinitimbang niyang mabuti ang bawat paratang sa sinumang nagkakasala. Hindi rin siya padalus-dalos sa pagpapataw ng parusa. Sinisikap niyang magbigay ng isang makatarungang pagpapasiya sa kaso ng sinumang nasasakupan niya mahirap man o mayaman. Para sa kanya ang lahat ay pantay-pantay sa napipiringang katarungan.
Sapagkat totoong makatarungan, pinalaya at tinulungan ng bagong Sultang makapamuhay nang matiwasay ang mangingisda at magdadaing. Binigyan niya ng karapatan ang inosenteng bata na malayang makapupunta sa hardin upang makapamitas ng prutas na kanyang piliin. Ipinagdiwang ng lahat ang panunungkulan ng makatarungan Sultan.
Isang araw na naglilibot sa hardin ng palasyo ang bagong Sultan ay nakatawag ng pansin niya ang isang halamang tumubo sa pinaglibingan kay Barabas. Pinadiligan niya ito sa mga hardinero at ipinaalagaan araw-araw.
Ilang taon din ang nakaraan at naging malaking puno ang halaman. Nagtataka ang Sultan nang mamunga ang puno sapagkat mukha itong ulo ng tao na may korona sa tuktok.
“Si Barabas yan!” sigaw ng mga tao. Nang tikman nila ang bunga ay nagulat sila.
“Pagkapait-pait! Kasimpait ng ugali ni Barabas!”
Ilang araw lang ang lumipas ay lumaki na ag mga bunga ng berdeng prutas, Nang kagatin ng mga bata ay napangiwi sila.
“Pagkaasim-asim! Kasing asim ng mukha ni Barabas!”
Hindi nagtagal, ang mga berdeng bunga ay dumilaw at naging hinog na. Napangiti ang lahat nang pitasin ang mga bunga at kagatin.
“Pagkatamis-tamis! Pagkasarap-sarap ng Barabas!”
Magmula noon, tinawag na Barabas ang berdeng prutas na may nakapatong na korona. Minsang nanungkit ng berdeng prutas ang ilang paslit na bata at tanungin ng mga nakatatanda kung ano ang tawag sa nabanggit na bunga ay sabay-sabay silang nagsisagot na, “Barabas, Barabas, Bayabas!”

Alamat Ng Lansones
(The Legend of Lanzones)
Sinasabing ang puno ng lansones ay karaniwang makikita sa Luzon. Gayunman, walang gaanong pumapansin dito. Isang araw, isang magnanakaw ng kalabaw ang hinahabol ng mga tao. Napagawi ito sa lansonesan at doon nagtago. Sapagkat gutom na gutom na rin ang magnanakaw sa katatakbo, pumitas siya ng lansones at kumain. Nalason siya. Dinatnan siya ng mga taong patay at may bakas pa ng bula sa bibig. Mula noon, pinagkatakutan ang lansones. Walang nangahas kumain nito.
Minsan, isang babaing nakaputi ang dumating. Palakad-lakad ito sa may lansonesan. Pakanta-kanta ang babae kaya marami ang nakatingin sa kanya pero nangangamba namang makipag-usap. Nakita ng lahat na kumuha ng bunga ng lansones ang babae at nagsimulang kumain. Inasahan ng mga nanonood na mamamatay siya pero walang nangyari sa kanya. Kinambatan niya ang mga tao para lumapit. “Alam kong nagugutom kayo, inalisan ko na ito ng lason. Maaari na ninyong kainin.” Takot pa rin ang mga tao. Pero inabutan sila ng babae ng lansones. “Makikita ninyong may bakas ng kurot ang prutas. Iyan ang tanda na inalisan ko na ito ng lason. Kumain na kayo.” At nawala ang babae.
Sinapantaha ng lahat na isang ada ang babae. Tinikman nilang lahat ang prutas. At naroon nga ang bakas ng kurot, wari’y lalong nagpalinamnam sa lansones.

Alamat Ng Saging
(The Legend of Banana)
Noong unang panahon, isang magandang babae ang nakakilala ng isang kakaibang lalaki. Ito ay isang engkanto. Masarap mangusap ang lalaki at maraming kuwento. Nabihag ang babae sa engkanto. Ipinagtapat naman ng engkanto na buhat siya sa lupain ng mga pangarap, at hindi sila maaaring magkasama. Gayunman, umibig ang babae sa lalaki.
Isang araw, nagpaalam ang binata. Sinabi niyang iyon na ang huling pagkikita nila. Nang magpaalam ang engkanto, hindi nakatiis ang babae. Ayaw niyang paalisin ang lalaki. Maghigpit niyang hinawakan ang kamay ng lalaki para huwag itong makaalis. Pero nawala ang lalaki, at sa matinding pagkabigla ng babae, naiwan sa kanya ang kamay nito. Nahintakutan ang babae. Dali-dali niyang ang kamay sa isang bahagi ng bakuran.
Kinaumagahan, dinalaw niya ang pook na pinagbaunan ng kamay. Napansin niyang isang halaman ang tumutubo. Makaraan ang ilang buwan, tumaas ang puno na may malalapad na dahon. Nagkabunga rin ito na may bulaklak na itsurang daliri ng mga kamay. Ito ang tinatawag na saging ngayon.

Alamat Ng Mangga
(The Legend of Mango)
Kaisa-isang anak nina Aling Maria at Mang Juan si Ben. Mabait at matulungin si Ben. Nagmana siya sa kanyang mga magulang na mababait din naman. Isang araw, isang matandang pulubi ang kinaawaan ni Ben. Inuwi niya ang pulubi sa bahay, ipinagluto at pinakain. Isang araw naman, samantalang nangangahoy, isang matandang gutom na gutom ang nasalubong niya. Pinakain din niya ito at binigyan ng damit.
Makaraan ang ilang panahon, nagkasakit si Ben. Sa kabila ng pagsisikap ng mag-asawa na pagalingin ang anak, lumubha ito at namatay pagkatapos. Ganoon na lamang ang iyak ng mag-asawa. Kinabukasan, habang nakaburol ang kanilang anak, dumating ang isang diwata. Hiningi nito ang puso ni Ben, Ibinaon ng diwata ang puso sa isang bundok. Ito ay naging punongkahoy na may bungang hugis-puso. Marami ang nakikinabang ngayon sa bungang ito.

Alamat ng Kasoy
(The legend of Cashew)
Noong unang panahon ay nasa loob ng kasoy ang abuhing buto nito. Lungkot na lungkot ang buto sapagkat madilim na madilim na sa loob ng kasoy. Lalo itong nalungkot nang malamang magdaraos ng isang handaan ang Ada ng kagubatan. Sa gabi ng handaan ay ipinatawag ng Ada ang lahat ng mga hayop at halaman.
Ang buong kagubatan ay nagliliwanag sa tama ng mga ilaw ng parol ng mga Alitaptap. Ang huni ng mga Kuliglig at kokak ng mga Palaka ay sumasaliw sa awit ng mga Maya. Masayang kasayaw ng mga Kuneho ang mga Usa, ng mga Elepante ang mga Tamaraw, ng Zibra ang Tsonggo. Kapareha naman ni Kangkong ang Sitaw, ni Mangga ang Dalanghita, ni Saging ang Papaya.
Lahat ay nagsasayaw. Lahat ay kumakanta. Masayang-masaya sa kagubatan. Bukod tanging ang buto ng kasoy ang lungkot na lungkot.
“Mabuti pa sila, nakikita ang masayang paligid. Heto ako nakakarinig ng awit at tawanan pero hindi naman nakikita ang katuwaan.”
Naulinigan ng makapangyarihang Ada ang himutok ng Buto.
“Gusto kong maging maligaya ka. May kahilingan ka ba?”
“Ayoko pong nakakulong sa madilim na lugar na kinalalagyan ko. Naiinggit ako sa ibang hayop at halaman na tuwang-tuwa kapag may handaan sa kagubatan. Nakakasama sila sa pagsasaya. Hindi lang nila naririnig kundi nakikita pa ang katuwaan ng lahat. Maawa kayo, mahal na Ada. Gawan ninyo ng paraang makalabas po sana ako sa pagkakakulong ko sa loob ng prutas na ito.”
Naantig ang maawaing damdamin ng mahal na Ada. Iwinasiwas nito ang nagniningning na pananglaw. Sa isang iglap ay nakalabas sa madilim na kulungan ang mga Buto. Masayang-masayang napanood ng Buto ng Kasoy ang sayawan, kantahan at pagkakatuwaan ng mga hayop at halaman.
Ang malakas na pagkokak ng mga Palaka at paghuni ng mga Kuliglig ay sumaliw sa awit ng mga Maya. Sa tuwa ng Elepante ay kumembot-kembot ito sa pag-indak. Napapasabay din sa pag-imbay ang mahagway na Kawayan kasama ang Pagong na nagbababa at nagtataas ng bahay-bahayan.
Hatinggabi na nang iwinasiwas na muli ng butihing Ada ang kanyang makinang na pananglaw. Hudyat iyon ng pamamahinga. Pinatay na ng mga Alitaptap ang parol nila.
Nalungkot ang buto nang dumilim na ang paligid. nahahalinhan ng takot at lungkot nang kumulog at kumidlat. Napansin ng Buto na nagsipagtago ang mga hayop sa mga kuweba. Mahigpit namang ikinabit ng mga halaman ang mga ugat sa ilalim ng lupa.
Tulad ng dapat asahan, bumuhos na ang malakas na ulan. Takot at kinakaliglig sa takot ang Buto.
“Ga…Ganito pala sa labas. Ma…Mamamatay ka sa sobrang ginaw. Mabibingi ka sa ingay ng kulog. Malamang na tamaan ka pa ng kidlat. A…Ayoko na sa labas.”
Hindi pinakinggan ni Ada ang abuhing Buto ng Kasoy. Bilang panghabambuhay na parusa ay pinamalagi ng Adang manatili sa labas ng Kasoy ang abuhing Buto nito.
Iyan ang alamat ng kasoy at ng di nito makuntentong Buto.

Bakit Nasa Labas Ang Buto Ng Kasoy?
(Why is the seed of cashew on the outside?)
Noong unang panahon, katulad ng ibang prutas, nasa loob din raw ng bunga ang buto ng kasoy. Subalit ayon sa sabi-sabi mainipin daw ang buto nito.

“Ang lungkot naman dito, nakakainip. Gusto kong lumabas. Gusto kong makita ang kagandahan ng kapaligiran,” wika ng buto ng kasoy.

Narinig ito ng Diwata ng Kagubatan. “Nais mo ba talagang makita ang kariktan ng kapaligiran? Gusto mo bang lumabas sa iyong bunga?”, ana ng Diwata.

“Opo, Inang Diwata, gusto ko po sana, kung iyong mamarapatin,” pahayag ng mainiping buto.

“Maganda nga sa labas ngunit ito’y mapanganib. Kaya mo bang harapin ang init at lamig sa labas? Mababasa ka pag bumuhos ang ulan. Mahihirapan kang makakita pag sapit ng gabi. Mas komportable at tahimik sa loob ng iyong bunga,” paliwanag ng Inang Diwata.

“Opo. Kakayanin ko po, basta’t makita ko lamang ang nasa labas,” panindigan ng makulit na buto.

“O siya. Maari kong pagbigyan ang iyong hiling, subalit hindi ko na maari pang bawiin ang aking mahika. Hindi ka na maari pang bumalik sa loob,” kundisyon ng Diwata.

“Sige po. Hindi ko po hihilinging makabalik pa ulit sa loob ng bunga ko,” pangako ng buto.

Kumumpas ang Inang Diwata. Namulat ang buto ng kasoy sa kagandahan ng kapaligiran. Galak na galak ang buto sa kanyang nakita. “Hindi ko akalaing ganito pala kaganda ang mundo. Salamat Inang Diwata, pinasaya mo ako ng lubos,” tuwang sambit ng buto.

“Walang anuman, mahal na buto. Tandaan mo lang ang iyong pangako,” sambit ng Diwata at naglaho.

Magdamag na nagmasid ang buto habang nakatungko sa ulunan ng kanyang bunga. Nang unti-unting dumilim ang paligid, nakaramdam ng pangamba ang munting buto. Nangutim ang mga ulap, nagbabadya ng mabigat na pag-ulan. Nagpalitan ng galit? ang kulog at kidlat.

“Inaykupo. Bakit nagging ganito? Nakaktakot pala ditto. Gusto ko nang bumalik sa loob. Brrrr. Nanlalamig na ako,” nanginginig na saklolo ng buto. Naisip niyang tawagin ang Inang Diwata upang humingi ng saklolo. Subalit naalala niya ang pangako niya sa Diwata na hindi na siya maari pang humiling na makabalik sa loob.

“Tama nga ang Inang Diwata. Sana’y hindi na ako nagmatigas na masunod ang gusto ko,” malungkot na wika ng nanlulumong buto.

Ang Alamat Ng Singkamas
(Legend of the Turnip)

Nangyari ito noong unang panahon bago pa lamang sinakop ng mga Kastila and ating bayan. Dahil sa bagong salta pa lamang ang mga dayuhan, at hindi nila kabisado ang sulok-sulok ng mga bayan, inutusan ng gobernadorsilyo ang kanyang limang sundalo na mamasyal at magmasid sa baryo at pag-aralan ang maraming bagay na matatagpuan sa ating bayan.
Sa kanilang paglalakad nakakita sila sa gitna ng maluwang at patag na bukirin ng mga magsasaka na may binubunot na kung anong halaman. Nilapitan nila ang magsasaka at nakita ang halaman na mapuputi at medyo bilog na mga laman.. Humingi ang mga sundalo sa magsasaka ng tubig ngunit hindi sila maintindihan ng mga ito. Lumapit ang mga kawal at sinabing “Uhaw na uhaw na kami at nagugutom puwede nyo ba kaming bigyan niyan.” Sabay turo sa halamang hawak ng magsasaka, ngunit hindi pa rin nila maunawaan ang salita nito.

“Alam ko na!” ang sabi ng isang magsasaka. “Nanghihingi sila ng ating ani.” At saka inabot sa kawal ang isang malaking laman. Tinalupan niya ito at ibinigay sa kawal na Kastila. Pagka-ubos ng isa ay nasarapan ang kawal sabay sabi ng “Cinco mas!” na ang ibig sabihin ay “lima pa”. “Singkamas pala ang tawag dito.”
Binigyang muli ng mga magsasaka ang kawal. “Si cinco mas” tugon muli ng nakangiting kawal at nagpasalamat ang mga sundalo.

Pagkaalis ng limang sundalo ay tinikman ng mga magsasaka ang dati’y hindi nila kinakain na halaman. “Malamig pala at makatas!” ang halo magkapanabay na wika nila. “Mainam na pamatid uhaw! And sabad naman ng isa. Kumain sila ng marami hanggang sa mawala ang uhaw nila. Pag-uwi ay pinagbigay alam nila sa kanilang kababaryo ang lahat ng pangyayari. Mula noon ang laman ng makatas, maputi at manamis namis na halaman at tinawag na nilang SINGKAMAS, hango sa mga salitang “CINCO MAS”.

Alamat ng Upo
(The Legend of Gourd)
Noong unang panahon ay may kakaibang uri ng upo na tumubo sa hardin ni Tandang Teban. Nang makita ng matanda ang lumalaking halaman, maingat niyang ikinapit ng paikot ito sa maliit na kawayan para sa gumapang ito sa balag.
Hindi nagustuhan ng halaman ang plano ng matandang lalaki. Gusto niyang lumaki ng malaya katulad ng ibang halaman. Kinausap ng halaman ang hangin.
“Kaibigang hangin, tingnan mo ako,” ang sabi ng halaman. “Ako ay parang alipin ni Mang Teban. Kailangan ko ang tulong mo. Gusto kong lumaki ng malaya tulad ng mga damo, at ibang halaman sa paligid ko. Tingnan mo ang saging, ang rosas, ang sampagita at nag ibang halaman dito. Malaya sila. Kaya aking kaibigan, nakikiusap ako na umihip ka nang malakas para matanggal ang pagkakatali ko dito.”
“Hindi basta-basta ang kahilingan mo.” Sagot ng hangin, “pero kung iyon ang gusto mo, gagawin ko ang iyong kahilingan,” At umihip ng malakas ang hangin. Umihip pa ng malakas , at nasunod nga ang gusto ng upo, na maging malaya ito.
“Salamat,” sabi ng nagagalak na upo. At gumapang ang baging nito sa lupa ng malaya.
Samantala, may isang aso ang naghahanap ng buto ang dumating. Naapakan ng aso ang maliit na baging ng upo, at nakita na ang buto. Nang kunin na ng aso ang buto papalayo, natangay din ng aso ang isang bahadi ng baging malayo sa puno nito. Ang kawawang halaman hindi lang naging maiiksi, nasira pa ang ibang bahagi nito.
Kinabukasan ng bisitahin ni Mang Teban ang upo, nakita niya ito sa kaawa-awang kalagayan. Muli ay ikinapit niya ito sa maliit na poste ng kawayan. Naginhawahan ang upo sa ginawa ni Mang Teban.
Makalipas ang ilang araw, inayos ni Mang Teban ang balag na gagapangan ng mga baging ng upo. Namulaklak ang upo. Ang mga dahon ay nagbigay ng lilim habang ang mga bulaklak at bunga nito’y nagdudulot ng kaligayahan sa mga nakakakita dito.
Minsan ay umihip ng malakas ang hangin at nilalaro ang mga dahon ng upo. Hiniling ng halaman sa hangin na huwag umihip ng malakas para ‘wag siyang malaglag sa lupa.
“Noong ikaw ay munti pa lamang, hiniling mo sa akin na ihiwalay kita sa poste ng kawayan para makagapang ng malaya sa lupa,” sagot ng hangin. “Ngayon nama’y hinihiling mo na ‘wag kitang pinsalain. Nakakataw ka talaga!”
“Mayroon akong ‘di makakalimutang karanasan,” sabi ng upo. “Alam ko na ang lahat ng nilalang dito sa mundo ay may kanya-kanyang paraan ng pamumuhay. Sa karanasan ay marami kang matutuhan.”

About these ads

One response to “Legends (Fruits and Vegetables)

  1. ..hahahahahahahahahhahahahahahahahahahahahaha.. hahahahahahahahahahahahahahaha..hahahahahahaha.hahahahahahaha..hahahahahahahhaha..hahahahahahha
    ..hahahahahahaha

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s