Legends (Flowers and Plants)

Mga Alamat (Mga Bulaklak at Mga Halaman)

Alamat ng Makahiya
(The Legend of Makahiya)
Noong unang panahon ay may mayamang mag-asawa, sina Mang Dondong at Aling Iska. Mayroon silang labindalawang taong gulang na anak na babae na nagngangalang Maria. Mahal na mahal nila ang kanilang anak.
Si Maria ay responsible at masuring anak. Masipag at mabait, dahil dito ay gusto siya ng lahat.
Ngunit ang pagkamahiyain ay isa sa natatanging katangian ni Maria. Dahil sa mahiyain ay ilang sya sa pakikipag-usap sa mga tao. Para maiwasan niya ang makita o makisalamuhan sa mga tao, ay palagi niyang kinukulong ang sarili niya sa kanyang silid.
Mayroong hardin ng mga bulaklak si Maria. Ang mga bulaklak ay magaganda at alam ito ng buong bayan. Matiyaga at magiliw niyang inaalagaan ang kanyang mga halaman. Sapagkat dito siya nakakakita ng kaligayahan.
Isang araw, ay kumalat ang balita na isang grupo ng mga bandido ang sumalakay sa kalapit bayan. Pinapatay ng mga bandido ang mga tao at tinatangay ang salapi ng mga residente.
Kinabukan, ang mga bandido ay dumating kung saan naninirahan si Mang Dondong at Aling Iska at ang anak na si Maria. Nakita ni Mang Dondong na parating ang mga bandido, nagdesisyon siya na itago si Maria sa hardin para sa kaliktasan nito.
Nagtago si Aling Iska sa kanilang bahay, nanginginig sa takot habang naririnig niyang pilit binubuksan ng mga bandido ang kanilang tarangkahan. Siya ay nagsambit ng panalangin para sa paghahanda kung ano man ang maaaring mangyari.
“Aking Panginoon!” panalangin ni Aling Iska. “Iligtas nyo po ang aking anak.”
Biglang nabuksan ang pinto. Pumasok ang mga bandido sa bahay at pinalo sa ulo si Mang Dondong. Nawalan ng malay si Mang Dondong at bumagsak sa lapag. Sinubukan na tumakas ni Aling Iska pero pinalo rin siya sa ulo.
Ginalugad ng mga bandido ang buong bahay. Matapos kuning lahat ang salapi at alahas, hinanap nila si Maria. Pero di nila nakita ito. Umalis na ang mga bandido para nakawan ang ibang pang bayan.
Nang matauhan na ang mag-asawa ay nakaalis na ang mga bandido. Nagmadali silang pumunta sa hardin para hanapin si Maria. Pero wala doon si Maria. Muli, ay hinanap nila ang kanilang anak sa lahat ng sulok ng hardin pero wala doon ang kawawang si Maria.
“Ang anak ko! Tinangay nila ang anak ko!” iyak ni Aling Iska
Biglang-bigla ay naramdaman ni Mang Dondong na may tumusok sa kanyang mga paa. Nagulat siya dahil may nakita siyang isang maliit na halaman na mabilis na tumitiklop ang mga dahon nito. Ito ang unang beses na makakita ng ganitong uri ng halaman. Siya ay lumuhod at tinitigang mabuti ang halaman, ganon din ang ginawa ni Aling Iska. Pagkatapos ng matagal na panahon na tinitigan ang halaman, ang mag-asawa ay naniwalang ang halaman iyong ay si Maria. Ginawang halaman ng Panginoon si Maria para mailigtas sa mga bandido.
Hindi mapigilan di mapaiyak si Aling Iska at Mang Dondong, ang bawat luha na pumapatak sa halaman ay nagiging isang maliit, bilog na kulay rosas na bulaklak.
Magmula noon ay inalagaan nila ng mabuti ang halaman. Naniniwala sila at alam nila na ang halaman ay ang anak nilang si Maria. Katulad ng kanilang anak, ang halaman ay mahiyain din. Dahil dito ay tinawag nila itong “makahiya”, dahil nagtataglay ito ng katangian ni Maria – pagkamahiyain – at tinawag na nga itong “makahiya”.

Ang Alamat ng Ilang-Ilang
(The Legend of Ilang-Ilang)
Sa isang nayon, may mag-asawang matagal na ring di magkaanak s kabila ng kasaganaan nila sa buhay. Abot ang dasal nila kay Bathala na sana’y pagkalooban nga sila ng anak.
Isang gabi, habang nananalangin ang babae, nagpakita ang isang anghel sa kanya at nagwika, “Huwag kang matakot. Isinugo ako ni Bathala upang maghatid ng magandang balita. Kayo ay bibigyan na ng anak na babae na napakaganda. Tawagin ninyo siyang Ilang, subalit iwasan ninyo na mahawakan siya ng lalaki. Kapag nangyari iyon, mawawala sa inyo ang inyong anak,” pahabol ng anghel.
Nang nadalaga na si Ilang, maraming lalaki ang naakit sa kaniya.
Labis na nangamba ang mga magulang niya na baka mahawakn ng mga lalaki kaya’t kinulong nila sa isang silid ang anak.
Matinding kalungkutan ang nadama ni Ilang. Lagi siyang umiiyak araw at gabi. Gabi-gabi ay nananalangin siya.
Dininig ni Bathala ang panalangin ni Ilang. Isang araw, biglang nabuksan ang bintana sa silid ni Ilang at siya’y tuwang-tuwang nakalabas. Nagmasid sa magandang hardin at lumanghap ng sariwang hangin. Walang anu-ano, biglang may nakakita sa kaniya. Tinawag siya ng isang lalake at hinawakan ang kaniyang palad.
Huli na nang dumating ang kaniyang ina. Si Ilang ay unti-unting naglaho. Walang nagawa ang ina kundi umiyak na lang at sinabing, “Ilang… Ilang… nasaan ka na anak?” Isang napakabangong halimuyak ng isang bulaklak ang naamoy ng ina. Nanggaling ito sa lugar ng kinalubugan ni Ilang. May isang halamang unti-unting umusbong sa lupa. Ang halamang ito ay pinangalanang Ilang, bilang pag-alaala sa kanilang anak na si Ilang.
Sa paglipas ng panahon, ang Ilang ay naging Ilang-Ilang.

Ang Alamat ng Waling-Waling
(The Legend of Waling-Waling)
Ang alamat na ito ay nangyari sa panahong hindi na lubusang matatandaan. Ito ay tungkol sa pinagmulan ng mahalimuyak at marikit na Waling-Waling. Ang mga pinakamagandang bulaklak ng Waling-Waling ay matatagpuan sa Davao. Sa tabi ng ilog Daba-daba, na ang tubig ay umaagos mula sa Bundok ng Apo, nakatahanan ang balangay ng Dayaw. Pinamumunuan ito ni Raha Musukul. Si Rani Waling ang magandang asawa ng Raha. Siya ang nagdadala ng kaligayahan at kariktan sa Dayaw. Magdadapithapon na nang may isang tauhan ng balangay ang nagmamadaling tumungo sa tahanan ng Raha. Isang masamang balita ang inihatid nito. Ang nakababatang kapatid ni Raha Musukul na si Datu Ambungan ay napatay sa Bundok ng Apo. Sinasabing habang nangangaso ang Datu kasama ang kanyang tauhan, isang kasapi mula sa tribo ni Raha Makalisang ang pumatay sa kanya. Sa pagkarinig nito ni Raha Musukul ay sumiklab ang kanyang poot kay Raha Makalisang. Ang tribong ito ay matatagpuan sa kabilang dako ng Bundok ng Apo. Agad-agad na pinatawag niya ang kanyang tagapagpayo na si Datu Kinadmanon at ipinahanda ang isandaang mga sundalo. Sa kanyang paghihiganti ay lulusubin niya ang tribo ni Raha Makalisang. Subalit sa pagpapasyang ito ay hindi sumang-ayon si Datu Kinadmanon. “Hindi mo maaaring pilitin na lumusob sa balangay ni Makalisang. Hindi tayo handa at mapanganib ito para sa iyong buhay.” ang nag-aalalang sabi ng Datu. “Ako man ay hindi nag-aalala sa sarili kong buhay. Pinatay nila ang pinakamamahal kong kapatid at dapat babayaran ni Makalisang ang buhay niya ng sariling dugo.” ang pagtitimping pananalita ni Raha Musukul. “Ngunit paano ang iyong Rani? Papabayaan mo na lang bang iwan siya na walang katapatang ika’y magbabalik?” Dumating si Rani Waling at nagtangkang pigilan ang paglisan ng asawa. “Mahal kong Raha, hindi ako makakapayag na ilagay mo ang sariling buhay sa guhit ng kamatayan.” ang pag-iyak ng magandang Rani. Kailangan kong ipaglaban ang buhay ng yumaong si Ambungan. Mahal, sana’y maintindihan mo ang pasya ko.” ang sagot naman ng Raha. “Si Raha Makalisang ay kilala sa pagpapatay ng sinumang dayuhang lalampas sa kanyang teritoryo nang walang permiso.” Wala siyang binubuhay na nagkakasala.” pagmamakaawa ni Rani Waling. “Alam ko iyan. Datapuwat iya’y hindi makakapigil sa aking pagsasalakay. Maghintay ka lamang, magbabalik ako at ito ay isang pangako.” ang matamlay na pamamaalam ng magiting na Raha. Nang gabing iyon ay lumisan si Raha Musukul kasama ang isandaang tauhan patungo sa kabilang dako ng Bundok ng Apo. Maraming araw silang naglakbay sa kabundukan upang makaabot sa tribo ng Raha Makalisang. Maraming linggo ang dumaan at lubos na nag-aalala na si Rani Waling tungkol sa Raha. “Sa pagkakataong ito ay dapat nakabalik na sila mula sa labanan.” ang nababalisang sabi ng Rani kay Datu Kinadmanon. “Mahal na Rani, ika’y huwag mawalan ng pag-asa. Darating ang Raha, maghintay ka lamang.” ang pananalig na pagsabi ni Datu Kinadmanon. “Kailangang hahanapin ko na siya ngayon. Ako’y nag-aalala sa kanyang kaligtasan.” “Bilang paggalang mahal na Rani, hindi ako makakapagpahintulot na ika’y aalis at maghahanap sa Raha. Mahigpit na bilin sa akin ng Raha Musukul n ika’y pananatilihin dito sa balangay.” “Sinikap ni Rani Waling na umasa at maghintay sa Raha ngunit paglipas ng dalawang buwan ay muling umalab ang pag-aalala nito. Nag-iiwan ng tanong sa mga isipan ng mga taga-Dayaw ang paglulusob ni Raha Musukul. Ito ay dahil sa mahabang panahon na dumaan ay walang nakabalik mula sa labanan. Isang gabi, nang tulog na ang Datu Kinadmanon ay pinatawag ni Rani Waling ang alalay na si Kugihana. Napagpasyahan ni Rani na tumakas at hanapin ang Raha. Tumungo sina Rani Waling at Kugihana sa Bundok ng Apo upang maghanap sa Raha. Maraming araw silang naglakbay at naghanap ngunit wala silang natagpuang pahiwatig na nabubuhay pa ang Raha. Buo pa rin ang loob ng Rani na buhay pa ang matapang na Raha at magbabalik ito, dahil ito ay isang pangako. Sa kapayapaan ng kagubatan ay lalong nagdurusa si Rani Waling sa nadadamang pagdadalamhati. Umakyat siya sa isang matayog at malapad na punongkahoy. Buong araw siya doon namalagi sa isa sa mga naka-usbong na mga bisig ng puno upang mas mainam niyang matanaw ang maluwang na paligid sa pagdarating ng iniirog na kabiyak. Sumapit ang isang hapon at naubusan na sila ng pagkain. “Kugihana, hanapan mo tayo ng makakain. Magpapatuloy tayo sa ating paglalakbay ngunit nangangailangan tayo ng pagkain at pahinga. Pumitas ka ng mga prutas mula sa mga punongkahoy sa may tabing ilog ng Daba-daba.” ang utos ng Rani. “Ngunit, mahal na Rani, napakalayo noon at hindi kita maaaring iwan ng matagal. Mapanganib dito sa bundok ng Apo.” ang nababalisang sagot ni Kugihana. “Basta’t sundin mo ako at lumisan ka na upang makababalik ka bago magbubukang liwayway.” ani Rani Waling. At nagsimula nang maglakad nang palayo si Kugihana habang maigi itong nagtataka sa mga salita ng Rani. Subalit sa layong inilakbay ni Kugihana ay napagod siya matapos magtumpok ng mga makakain. Dahil sa labis na pagkapagod, siya ay napaidlip sa lilim ng isang malaking punongkahoy. Samantala, nang makaalis na si Kugihana, nagdasal si Rani Waling na parang hindi siya nagdadasal noon. Ito na ang nagmimistulang pinakamakapangyarihang dasal na naisabi niya sa Bathala. “Mahal na Bathala, ibalik niyo po sa akin ang sinisinta kong si Raha Musukul. Kailangang matupad niya ang pangakong pagbabalik sa aking buhay. Ang kaluluwa ko’y hindi mamamayapa hangga’t hindi ko siya makikita. Ako’y maghihintay sa buong buhay, masubaybayan lang ang kanyang pagdating.” Ang nagdadalamhating daing ng Rani ang siyang nangingibabaw sa kagubatan ng Bundok ng Apo. Sa paghahagulhol ni Rani Waling ay dahan-dahang nagtumpuk-tumpok ang mga nangingitim na mga ulap sa naninilim na himpapawid. Nagsimulang umulan, kumulog at kumidlat, na tila sumasagot ang Bathala sa pighating paghihikbi ng Rani. Buong gabing umiiyak si Rani waling, kasabay ang matinding unos na iniluluha ng kalangitan. Kinabukasa’y napakaliwanag ng araw ngunit hindi namalayan ni Kugihana na umaga na pala. Nang masilayan siya ng sinag ng araw ay nagising siya at sa kanyang pagkabigla ay agad-agad siyang napatakbo patungo sa kinaroroonan ng Rani, taglay ang mga prutas na kanyang pinitas. Ngunit nang makaabot siya sa pinag-iwanan niya kay Rani Waling, siya ay biglang napahinto. Wala na ang Rani sa mayabong na punongkahoy na kinananatilihan niya kahapon. Subalit sa sangang iyon na noo’y kinauupuan ni Rani Waling, ay may taglay na kakaibang bulaklak. Ito’y munti at ang mga lilang petal nito’y kabigha-bighani. Dalawang araw na naghanap si Kugihana kay Rani Waling sa kagubatan, ngunit hindi niya ito natagpuan. Umuwi na lamang siya sa balangay ng Dayaw upang humingi ng tulong. Sinabihan niya si Datu Kinadmanon sa lahat ng mga pangyayari na sa pagkarinig nito’y madaling naghanda ng mga tauhan upang tumungo sa gubat. Sa kagubatan ay naghanap silang lahat kay Rani Waling sa loob ng tatlong araw. Walang ni isang kaalaman ang naiwan ng Rani, maliban lang sa bulaklak na iyon. Sa pagkakita nito ni Kugihana ay nabigla siya sa pagdami nito. Ang mga lilang bulaklak na iyon ay kumalat na bumabalot sa punong iyon at sa mga katabing puno nito na wari’y may hinahanap. “Ang bulaklak na ito’y kasingrangya at kaakit-akit ng magandang si Rani Waling. Siya ay ating ipaubaya na sa makapangyarihan na Bathala, hanggang sa pakakataong matanto niya ang tanging ninanais: ang pagbabalik ng iniirog na si Raha Musukul.” ang marahang pananalita ni Datu Kinadmanon. Magmula noon ay Waling-Waling ang tinatawag sa lilang bulaklak na iyon. Pinaniniwalaang patuloy na naghihintay pa rin si Rani Waling sa pagbabalik ng sinta. Ito ay lalung-lalo na tuwing umuulan at mabagyo kung kailan dumadami at kumakalat ito sa mga puno. At ang lilang kulay nito ang kulay ng pagdadalamhati ni Rani Waling na hanggang ngayo’y hindi pa natatahan.

Ang Alamat ng Sampaguita
(The Legend of Sampaguita)
Ang sampaguita, na ating pambansang bulaklak, ay may iniingatang isang magandang alamat. Ang dalawang pangunahing tauhan ay bibigyan natin ng mga makabagong pangalan, bagaman ayon sa mattanda, ang mga tagpong inilalarawan sa kuwento ay nangyari noong bago pa dumating dito sa atin ang mga Kastila.
Noo’y panahon pa ng mga baranggay at datu. Ang Balintawak at ang Gagalangin ay baranggay na magkapit-bahay. Sa pagitan ay may isang matibay na bakod na yari sa mga pinatuyong kawayan , na tuwing limang taon ay ginigiba at pinapalitan. Kung minsan, ang nagpapalit ay ang mga kawal ng datu sa Gagalangin; kung minsan naman ay ang mga kawal ng datu sa Balintawak. Ngunit ang lahat ay gumagawa alinsunod sa utos ng kani-kanilang puno. Ang datu ng Balintawak ay mayroon daw isang anak na dalaga na walang pangalawa sa kagandahan, maging sa mukha at sa pag-uugali. Ang ngalan niya ay Rosita, wala na siyang ina, datapuwa’t mayroon siyang apat na abay na pawang mga dalaga rin; sila ang nag-aasikaso sa kanyang mga pangangailangan.
Maraming binatang nagingibig sa kanya, ngunit ang nakabihag ng kanyang mailap na puso ay ang anak na binata ng datu ng Gagalangin na nangangalang Delfin. Nakapagtataka kung bakit gaong ang kanilang mga ama ay mahigpit na magkaaway ay sila’y tinubuan ng pag-ibig sa isa’t isa. Marangal ang pag-ibig ni Delfin kay Rosita — walang halong pag-iimbot, alang ano mang masamang hangarin.
Sa isang sulok ng bakod ng hanggahan natatabingan ng malagong halaman, si Delfin ay gumagawa ng isang lihim na lagusan kanayang madaraanan. Kaya’t kung gabing maliwanag ang buwan, malimit daw magpasayal sila ni Rosita, kasama ang mga abay na dalaga. Sinasamyo nila ang malinis na simoy ng kabukiran at pinanonood nila ang kaayaayang mukha ng buwan. Ang pag-iibigan nilang iyon ay lingid sa kaalaman ng kanilang mga magulang.
Minsan, nabalitaan ng datu ng Gagalangin na ang hanggahang bakod ay binubuwag at pinapalitan ng mga taga-Balintawak. Nag-utos siya sa ilan niyang mga tauhan upang magmasid sa ginagawang pagbabakod ng mga taga-Balintawak. Nang sila’y magbali, tumanggap siya ng balita na ang bagong bakod na itinatayo ay iniusod nang may limang talampakan sa dako ng Gagalangin, at samakatuwid ay nakakakuha sa kanilang lupa. Agad siyang nagpautos sa datu ng Balintawak. “Sabihin ninyo,” anya sa mga utusan, ” na ibalik ang bakod sa dating kintatayuan. Hindi matuwid ang kanilang ginagawa, sapagka’t tunay na isang pagnanakaw.” Nagalit ang datu ng Balintawak nang humarap sa kanya ang mga sugong buhat sa Gagalangin at sabihin sa kanya ang biling ng datu roon. “Sabihin niyo sa inyong datu,” ang wika niya sa mga sugo,” na ako’y hindi magnanakaw. Ang bakod ay binbalik ko lamang sa dapat kalgyan ayon sa natuklasan kong mga kasulatan ng aking mga nuno.” Ipinag-alab bg loob ng ama ni Delfin ang tinanggap niyang balita.
Sa gayung mga alitan, ang karaniwang nagiging hangganan ay digmaan. Inihanda ng datu ng Gagalangin ang kanyang mga hukbo. Kailangang bawiin niya sa pamamagitan ng patalim ang lupang sa palagay niya ay ninakaw sa kanya. Nang mabalitaan ng datu ng Balintawak na ang Gagalangin ay naghahanda upang siya ay digmain, iginayak din niya ang kanyang mga kawal. Nang malapit na ang araw ng paglusob ng hukbo ng Gagalangin sa mga taga-Balintawak, ang datu ay biglang dinapuan ng isang mahiwagang karamdaman at di nagtagal ay namatay. Naiwan kay Delfin ang isang mabigat na panagutan: siya ang magiging heneral ng hukbo ng Gagalangin. Nang makarating sa kaalaman ni Rosita ang bagay na ito, siya’y kinabahan. Si Delfin ay batang-bata at wala pang gaanong karanasan sa digmaan, samatalang ang kanyang ama ay nahasa na sa maraming pakikilaban sapul pagkabata. Gayon na lamang ang kanyang pag-aalala. Ibig sana niyang magkausap sila ni Delfin upang ito’y himuking iurong na ang digmaan at mapayapang pakipag-usapan sa ama niya ang lahat. Datapuwa’t wala na silang panahon upang magkausap pa. Kinabukasan noo’y lalabas na sa larangan ang kanyang ama sa unahan ng isang malaking hukbo. Naging madugo ang labanan nang magsagupa ang dalawang hukbo. Maraming nalagas sa magkabilang panig. Si Delfin ay natadtad ng sugat , at dahil sa masaganang dugong nawala sa kanya, siya’y nabuwal na lamang at sukat sa lupa. Bago siya nalagutan ng hininga, ipinagbilin niya sa kanyang mga kawal na doon siya ilibing sa tabi ng hanggahang bakod, malapit sa lihim na lagusang dinaraanan niya kung gabing maliwanag ang buwan at sila ni Rosita, kama ng mga abay nito, ay mapayapang namamasyal sa makapal na damuhan. Hindi nabanggit ng mga matatandang nagkuwento ang sinapit na buhay ng dalawang magsing-ibig, kung ano ang naging hanggan ng labanan. Ang sabi lamang nila ay ganito : nang mabalitaan ni Rosita ang pagkamatay ni Delfin sa labanan, ang dalaga’y nagkasakit sa matinding dalamhati. Nagpatawag ng magagaling na mangagamot ang datung ama niya, ngunit sino man sa kanila’y hindi nakapagpagaling sa kaawa-awang dalaga. Unti-unti itong pinanawan ng lakas. Nang sa palagay ni Rosita ay hindi siya magtatagal, hiningi niya sa kanyang ama na ang bangkay niya’y doon lamang ilibing sa tabi ng pinaglibingan kay Delfin. Masaklap man sa kalooban ng datu, pinagbigyan niya ang kahilingan ng minamahal niyang anak. Maraming taon ang lumipas mula noon. Nawala na ang mga baranggay at dumating na ang mga Kastila. Naitatag na ang siyudad ng Maynila. At buhat noo’y marami ng tao sa Balintawak at sa Gagalangin. Ngunit ang mga tao sa dalawang pook na ito ay naliligalig sa isang mahiwagang bagay. Kung buwan daw ng Mayo, lalu na kung mga gabing maliwanag ang buwan, may mahiwagang tinig na naririnig ang nagsisipanirahan sa may pagitan ng ng dalwang nayong naturan. Ang tinig ay waring sa isang babae at malambing daw na parang marahang bulong ng panggabing hanging humahalik sa mga dahon ng halaman. “Sumpa kita! …Sumpa kita!” ang winiwika raw ng tinig. Ngunit ang mga tao, kung minsa’t sila’y nagbabantay, ay wala namang nakikita. Napansin nila na ang waring nagmumula sa isang masukal na dako, na sinibulan ng dalawang puno ng halamang ang mga bulaklak ay may kaliitan datapuwa’t maputi, maraming talulot at ang iwing bango’y pambihira.
Ganyan ang lagi nang nasasaksihan ng mga tao roon kung buwan ng Mayo, taun-taon. Sa di-kawasa’y naisipan nilang hukayin ang dalawang halamang iyon upang matuklasan ang hiwaga ng malambing na tinig at ang kahulugan ng mga salitang sinasambit. Hindi naman sila gaanong naghirap. Nguni’t ang kanilang pagtataka’y lalo pang nadagdagan nang makita nilang ang dalwang puno ng mababangong halaman ay nagmumula sa mga bibig ng dalawang bungong hindi gaanong nagkakalayo sa pagkakabaon, at nakakabit pa rin sa kalansay. Ngayo’y nanariwa sa alala ng mga matatanda ang kasaysayan ng dalawang kapos-palad – Si Delfin at si Rosita. Samantala…. Ang kuwento’y nagkasalin-salin sa maraming bibig, at ang “Sumpa kita!” na inihahatid ng panggabing simoy sa pandinig ng mga nagmamatyag ay naging “Sampaguita” , na siyang iningalan na tuloy sa mahalimuyak na bulaklak ng halamang tumutubo sa libing ng magsing-irog.

Ang Alamat ng Bulaklak ng Narcissus
(The Legend of the Flower of Narcissus)
Noong unang panahon na nag mundo ay malapit sa kalangitan, at ang tao’y natatanaw pa ng diyos at diyosa, ay may isang nilalang na isinilang na perpekto; siya ay si Narcissus.
Si Narcissus ay isang binatang ubod ng kisig. Napakaganda ng kanyang mukha at tindig. Tila anghel ang kanyang mukha na napakalinis na lalong bumagay sa kanyang mapulang labi, matangos na ilong, makapal na kilay at nagniningning na mga mata.
Ang kanyang katawan ay kay ganda ng hubog at tila inukit ng mahusay na iskultor. Walang nilalang sa lupa na hindi hahanga sa kakisigan ni Narcissus. Sa katunayan, maging ang mga diyos at diyosa sa kalangitan ay humahanga at sumasaya sa tuwing siyay’y natatanaw.
Hindi lingid kay Narcissus ang kanyang perpektong kakisigan, kung kaya’t ganun na lamang ang pag-iingat na ginagawa niya para sa kanyang katawan.
At sobrang paghanga ng binata sa sariling katangian ay walang oras na hindi niya tinitingnan sa tubig ang kanyang sariling repleksyon. Lalo naman siyang humahanga sa sarili habang naglalaon.
Sa paglipas ng mga araw, kinailangan ng binatang si Narcissus ang maglakbay sa ibang lugar, kung saan ay kailangan niyang bagtasin ang mga gubat.
At sa paglalakbay nga ni Narcissus ay naging napakahirap para sa kanya, sapagkat hindi siya sana’y na mahirapan ang katawan. At isa pa, sa gubat na kanyang nadaraan ay puro puno at halamn, kung kaya’t hindi niya nasisilayan ang sariling repleksyon sa tubig; bagay na kinasasabikan na niya.
At isang araw, anong saya ang nadama ng binata nang sa isang gubat ay nakakita siya ng batis.
Nagmamadali na lumapit si Narcissus sa batis at tiningnan nito ang sarili sa tubig. Lalo pang humanga ang binata sa sarili sa mga oras na iyon, dahil na rin sa kasabikan niyang makita ang sariling repleksyon.
At upang lalo pang makita ang sarili, ay lao pang inilapit ni Narcissus ang mukha sa tubig.
Ngunit bigla nalang nadulas ang binata at nahulog pabulusok sa tubig.
Sa kasamaang palad, si Narcissus ay nalunod at pumanaw. Lubhang nalungkot ang lahat sa sinapit ng binata. Maging ang mga diyos at diyosa ay nakadama ng matinding lungkot sa spagkawala ng pinakamagandang tao sa mundo. At biglang pag-alala ng mga diyosa sa binata, ay isang halaman na may kay-ganda at kay-putting bulaklak ang pinatubo nila sa gilid ng mga batis. At ang bulaklak nga na ito ay tinawag nating “Narcissus” hanggang sa ngaun.

Ang Pinagmulan ng Palay
(The Origin of Rice)
Noong unang araw, hindi nagtatanim ng halaman at hindi nag-aalaga ng hayop ang mga tao para may makain. Umaasa lamang sila sa kalikasan. Kaya tumitira sila kung saan may pagkain. May tumitira sa mga kuweba sa bundok at nabubuhay sa bungangkahoy at nahuhuling hayop.
May tumitira sa tabing ilog at dagat at nabubuhay sa pangingisda. Tumitira sila sa isang lugar hanggang may makakain at humahanap ng ibang lugar ‘pag wala nang makain.
Kasama ng iba ang mga mag-asawang Banag at Danas sa paghahanap ng bagong lugar ng matitirhan. Dati silang nakatira sa tabing dagat. Ngunit sinira ng malakas na bagyo ang kanilang mga bahay sa tabing dagat. Natatakot silang muling abutin ng bagyo.
“Bakit lagi tayong lumilipat ng tirahan?” tanong ni Banag kay Danas. “Pagod na akong sa ganitong buhay. Hindi tuloy tayo magkaanak.” Gusto ni Banag na humiwalay sila sa iba at mamalagi sa isang magandang pook. “Gusto kong isilang doon ang ating anak.”
Sinunod ni Danas ang hiling ng asawa. Pumili sila ng isang magandang pook sa bundok at doon nagtayo ng munting bahay. Tahimik ang napili nilang pook sa bundok at sagana sa prutas at hayop na makakain. May malinaw na batis sa malapit at maraming isdang nahuhuli si Danas.
Ngunit biglang dumating ang tagtuyot. Matagal na hindi umulan at natuyo ang luupa. Namatay ang mga halaman at punongkahoy at nawala ang mga hayop at ibon. Namatay ang mga isda sa natuyong batis.
Naghanap ng pagkain sa malayo si Danas. Ngunit malawak ang dumating na tagtuyot. Naglakad siya nang naglakad at nakarating sa kabilang bundok ngunit wala pa rin siyang makitang pagkain.
Inabot ng matinding pagod si Danas sa gitna ng isang malapad na parang. Nahiga siya sa damuhan at nakatulog. Noon biglag humihip ang hangin at sumayaw at umawit ang mga damo. Nagising at nagulat si Danas.
Pinakinggan ni Danas ang awit ng mga damo. “Kami ang pag-asa ng tao, Danas. Pulutin mo ang aming mga bungang butil. Masarap na pagkain ang aming mga butil.” Noon napansin ni Danas ang mga uhay ng damo. Hitik sa mga gintong butil ang bawat uhay. Pumitas siya ng isang butil at kinagat. “Bayuhin mo ang aming mga butil para maalis ang gintong balat,” muling awit na masaya ng mga damo. Iluto mo ang puting laman ng butil para lumambot at maging masarap na pagkain.”
Pumitas ng maraming uhay si Danas hanggang mapuno ang kanyan sisidlan at nagmamadaling umuwi kay Banag. “May pagkain na tayo ngayon,” tuwang tuwang balita niya kay Banag. Tulad ng utos ng mga damo, inalisan nila ng balat ang mga butil at iniluto bago kinain.
Kinabukasan, nagbalik sa parang si Danas. “Itanim mo ang aming butil, ” awit ng mga damo. “Itanim mo sa lupang pinalambot ng ulan. Tutubo ang mga butil at alagaan mo. Tuwing mag-aani ka’y maglaan ka ng mga butil para muling itanim at alagaan. Matuto kang magsaka at mag-alaga ng halaman at sa pagsasaka ka aasa ng ikabubuhay.”
Biglang naramdaman ni Danas ang patak ng ulan. Nagdilim ang langit nang tumingala siya. “Palay ang itawag mo sa iyong pananim,” awit ng mg damo na lalong sumigla ang pagsayaw pagbuhos ng malakas na ulan. “Ibalita mo sa ibang tao ang lahat. Ituro mo sa kanila ang pag-aalaga ng palay.”
Sinunod ni Danas ang mga utos ng damo. Gumawa siya ng bukid sa paligid ng bahay at pinag-aralang mabuti ang pag-aalaga ng palay. Itinuro niya sa ibang tao ang natutuhan. Lumawak nang lumawak ang mga bukid na taniman at mula noon, naging mag-sasaka ang mga tao. Hindi na rin sila palipat-lipat ng tirahan.

About these ads

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s